Tanong
Totoo ba ang langit?
Sagot
Ang langit ay isang lugar na totoo. Sinasabi ng Bibliya na ang langit ay ang trono ng Diyos (Isaias 66:1; Gawa 7:48-49; Mateo 5:34-35). Pagkatapos na mabuhay na muli ni Kristo at ng Kanyang pagpapakita sa kanyang mga alagad sa lupa, "Siya ay iniakyat sa langit, at lumuklok sa kanan ng Diyos" (Markos 16:19; Gawa 7:55-56). "Sapagkat pumasok si Cristo, hindi sa isang Dakong Banal na ginawa ng tao at larawan lamang ng tunay, kundi sa langit. At ngayo'y nasa harapan siya ng Diyos at namamagitan para sa atin" (Hebreo 9:24). Hindi lamang pumunta si Hesus sa langit para sa atin kundi Siya ay nabubuhay magpakailanman at may gawain doon bilang ating Dakilang Saserdote sa tabernakulo na ginawa ng Diyos (Hebreo 6:19-20; 8:1-2).
Sinabi din ng Panginoong Hesus na maraming silid sa bahay ng Diyos at Siya'y mauuna doon upang ipaghanda tayo ng matitirhan. Mayroon tayong katiyakan sa Salita ng Diyos na isang araw, babalik Siya at kukunin tayo upang dalhin tayo kung saan Siya naroon sa langit (Juan 14:1-4). Ang ating paniniwala sa isang walang hanggang tahanan sa Langit ay ayon sa maliwanag na pangako ni Hesus. Ang langit ay isang totoo at literal na lugar. Totoo na mayroong Langit.
Kung sinasabi ng tao na hindi totoo ang langit, hindi lamang niya tinatanggihan ang Salita ng Diyos kundi tinatanggihan din niya ang ninanasa ng kanyang puso. Tinalakay ni Pablo ang katotohanang ito sa kanyang sulat sa mga taga Corinto at hinimok sila na manghawak sa pag-asa ng langit upang huwag silang panghinaan ng loob. Kahit na tayo ay humihibik at naghihimutok sa ating katayuan dito sa lupa, mayroon tayong pag-asa ng langit at nagnanais tayo na umuwi doon isang araw (2 Corinto 5:1-4). Hinimok ni Pablo ang mga taga Corinto na umasa sa kanilang walang hanggang tahanan sa langit, isang pananaw na magbibigay sa kanila ng lakas upang pagtagumpayan ang mga kahirapan at kabiguan sa buhay na ito. "Ang bahagya at panandaliang kapighatiang dinaranas ko ngayon ay magbubunga ng kaligayahang walang hanggan at walang katulad. Kaya't ang paningin namin ay nakapako sa mga bagay na di nakikita, hindi sa nakikita. Sapagkat panandalian lamang ang mga bagay na nakikita, ngunit walang hanggan ang mga bagay na di nakikita" (2 Corinto 4:17-18).
Gaya ng paglalagay ng Diyos sa puso ng tao ng kaalaman na may Diyos (Roma 1:19-20), ganoon din Niya "ipinrograma" ang pagnanais ng tao sa langit. Ito ang paksa ng hindi mabilang na mga aklat, awit at mga likhang sining. Sa kasamaang palad, ang ating kasalanan ang humadlang upang makapunta tayo sa langit. Dahil ang langit ay tahanan ng isang banal at perpektong Diyos, walang lugar doon ang kasalanan at hindi ito ipagsasawalang bahala doon. Ngunit sa kagandahang loob ng Diyos ibinigay Niya ang susi upang mabuksan ang pintuan sa kalangitan - ang Panginoong Hesu Kristo (Juan 14:6). Ang lahat ng sumasampalataya sa Kanya at humihingi sa Kanya ng kapatawaran sa kanilang mga kasalanan ay matatagpuan na bukas ang langit para sa kanila. Nawa ang kaluwalhatian ng ating walang hanggang tahanan sa hinaharap ang magganyak sa atin na paglingkuran ang Diyos ng buong puso at buong katapatan. "Kaya nga, mga kapatid, tayo'y malaya nang makapapasok sa Dakong Kabanal-banalan dahil sa kamatayan ni Jesus. Binuksan niya para sa atin ang isang bago at buhay na daang naglagos hanggang sa kabila ng tabing---alalaong baga'y ang kanyang katawan. Tayo'y may isang Dakilang Saserdote na namamahala sa sambahayan ng Diyos. Kaya't lumapit tayo sa Diyos nang may tapat na kalooban at matibay na pananalig sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nalinis na ang ating mga puso at nahugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan" (Hebreo 10:19-22).
English
Totoo ba ang langit?