settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng pagkaligaw sa espirituwal?

Sagot


Ang salitang ligaw ay ginagamit sa Bibliya at ng mga Kristiyano upang tukuyin ang mga taong hindi pa nakakatagpo ng buhay na walang hanggan kay Kristo. Sinabi ni Jesus, “Ang Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naligaw” (Lukas 19:10). Ang mga taong ligaw sa espiritwal ay nahiwalay sa Diyos at bigong mahanap ang daan pabalik sa Kanya.

Ang pagkaligaw ay katumbas ng paglakad palayo at pagkabigong makabalik muli. Ang mamumundok (taong mahilig umakyat sa bundok) ay maaring maligaw kapag mali ang kanyang dinaanan at hindi na makabalik pang muli. Maaaring mawala ang isang bata kapag napalayo siya sa kanyang mga magulang at hindi niya alam kung paano sila mahahanap. Ang mga tao ay ligaw sa espiritwal dahil tayo ay lumayo sa Diyos at hindi natin alam kung paano Siya masusumpungang muli.

Sinasabi ng Isaias 53:6, “Tayong lahat ay tulad ng mga tupang naliligaw; nagkanya-kanya tayo ng lakad. Ngunit ipinataw ni Yahweh sa Kanya ang kaparusahang tayo ang dapat tumanggap.” Inihahambing ng Bibliya ang mga tao sa mga tupa (Awit 23; Juan 10:11–14) dahil ang mga tupa ay likas na mahihina. Sila’y hindi ganoon katalino at madaling matangay ng kahit sinumang nagnanais na sila ay pasunurin. Ang mga tupa ay nangangailangan ng isang pastol upang mabuhay. Pinoprotektahan sila ng pastol mula sa mga pag-atake, ginagabayan sila sa luntiang pastulan, at patuloy na nagbabantay upang walang mawala sa kanila. Ang mga tupa ay madalas na maligaw mula sa kawan, kaya madali silang mabiktima. Sa espiritwal na kahulugan, ang mga tao ay madaling maligaw ng landas kaya napakadali kay Satanas, na ating kaaway, na tayo ay biktimahin. Kung wala si Hesus, ang ating Mabuting Pastol, tayo ay espiritwal na naliligaw at hindi mahahanap ang Diyos sa ganang ating sarili lamang.

Upang mailarawan ang pag-ibig ng Diyos sa mga taong naliligaw, ginamit ni Jesus ang talinghaga ng nawawalang tupa (Lukas 15:3–7). Ang Mabuting Pastol ay nakahandang lisanin ang iba pang tupa sa kawan mahanap lamang ang isang tupa na nawawala. Sinabi Niya ito ng patalinghaga upang ipakita ang pagkalinga ng Diyos sa mga taong naliligaw ng landas. Ang tupa, sa sarili nito, ay hinding-hindi kayang mabuhay ng wala ang kanyang pastol. Ang talinghagang ito ay naglalarawan ng pagmamalasakit ng Diyos sa bawat tao. Gagawin Niya ang lahat para mahanap ang mga taong nangangailangan sa Kanya at dadalhin sila sa Kanyang presensya ng ligtas. Kung paanong ang nawawalang tupa ay hindi kayang mahanap ang Pastol sa ganang kanyang sarili, ang mga taong naliligaw sa espiritwal ay hindi mahahanap ang Diyos sa kanilang sarili lamang (Awit 53:2–3; Roma 3:11).

Ang relihiyon ay ang pagtatangka ng tao na hanapin ang Diyos sa kanyang sarili. Ang relihiyon ay lumilikha ng isang layunin na maaring magdala sa atin sa kaisipan na gawin ang mga bagay na hindi natin kayang pasanin bilang tao, mga bagay na tanging Diyos lamang ang may kakayahang gawin. Dahil sa relihiyon ang mga taong naliligaw sa espiritwal ay nagaakalang tama pa rin ang kanilang paniniwala kahit nabubuhay sila sa kasinungalingan. Isipin mo ang isang mamumundok na naligaw sa daan. Matapos ang mahabang oras ng bigong paghahanap sa tamang daanan, nagpasya itong magtayo na lamang ng tulugan sa gitna ng masukal na kagubatan para masabing siya ay nakabalik na sa kanyang tahanan. Hindi na niya sinubukang pang humingi ng tulong. Bagama't hindi pa rin niya alam kung nasaan siya, ang pamilyar sa kanyang paligid ay nagbibigay sa kanya ng ilusyon na siya’y natagpuan.

Ang Kristiyanismo ay hindi kumikilos sa ganoong paraan. Itinuturo ng Kristiyanismo na walang saysay para sa mga taong naliligaw sa espiritwal na subukang hanapin ang Diyos sa sarili nilang lakas, at iyon ang dahilan kung bakit ipinadala ng Diyos si Jesus upang hanapin ang nawawala. Ginawa ng Diyos para sa atin ang hindi natin kayang gawin para sa ating sarili (Roma 5:8). Kahit na hindi natin namamalayan na tayo ay naliligaw, alam Niya ang ating kalagayan. Kaya't ang Anak ng Diyos ay bumaba mula langit upang hanapin at ibalik tayo sa Kanya (Filipos 2:5–8; Mateo 18:11; Juan 3:16–18).

Ipinanganak tayong ligaw sa espiritwal dahil sa ating minanang kasalanan mula sa ating unang mga magulang (Genesis 3) na nagtutulak sa atin para magrebelde sa ating Pastol (Roma 3:23). Nilikha tayo upang Siya ay makasama, lumakad nang naaayon at ng may pagsunod sa Kanyang kalooban. Ngunit dahil sa ating kasalanan, tayo ay naligaw (Isaias 59:2). Ang agwat sa pagitan natin at ng Diyos ay imposible para sa atin na tawirin, at hindi natin mahanap ang ating daan pabalik sa Kanyang presensya. Ang mga naliligaw sa espiritwal ay ginapos ng kanilang kasalanan at hinahatulan sa impiyerno (Lukas 12:5; Roma 6:23). Ngunit kapag tayo ay nagtiwala sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo, isang tulay ang bumukas upang magbigay daan. Dahil sa awa at pag-ibig ng Diyos, ang naliligaw ay makakauwi (1 Pedro 2:25).

Ang bawat tao ay maaring ituring na naliligaw o natagpuan. Lahat tayo ay kabilang sa isa sa dalawang kategoryang ito. Ang unang hakbang upang makabalik ay aminin na tayo ay naliligaw. Sumasang-ayon tayo sa Diyos na ang ating kasalanan ay karapat-dapat sa kaparusahan, at kinikilala natin na ang parusang dinanas ni Jesus ay sapat na upang bayaran ito. Mapagpakumbaba nating tinatanggap ang kaloob na iyon sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8–9). Sa pamamagitan ng kamatayan ni Jesus, inilipat ng Diyos ang ating kasalanan sa krus at inilipat ang katuwiran ni Cristo sa atin (Colosas 2:14). Pagkatapos ay pumasok tayo sa isang bagong relasyon sa Diyos bilang Kanyang mga minamahal na anak. Hindi na tayo nawawala pa. Tayo ay natagpuan, pinatawad, at binigyan ng bagong buhay (2 Corinto 5:17).



English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng pagkaligaw sa espirituwal?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries