Tanong
Mayroon bang listahan ang Bibliya ng mga kasalanan?
Sagot
Lagi nating iniisip na ang ating buhay ay magiging simple kung may susundin tayong mga listahan. Mayroon tayong listahan ng mga bibilhin, listahan ng mga gagawin, listahan ng mga kahilingan, at marami pang iba. Tunay na kung nais ng Diyos na magtagumpay tayo sa ating pamumuhay para sa Kanya, tiyak na may listahan ang Bibliya ng mga bagay at gawain na dapat nating iwasan. Kung susuriin natin ang Bibliya, makakakita tayo ng mga listahan ng mga kasalanan, ngunit matutuklasan din natin na tila walang katapusan ang mga listahang ito.
Mula pa sa umpisa, sinabi na ng Diyos sa tao kung ano ang tama at mali. Kay Adan sa hardin ng Eden, sinabi ng Diyos, "…Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan:
17 Datapuwa't sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka't sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka" (Genesis 2:16-17). Nang lumabas ang mga Israelita mula sa Ehipto, ibinigay ng Diyos ang Kanyang Kautusan sa Bundok ng Sinai. Hindi ang Sampung Utos (Exodo 20:1-17) ang buong kautusan, kundi ang paglalagom lamang ng lahat ng iniuutos sa kanila ng Diyos. Ang buong aklat ng Levitico at Deuteronomio ay inilaan upang ipahayag sa mga Israelita ang mga utos ng Diyos. Sinasabi ng mga Rabi, o mga Hudyong guro ng Kautusan na may 613 kautusan sa Torah (mga aklat ni Moises). Mula sa mga kautusang ito, 365 na utos ang naguumpisa sa mga salitang, "Huwag kang…"
Ano ang ilang halimbawa ng mga kasalanang ito? Mula sa Sampung Utos, mayroon tayo ng maling pagsamba, paggamit sa pangalan ng Diyos ng walang kabuluhan, hindi paggalang sa Araw ng Pamamahinga o Sabbath, hindi paggalang sa ama at ina, pagpatay, pangangalunya, pagnanakaw, pagsisinungaling o pagsaksi sa hindi katotohanan at pagiimbot o paghahangad ng pagaari ng iba. Sa Kanyang Sermon sa Bundok (Mateo 5–7), dinala ni Hesus ang ilan sa mga kasalanang ito sa isang panibagong antas. Tungkol sa pagpatay, sinabi ni Hesus, "Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't mapoot sa kaniyang kapatid ay mapapasa panganib sa kahatulan…. at ang sinomang magsabi, Ulol ka, ay mapapasa panganib sa impierno ng apoy" (Mateo 5:22). Patungkol sa pangangalunya, sinabi ni Hesus, "Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala, na ng pangangalunya sa kaniyang puso" (Mateo 5:28). Sinabi sa atin sa Galacia 5:19-21, "At hayag ang mga gawa ng laman, sa makatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, Pagsamba sa diosdiosan, pangkukulam, mga pagtataniman, mga pagtatalo, mga paninibugho, mga pagkakaalitan, mga pagkakampikampi, mga pagkakabahabahagi, mga hidwang pananampalataya, Mga kapanaghilian, mga paglalasing, mga kalayawan, at ang mga katulad nito; tungkol sa mga bagay na ito ay aking ipinagpapaunang ipaalaala sa inyo, tulad sa aking pagpapaalaala nang una sa inyo, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Dios." Kahit na ang maiksing listahang ito ay magbibigay sa tao ng napakaraming trabaho na pagpapaguran niya sa kanyang buong buhay. Bilang karagdagan sa iba't ibang listahan na makikita sa Kasulatan, sinabi din sa atin sa 1 Juan 5:17 na "Lahat ng kalikuan ay kasalanan." Hindi lamang sinasabi sa atin ng Bibliya ang mga bagay na hindi natin dapat gawin, kundi sinasabi din sa Santiago 4:17, "Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya."
Kung susubukan natin na mangalap ng listahan ng mga kasalanan, makikita natin ang ating mga sarili na nakalibing sa ilalim ng paguusig ng ating sariling budhi at kabiguan dahil matutuklasan natin na nagkasala tayo ng higit pa sa ating inaakala. Sinasabi sa atin ng Kasulatan, "Sapagka't ang lahat na sa mga gawang ayon sa kautusan ay nasa ilalim ng sumpa: sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't hindi nananatili sa lahat ng mga bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan, upang gawin nila" (Galacia 3:10). Habang ang pangungusap na ito ay tila nagbabadya ng kawalang pag-asa para sa atin, ang katotohanan ay ito ang pinakamagandang balita sa lahat ng balita. Dahil hindi natin kayang sundin ang lahat ng Kautusan ng Diyos, tiyak na may solusyon ang Diyos sa problemang ito, at makikita ito sa mga sumunod na talata: "Sa sumpa ng kautusan ay tinubos tayo ni Cristo, na naging sumpa sa ganang atin; sapagka't nasusulat, Sinusumpa ang bawa't binibitay sa punong kahoy: Upang sa mga Gentil ay dumating ang pagpapala ni Abraham na kay Cristo Jesus; upang sa pamamagitan ng pananampalataya ay tanggapin natin ang pangako ng Espiritu" (Galacia 3:13-14). Ang kautusan ng DIyos, o ang mga listahan ng mga kasalanan na ating makikita sa Bibliya ay nagsisilbing guro upang ituro sa atin ang biyaya ng Diyos kay Kristo. "Ano pa't ang kautusan ay siyang naging tagapagturo natin upang ihatid tayo kay Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya" (Galacia 3:24).
English
Mayroon bang listahan ang Bibliya ng mga kasalanan?