settings icon
share icon
Tanong

Ano ang mga kwalipikasyon para sa mga diyakono at matanda sa iglesya?

Sagot


Malinaw na inilista sa Bibliya ang mga kwalipikasyon para sa mga nagnanais na maging matanda sa iglesya at diyakono at kung ano ang kanilang tungkulin sa iglesya. Ang gawain ng diyakono ay nilikha upang tugunan ang mga praktikal na isyu sa iglesya: “Kaya't tinipon ng Labindalawa ang buong kapulungan ng mga mananampalataya at sinabi sa kanila, “Hindi namin dapat pabayaan ang pangangaral ng salita ng Diyos upang mangasiwa sa pamamahagi ng ikabubuhay. Kaya,mga kapatid, pumili kayo sa mga kasamahan ninyo ng pitong lalaking iginagalang, puspos ng Espiritu, at matatalino upang ilagay namin sila sa tungkuling ito’” (Gawa 6:2-3). Ang salitang isinalin sa “mangasiwa” ay salitang Griyegong diakonein, na nagmula sa salitang ugat na nangangahulugang “tagapagsilbi, tagapagalaga, o isang taong naglilingkod sa iba.” Ang maging diyakono ay maging isang lingkod. Ang unang mga diyakono ay grupo ng pitong lalaki sa iglesya sa Jerusalem na itinalaga para sa pamamahagi ng araw-araw na pagkain. Ang isang diyakono kung gayon, ay isang naglilingkod sa ibang mananampalataya sa isang opisyal na kapasidad sa iglesya.

Ang salitang Griyegong isinalin sa salitang “obispo” ay episkopos. Ang Obispo ang tagapamahala, ang tagapangasiwa o ang tagapanguna sa kongregasyon. Sa Bibliya, ang obispo ay tinatawag ding “matanda” (1 Timoteo 5:19) at “pastor” (Efeso 4:11).

Makikita ang mga kwalipikasyon ng obispo/matanda/pastor sa 1 Timoteo 3:1-7: “Totoo ang pahayag na ito: Ang sinumang nagnanais na maging tagapangasiwa sa iglesya ay naghahangad ng mabuting gawain. Kaya nga, ang isang tagapangasiwa ay kailangang walang kapintasan; isa lamang ang asawa, matino ang pag-iisip, marunong magpigil sa sarili, kagalang-galang, bukás ang tahanan sa iba, at may kakayahang magturo. Dapat hindi siya lasenggo, hindi marahas kundi mahinahon; hindi mahilig makipag-away at hindi maibigin sa salapi. Dapat mahusay siyang mamahala sa sariling pamilya, iginagalang at sinusunod ng kanyang mga anak. Sapagkat paano siyang makakapangasiwa nang maayos sa iglesya ng Diyos kung hindi niya mapamahalaan ang sarili niyang pamilya? Hindi siya dapat isang baguhang mananampalataya; baka siya'y maging palalo at mahatulan na gaya ng diyablo. Bukod dito, kailangang mabuti ang pagkakilala sa kanya ng mga hindi sumasampalataya upang hindi siya mapintasan at hindi mahulog sa bitag ng diyablo.” Tinagubilinan din ni Pablo si Timoteo ng mga bagay na magbibigay ng magandang halimbawa sa pagtuturo bilang isang mabuting ministro. Mula sa 1 Timoteo 4:11 at nagpatuloy hanggang 6:2, ibinigay ni Pablo kay Timoteo ang labindalawang mga bagay na dapat niyang “ipagutos at ituro.”

Inulit ni Pablo ang mga kwalipikasyon para sa mga obispo/matanda/pastor sa kanyang sulat kay Tito. “Italaga mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito” (Tito 1:6-9).

Ang mga kawalipikasyon para sa mga diyakono ay pareho sa kwalipikasyon para sa mga obispo/matanda/pastor. “Ang mga tagapaglingkod naman ay dapat ding maging kagalang-galang, tapat mangusap, hindi lasenggo at hindi sakim sa salapi. Kailangang sila'y tapat sa pananampalataya na ating ipinapahayag, at may malinis na budhi. Kailangang subukin muna sila, at kung mapatunayang sila'y karapat-dapat, saka sila gawing mga tagapaglingkod. Gayundin naman, ang kanilang mga asawa ay dapat maging kagalang-galang, hindi mapanirang-puri, mapagtimpi at tapat sa lahat ng mga bagay. Ang mga tagapaglingkod sa iglesya ay dapat isa lamang ang asawa at maayos mangasiwa sa kanilang mga anak at sambahayan. Ang mga tagapaglingkod na tapat sa tungkulin ay nagkakamit ng paggalang ng mga tao at nagkakaroon ng malaking tiwala dahil sa pananampalataya kay Cristo Jesus” (1 Timoteo 3:8-13). Ang salitang Griyegong isinalin sa salitang “diyakono” sa sitas na ito ay isang gamit para sa parehong salitang Griyego na ginamit sa Gawa 6:2, kaya alam natin na tinutukoy dito ang parehong gawain.

Ang mga kwalipikasyong ito ay simple at direkta. Dapat na mga lalaki ang mga diyakono at obispo/matanda/pastor, asawa ng isa lamang babae, walang kapintasan, at kayang pangunahan ang kanyang sariling tahanan ayon sa itinuturo ng Bibliya. Ipinapahiwatig din ng mga katangiang ito na ang isang tao na nagnanais ng mga nasabing gawain ay isang tunay na mananampalataya at sumusunod at nagpapasakop sa Salita ng Diyos. Ang tanging pagkakaiba sa mga kwalipikasyon sa pagitan ng diyakono at obispo/matanda/pastor ay dapat na magaling na tagapagturo ang huli. Hindi binanggit ang kakayahan sa pagtuturo para sa mga diyakono.

Tinawag mismo ang Panginoong Hesu Kristo na “Pastor at Obispo ng ating mga kaluluwa” (1 Pedro 2:25). Kapuna-puna ang mga titulong ito. Ang salitang Pastol ay isang salin mula sa salitang Griyegong poimen, na isinalin sa salitang pastor sa ibang mga talata (halimbawa sa Efeso 4:11). Ang poimen ay isang taong nangangalaga sa kawan at ginagamit na simbolo para sa mga Kristiyanong pastor dahil dapat na ginagabayan ng mga pastor ang kawan ng Diyos at pinakakain nila sila ng Kanyang Salita. Ang salitang tagalog na obispo ay mula sa parehong salitang Griyegong episkopos, na ginamit ni Apostol Pablo sa kanyang sulat kina Timoteo at Tito.

Malinaw na ang gawain ng mga matanda at mga diyakono ay mahalaga sa iglesya. Ang paglilingkod sa mga anak ng Diyos sa salita at gawa at isang seryosong responsibilidad para sa mga naghahangad ng posisyong ito at hindi dapat na ituring na basta-basta lamang. Ang isang tao na hindi nakaabot sa pamantayan ng Bibliya ay hindi dapat na maging isang matanda sa iglesya o maging diyakono; ang iglesya ay para sa mga karapatdapat na lingkod.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang mga kwalipikasyon para sa mga diyakono at matanda sa iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries