Tanong
Mali ba na maging isang lihim na Kristiyano upang protektahan ang sariling buhay?
Sagot
Mali ba na mabuhay bilang isang lihim na Kristiyano dahil sa takot sa paguusig o kamatayan? Dapat bang maging handa ang mga Kristiyano na mamatay dahil sa kanilang pananampalataya kay Hesus? Dapat bang ilihim ang pananampalataya upang maingatan ang sariling buhay? Ang mga tanong na ito ay teorya lamang para sa mga Kristiyano sa maraming panig ng mundo kung saan hindi sila nakararanas ng mga paguusig. Gayunman, para sa mga Kristiyano sa ibang panig ng mundo, ang katanungang ito ay makatotohanan at praktikal – dahil ang kanilang buhay ay totoong nasa panganib. Ang maging matapang upang protektahan ang iyong sariling buhay o buhay ng iyong pamilya ay malaki ang pagkakaiba sa pagprotekta sa iyong sariling buhay para sa isang mas mataas na layunin gaya ng paglilingkod, pagpaparangal, pagsamba at pagsunod kay Kristo. Kaya ang katanungan ay, mali ba na ilihim ng isang Kristiyano ang kanyang pananampalataya kay Kristo upang protektahan ang sarili?
Ibinigay sa atin ni Kristo mismo ang sagot: “Kaya't ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit. Sinomang sa aki'y magkaila sa harap ng mga tao, ay ikakaila ko naman siya sa harap ng aking Ama na nasa langit. Huwag ninyong isiping ako'y naparito upang magdala ng kapayapaan sa lupa: hindi ako naparito upang magdala ng kapayapaan, kundi tabak” (Mateo 10:32-34). Nilinaw sa atin ni Kristo na “Kung kayo'y kinapopootan ng sanglibutan, ay inyong talastas na ako muna ang kinapootan bago kayo. Kung kayo'y taga sanglibutan, ay iibigin ng sanglibutan ang kaniyang sarili: nguni't sapagka't kayo'y hindi taga sanglibutan, kundi kayo'y hinirang ko sa sanglibutan, kaya napopoot sa inyo ang sanglibutan” (Juan 15:18-19). Kaya nga, bagama’t maaaring maintindihan ang paglilihim ng isang tao sa kanyang pananampalataya upang protektahan ang kanyang buhay at ang buhay ng kanyang pamilya, para sa isang tunay na mananampalataya, ang paglilihim sa kanyang pananampalataya ay hindi isang pagpipilian.
Sa mga talata sa itaas, ang salitang “sanglibutan” ay nagmula sa salitang Griyegong “kosmos.” Tumutukoy ito sa isang makasalanang sistema ng mga taong imoral at walang diyos na ang puso at isip ay nasa ilalim ng kapamahalaan ni Satanas (Juan 14:30; 1 Juan 5:19; Efeso 2:1-3). Kinamumuhian ni Satanas ang Diyos at ang mga Kristiyano ang madaling target ng Kanyang poot. Ang kanyang layunin ay “silain”sila (1 Pedro 5:8; Efeso 6:11). Hindi tayo dapat magtaka na kinamumuhian ng mga lider ng sanglibutang ito ang mga Kristiyano dahil hindi tayo “para sa mundong ito.” Ang dahilan kung bakit pinaguusig at pinapatay ang mga Kristiyano araw araw dahil sa kanilang pagpapatotoo tungkol kay Kristo ay dahil sa nagiging isang hatol para sa makasalanang mundo ang kanilang makadiyos na pamumuhay (Kawikaan 29:27). Ito na ang nangyayari mula pa sa pasimula ng kasaysayan, sa pagpatay ni Cain kay Abel (Genesis 4:1-8). Bakit pinatay ni Cain si Abel? “Sapagka't ang kaniyang mga gawa ay masasama, at ang mga gawa ng kaniyang kapatid ay matuwid” (1 Juan 3:12). Kasalungat nito, pinapalakpakan ng mundo ang mga nagsasanay ng kasamaan (Roma 1:32) at kinamumuhian ang mga taong namumuhay ayon sa katwiran.
May isa pang mensahe na ibinigay si Hesus sa mga alagad patungkol sa sanglibutan: “Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan” (Mateo 24:9). Ito ang ipinangako ng Panginoon: Sa mga huling araw, magdaranas ng paguusig ang mga Kristiyano sa kamay ng mga makasalanan. Tayo ay tutuyain, aabusuhin, at susumpain. Ang salitang “ibibigay” ay nagmula sa salitang Griyego na nangangahulugang “ipapaubaya,” sa diwa ng pag-aresto ng pulis o militar (Mateo 4:12). Darating ang panahon na maraming Kristiyano ang papatayin at kamumuhian tayo ng lahat ng bansa dahil sa Kanyang pangalan. Sa parehong talata sa aklat ni Markos, idineklara ni Hesus, “Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili: sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila” (Markos 13:9). Habang nagbabahagi tayo ng Ebanghelyo sa buong mundo at nakikilala bilang mga tagasunod ni Kristo, ang maaaring maging kapalit nito ay ang ating kalayaan, karapatan, panlalait ng mga tao at minsan ang atin mismong buhay.
Iniutos ni Kristo sa mga Kristiyano na “magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19). Inulit ni Pablo ang utos na ito sa pamamagitan ng isang tanong: “Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? At paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? At paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila mga sinugo? gaya nga ng nasusulat, anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!” (Roma 10:14-15). Upang maipahayag ang Ebanghelyo, kahit na sa pinakamadilim na sulok ng mundo, kailangang may isang mangaral nito. Ang layunin natin dito sa mundo ay magsilbing asin at ilaw ng sanglibutan, at ang pagpapahayag sa iba ng Mabuting Balita tungkol kay Kristo na nagdadala ng Kaligtasan. Oo, minsan maaari tayong pagusigin ng mga tao at mabingit sa kamatayan dahil dito. Ngunit alam natin na kalooban ng Diyos na ipahayag ang Kanyang mga salita sa lahat ng tao at sapat ang Kanyang kapangyarihan upang ingatan tayo hanggang maganap natin ang ating misyon dito sa mundo.
Ang pamumuhay para kay Kristo sa sanglibutang ito ay maaaring maging mahirap kung hindi man brutal. Hindi ang mundong ito ang ating tunay na tahanan. Ang mundong ito ay lugar ng labanan. Ang mga pagsubok sa buhay ay kasangkapan ng Diyos upang hubugin tayo at gawin tayong katulad ni Hesus. Sa mga panahon ng pagsubok tayo tumitingin kay Kristo at humihingi ng tulong upang gumawa Siya sa ating kalagitnaan. Bago Siya umakyat sa langit, ibinigay sa atin ni Hesus ang Kanyang pangako habang ipinangangaral natin ang Ebanghelyo sa mundo “at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:20). At ito lamang ang pinakamahalaga sa lahat.
English
Mali ba na maging isang lihim na Kristiyano upang protektahan ang sariling buhay?