Tanong
Ano ang magkakasamang limang ministeryo?
Sagot
Ang konsepto ng limang magkakasamang ministeryo ay nagmula sa Efeso 4:11, “At binigyan niya ang ilan ng kaloob upang maging mga (1) apostol, ang iba nama'y mga (2) propeta, ang iba'y mga (3) ebanghelista, at ang iba'y mga (4) pastor at mga (5) guro.” Ang pangunahing resulta ng talatang ito ay may ilang naniniwala na ibinalik o ibinabalik ng Diyos ang mga apostol at propeta sa iglesya o simbahan ngayon. Sinasabi sa Efeso 4:12-12 na ang layunin ng limang magkakasamang ministeryong ito ay upang ihanda sa paglilingkod ang lahat ng mga hinirang, “upang maging matatag ang katawan ni Cristo, hanggang makarating tayo sa pagkakaisa ng pananampalataya at pagkakilala sa Anak ng Diyos, at maging ganap ang ating pagkatao ayon sa pagiging-ganap ni Cristo.” Kaya nga dahil ang katawan ni Cristo ay tunay na hindi pa rin nagkakaisa sa pananampalataya at hindi pa naging ganap ayon sa pagiging ganap ni Cristo, ang kaisipan ay kailangang mayroon pa ring mga apostol at propeta sa panahong ngayon.
Gayunman, sinasabi sa atin sa Efeso 2:20 na ang iglesya ay “itinayo sa pundasyong inilagay ng mga apostol at mga propeta, na ang batong panulukan ay si Cristo Jesus.” Kung ang mga apostol at ang mga propeta ang pundasyon ng iglesya, itinatayo pa rin ba natin ngayon ang pundasyon? Hinihimok tayo ng Hebreo 6:1-3 na tumigil na sa pagtatayo ng pundasyon. Bagama’t aktibo pa rin ang Panginoong Jesu Cristo sa iglesya ngayon, ang Kanyang papel na ginampanan at ang Kanyang pagiging batong panulukan ng iglesya na Kanyang nakumpleto na sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan, sa paglilibing sa Kanyang katawan, sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli, at sa Kanyang pag-akyat sa langit. Kung natapos na ang gawain ng pagiging batong panulukan, sa ganitong diwa, ang pagtatayo ng pundasyon ay tapos na rin. kaya’t dapat na ganap na ring natapos ang gawain ng mga apostol at mga propeta na siyang pundasyon ng iglesya.
Ano ang papel ng mga apostol at mga propeta? Ito ay ang pagpoproklama ang mga pahayag ng Diyos, at pagtuturo ng mga bagong katotohanan na kinakailangan upang lumago at maging matibay ang iglesya. Nakumpleto na ng mga propeta at ng mga apostol ang misyong ito. Sa paanong paraan? Sa pamamagitan ng pagbibigay sa atin ng Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ang kumpletong kapahayagan ng Diyos. Naglalaman ang Bibliya ng lahat na kailangan nating malaman upang lumago, mapagtibay, at magampanan ang misyon ng Diyos (2 Timoteo 3:15-16). Ang gawain ng mga apostol at propeta na pagtatayo ng panulukang bato ay tapos na. Ang nagpapatuloy na gawain ng mga apostol at mga propeta ay nahahayag sa patuloy na pangungusap ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ng Kanyang pagtuturo sa atin ng Salita ng Diyos. Sa diwang ito, ang limang magkakasamang ministeryo ay aktibo pa rin hanggang ngayon.
English
Ano ang magkakasamang limang ministeryo?