Tanong
Ano ba ang gawain ng Iglesia?
Sagot
Makikita sa aklat ng Mga Gawa 2:42 ang itinakdang gawain ng Iglesia, "At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin." Ayon sa mga talatang nabanggit, ang mga layunin at gawain ng iglesia ay ang mga sumusunod: (1) Pagtuturo ng doktrina ng mga apostol (2) Pakikisama sa mga kapwa mananampalataya, (3) Pag-alaala sa Banal na Hapunan at (4) Pananalangin.
Dapat ituro ng iglesia ang mga doktrinang ayon lamang sa orihinal na turo ng mga apostol upang maging matatag tayo sa ating pananampalataya. Sinasabi sa atin ng aklat ng Efeso 4:14, "Upang tayo'y huwag nang maging mga bata pa, na napapahapay dito't doon at dinadala sa magka-bikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian." Ang iglesia ay nagtatagpo sa isang lugar kung saan nakakasalamuha ng bawat isa ang kapwa mananampalataya, naiipadama ang pagmamalasakit sa bawat isa (Roma 12:10) nangag-tuturuan sa isa't-isa (Roma 15:14), gumagawa ng mabuti at naaawa sa kapwa (Efeso 4:32), pinalalakas ang loob ng bawat isa (1 Tesalonica 5:11), at higit sa lahat iniibig ng tapat ang bawat isa (1 Juan 3:11).
Ang sambahan ay isang lugar kung saan ang mga mananampalataya ay nagdaraos ng Hapunan ng Panginoon upang alalahanin ang kamatayan ng Panginoon bilang kanilang kahalili (1 Corinto 11:23-26). Ang "paghahati ng tinapay" (Mga Gawa 2:42) ay may diwa rin ng sabay sabay na pagkain. Ito ay isang gawain na nagtataguyod sa kahalagahan ng pakikisalamuha sa bawat isa. Ang isa sa pangunahing gawain din ng iglesia ayon Mga Gawa 2:42 ay ang pananalangin. Ang iglesia ay nagtitipon tipon sa isang lugar kung saan nagsasama-sama sila sa pananalangin. Sinasabi sa atin ng Filipos 4:6-7 "Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Diyos. At ang kapayapaan ng Diyos, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Kristo Hesus."
Ang isa pang utos na ibinigay sa iglesia ay ang pagpapahayag ng Ebanghelyo ng kaligtasan sa pamamagitan ni Hesu Kristo (Mateo 28:18-20; Mga Gawa 1: 8). Tinawag ang iglesia na maging tapat sa pagbabahagi ng Ebanghelyo sa salita at gawa. Ang Iglesia ay dapat magsilbing ilaw at asin sa kumunidad-at nagtuturo sa mga tao tungkol sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Hesu Kristo. Ang iglesia ay dapat na mangaral ng Ebanghelyo at ihanda ang mga miyembro upang ipahayag ang Mabuting Balita ng kaligtasan sa lahat ng tao (1 Pedro 3:15).
Ang isa pa sa mahalagang gawain ng iglesia ay mababasa sa Santiago 1:27, "Ang dalisay at walang dungis na relihiyon sa harapan ng Diyos Ama ay ang pagdalaw sa mga ulila at sa mga babaeng balo sa kanilang paghihirap. Ito ay upang maingatan ang kaniyang sarili na hindi mabahiran ng sanlibutan." Ang iglesia ay dapat ding tumulong sa mga nangangailangan. Ang gawain ng iglesia ay hindi limitado lamang sa pagbabahagi ng Ebanghelyo, kundi sa pagbibigay din naman ng mga pisikal na pangangailangan gaya ng pagkain, damit at matutuluyan sa mga nangangailangan. Ang iglesia rin ang nagbibigay sa mga kakailanganin ng mga mananampalataya upang mapagtagumpayan ang kasalanan at manatiling nakabukod sa sanlibutan. Ito ay ginagawa sa pamamagitan ng tapat at matiyagang pagtuturo.
Ano nga ba ang layunin ng iglesia? Gusto ko ang paglalarawan ng 1 Corinto 12:12-27. Ang iglesia ay ang katawan ni Kristo - tayo ay tulad sa Kanyang mga kamay, bibig, at paa dito sa mundo. Dapat na ginagawa natin ang mga bagay na ginagawa din ni Hesus noong narito pa Siya sa mundo.
English
Ano ba ang gawain ng Iglesia?