Tanong
Ano ang ibig sabihin para sa isang Kristiyano na lumago sa pananampalataya?
Sagot
Inuutusan tayo sa Kasulatan na “lumago sa biyaya at kaalaman sa ating Panginoong Jesu Cristo” (2 Pedro 3:18). Ang paglagong ito ay paglago sa espiritwal, o paglago sa pananampalataya.
Sa sandaling tanggapin natin si Cristo bilang ating Tagapagligtas, isinilang tayong muli sa espiritwal sa pamilya ng Diyos. Gaya ng mga bagong silang na sanggol na kinakailangang pakainin ng gatas para lumaki at lumusog, gayundin naman, nangangailangan ang isang batang mananampalataya ng espiritwal na pagkain para lumago ang kanyang pananampalataya. “Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan, sapagkat “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon” (1 Pedro 2:2-3). Ang salitang gatas ay ginagamit sa Bagong Tipan bilang simbolo ng pangunahing pangangailangan sa buhay Kristiyano.
Ngunit habang lumalaki ang isang sanggol, hindi na sapat sa kanya ang gatas. Kailangan na din niya ang matigas na pagkain. Ito ang nasa isip ng manunulat ng Hebreo ng kanyang paalalahanan ang mga Kristiyano: “Dapat sana'y mga tagapagturo na kayo, subalit hanggang ngayo'y kailangan pa kayong turuan ng mga panimulang aralin ng Salita ng Diyos. Dapat sana'y kumakain na kayo ng matigas na pagkain ngunit hanggang ngayon, gatas pa lamang ang inyong kaya. Ang sanggol pa ay nabubuhay sa gatas at wala pang karanasan tungkol sa mabuti at masama. Ang matigas na pagkain ay para sa may sapat na gulang at dahil sa pagsasanay ay marunong nang kumilala ng pagkakaiba ng mabuti at masama” (Hebreo 5:12-14). Nakita ni Pablo ang parehong problema sa mga mananampalataya sa Corinto; hindi sila lumalago sa kanilang pananampalataya at ang kaya lamang nila ay “gatas” dahil hindi pa sila handa para sa matitigas na pagkain (1 Corinto 3:1-3).
Ang analohiya sa pagitan ng isang batang sanggol at isang sanggol sa espiritwal ay mauunawaan kung ating titingnan kung paano lumalaki ang bawat bata. Ang isang bata ay pinapakain ng kanyang mga magulang at natural siyang lumalaki. Ngunit ang isang batang Kristiyano ay lalaki lamang kung sasadyain niyang magbasa ng Bibliya at ilalapat sa kanyang buhay ang mga itinuturo nito. Nakasalalay sa kanya ang kanyang paglaki. May mga Kristiyano na naligtas na sa loob ng maraming taon ngunit sanggol pa rin sa espiritwal. Hindi nila nauunawaan ang malalalim na katotohanan ng Salita ng Diyos.
Ano ang dapat na kainin ng isang Kristiyano? Ang Salita ng Diyos! Ang mga katotohanang itnuturo ng Bibliya ay mayamang pagkain para sa mga Kristiyano. Isinulat ni Pedro na ibinigay na sa atin ng Diyos ang lahat na ating kinakailangan para lumago sa ating pagkakilala sa Kanya. Basahin ng maingat ang 2 Pedro 1:3-11 kung saan inilista ni Pedro ang mga katangian na kinakailangan nating idagdag sa pasimula ng ating pananampalataya para maganap ang paglago at salubungin tayo ng Diyos sa walang hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu Cristo.
English
Ano ang ibig sabihin para sa isang Kristiyano na lumago sa pananampalataya?