Tanong
Ano ang ibig sabihin ng “ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21)?
Sagot
Sinasabi sa Filipos 1:21, “Sa ganang akin ang mabuhay ay si Cristo at ang mamatay ay pakinabang.” Maraming tao na ang pinagtutuunan ng pansin ay ang ikalawang bahagi ng talata, “ang mamatay ay pakinabang” at minumuni-muni ang kagalakan sa kalangitan. Pero hindi natin dapat lampasan ang mga salita bago iyon. Ang kahalagahan ng pariralang “ang mabuhay ay si Cristo” ay hindi mapapasubalian. Ang parirala ay dapat na maging sentro sa bawat buhay ng mga Kristiyano.
Sa pangungusap na ito, sinasabi ni Pablo na ang lahat na kanyang sinusubukang gawin, ang lahat sa kanyang buong buhay, at ang lahat na kanyang inaasam ay si Cristo. Mula ng maging mananampalataya si Pablo, ang bawat niyang ginagawa ay nakatuon sa pagpapalawig ng kaalaman sa Ebanghelyo at sa iglesya ni Cristo. Ang nagiisang layunin ni Pablo ay luwalhatiin si Jesu Cristo.
“Ang mabuhay ay si Cristo” ay nangangahulugan na ipapangaral natin ang Ebanghelyo ni Cristo anuman ang mangyari. Nangaral si Pablo sa mga sinagoga; sa tabing ilog; nangaral siya bilang isang bilanggo; nangaral siya bilang isang apostol; nangaral siya bilang isang manggagawa ng tolda. Ang kanyang mensahe ay hindi nagbabago: “si Jesu-Cristo at ang kanyang kamatayan sa krus” (1 Corinto 2:2). Dinala niya ang mensahe ni Cristo sa mga hari, sa mga sundalo, sa mga pulitiko, sa mga pari, sa mga Judio, at sa mga Hentil, at sa mga lalaki at mga babae. Literal siyang nangaral sa sinumang nagnanais na makinig.
“Ang mabuhay ay si Cristo” ay nangangahulugan na tutularan natin ang halimbawa ni Cristo. Ang lahat ng ginawa at sinabi ni Jesus ay siya ring ninais na gawin at sabihin ni Pablo. Nakinabang ang iglesya sa kanyang makadiyos na halimbawa: “Tularan ninyo ako, gaya ng pagtulad ko kay Cristo.” (1 Corinto 11:1). Ano ang gagawin ni Jesus? Iyon ang dapat na nais din nating gawin.
“Ang mabuhay ay si Cristo” ay nangangahulugan na nanasain natin ang karunungan ni Cristo. Nais nating mas makilala pa si Cristo bawat araw. Hindi lamang ang mga katotohanan tungkol kay Cristo ngunit si Cristo mismo: “Ang tanging hangarin ko ngayon ay lubusang makilala si Cristo, maranasan ang kapangyarihan ng kanyang muling pagkabuhay, makibahagi sa kanyang mga paghihirap, at maging katulad niya sa kanyang kamatayan, umaasang ako man ay muling bubuhayin mula sa kamatayan” (Filipos 3:10-11).
“Ang mabuhay ay si Cristo” ay nangangahulugan na handa tayong isuko ang anumang bagay na humahadlang sa atin sa ating relasyon kay Cristo. Ito ang patotoo ni Pablo patungkol dito: “Ngunit dahil kay Cristo, ang mga bagay na pinapahalagahan ko noon ay itinuring kong walang kabuluhan ngayon. Oo, itinuturing kong walang kabuluhan ang lahat ng bagay bilang kapalit ng lalong mahalaga, ang pagkakilala kay Cristo Jesus na aking Panginoon. Ang lahat ng bagay ay ipinalagay kong walang kabuluhan at itinuring kong basura, makamtan ko lamang si Cristo at lubos na makipag-isa sa kanya. Ang aking pagiging matuwid ay hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusan, kundi sa pananalig kay Cristo. Ang pagiging matuwid ko ngayo'y buhat sa Diyos, sa pamamagitan ng pananampalataya” (Filipos 3:7-9). Nanghahawak tayo sa pangako ng ating Panginoon sa Markos 10:29-30 na ang ating mga pagsasakripisyo ay papalitan niya ng daang ibayo.
“Ang mabuhay ay si Cristo” ay nangangahulugan na si Cristo ang ating pinagtutuunan ng pansin, ang ating layunin, at ang ating pangunahing naisin. Si Cristo ang sentro ng ating isip, puso, katawan, at kaluluwa. Ang lahat na ating ginagawa ay ginagawa natin para sa kaluwalhatian ni Cristo. “Buong tiyaga tayong tumatakbo sa takbuhing nasa ating harapan” na “itinutuon ang ating paningin kay Jesus” kung kanino “nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan” (Hebreo 12:1-2). Siya ang ating buhay.
English
Ano ang ibig sabihin ng “ang mabuhay ay si Cristo” (Filipos 1:21)?