settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kristiyanong pangunguna?

Sagot


Ano ang Kristiyanong pangunguna? Ano ang dapat na maging paguugali ng isang Kristiyanong tagapanguna? Wala ng iba pang mas magandang halimbawa sa pangungunang Kristiyano kaysa sa ating Panginoong Hesu Kristo. Kanyang sinabi, “Ako ang mabuting pastor: ibinibigay ng mabuting pastor ang kaniyang buhay dahil sa mga tupa" (Juan 10:11). Sa talatang ito makikita natin ang perpektong paglalarawan sa isang Kristiyanong tagapanguna. Siya ay isang tao na gumaganap bilang pastol ng mga “tupa” na nasa kanyang pangangalaga.

Nang tukuyin tayo ni Hesus bilang mga “tupa,” hindi siya noon nangungusap sa isang madamdaming paraan. Sa katotohanan, ang tupa ang isa sa mga pinakamahina ang isip sa mga hayop na nilikha ng Diyos. Ang isang tupang naligaw ng napakalapit lamang mula sa kawan ay nalilito, natatakot at wala ng kakayahang makabalik pa sa kawan. Dahil hindi kayang ipagtanggol ang sarili sa mga mababangis na hayop, ang isang naligaw na tupa ang pinakakawawa sa lahat ng nilalang. Isang buong kawan ang maaaring malunod ng sabay sabay dahil sa biglaang pagbaha kahit na may malapit na mataas na lugar sa kanilang kinalalagyan. Gustuhin man natin o hindi, nang tawagin tayo ni Hesus na Kanyang mga tupa, sinasabi Niya na kung wala tayong pastol, wala tayong magagawang kahit na ano.

Ang isang pastol ay may papel na ginagampanan sa mga tupa. Siya ang nangunguna, nagpapakain, nagaalaga, umaaliw, nagtutuwid at nagiingat sa mga tupa. Nangunguna ang pastol ng Kawan ng Panginoon sa pamamagitan ng pagiging halimbawa sa kabanalan at katuwiran sa kanyang sariling buhay at hinihimok ang iba na tularan ang kanyang halimbawa. Siyempre, ang ating pinakamagandang halimbawa ay ang Panginoong Hesu Kristo mismo na Siyang dapat nating sundan at tularan. Naunawaan ito ni Apostol Pablo: “Maging taga tulad kayo sa akin, na gaya ko naman kay Cristo” (1 Corinto 11:1). Ang isang Kristiyanong tagapanguna ay sumusunod sa halimbawa ni Kristo at nagbibigay inspirasyon sa iba upang tumulad din sa kanya.

Tinukoy ang Kristiyanong tagapanguna bilang tagapagpakain at tagapangalaga ng mga tupa, at ang pagkain ng mga “tupa” ay ang Salita ng Diyos. Kung paanong pinangungunahan ng isang pastol ang kanyang kawan sa pinakamasaganang pastulan upang sila’y lumaki at dumami, gayundin naman, pinangangalagaan ng isang Kristiyanong tagapanguna ang kanyang kawan at dinudulutan ng tanging pagkain na magbibigay sa mga tupa ng lakas at sigla. Ang Bibliya - hindi ang saykolohiya o ang karunungan ng mundo - ang tanging pagkain na makagagawa ng mga malulusog na Kristiyano. “… hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawa't bagay na nagmumula sa bibig ng Panginoon” (Deuteronomio 8:3).

Inaaliw din ng Kristiyanong tagapanguna ang mga tupa, tinatalian ang kanilang sugat at nilalagyan ng gamot ng may kahabagan at pag-ibig. Bilang dakilang pastol ng bayang Israel, ipinangako mismo ng Panginoon na Kanyang “hahanapin ang nawala, at ibabalik ang iniligaw, at tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit" (Ezekiel 34:16). Bilang mga Kristiyano sa mundo ngayon, nagtitiis tayo ng maraming karamdaman sa ating mga espiritu, at nangangailangan tayo ng mga mahabaging tagapanguna na makikibahagi sa ating mga kabigatan at makakaunawa sa ating kalagayan at magpapakita sa atin ng katiyagaan, palalakasin tayo sa Salita ng Diyos, at magdadala ng ating mga karaingan sa trono ng Diyos Ama.

Gaya ng pastol na sanay na ginagamit ang tungkod na pangkalawit upang hilahin ang nawawalang tupa pabalik sa kawan, gayundin naman itinutuwid at dinidisiplina ng isang Kristiyanong tagapanguna ang mga nasa ilalim ng kanyang pangangalaga kung sila’y naliligaw. Hindi niya ito gagawin ng may galit o ng marahas, sa halip ay sa “espiritu ng kaamuan” (Galacia 6:1). Ang mga nasa posisyon bilang tagapanguna ay dapat na magtuwid sang-ayon sa prinsipyo ng Kasulatan. Hindi isang magandang karanasan ang pagtutuwid at pagdidisiplina para sa magkabilang panig, ngunit ang isang Kristiyanong tagapanguna na hindi nagtutuwid o nagdidisiplina ay hindi nagpapakita ng pag-ibig sa kanyang mga pinangangalagaan. Sinasabi sa Kawikaan 3:12, “Sapagka't sinasaway ng Panginoon ang kaniyang iniibig: gaya ng ama sa anak na kaniyang kinaluluguran” at dapat na tularan ng isang Kristiyanong tagapanguna ang Kanyang halimbawa.

Ang huling tungkulin ng isang tagapanguna ay ang pagiingat sa kanyang kawan. Mararanasan ng isang pastol na nagpapabaya sa aspetong ito ang regular na pagkawala ng kanyang mga tupa sa mga maninila sa paligid - na magkaminsan ay kasama mismo sa kanyang kawan. Sa ngayon, ang mga maninila at ang mga nagnanais na akitin ang mga tupa sa pamamagitan ng mga maling katuruan ay itinuturing ang Bibliya na wala sa uso, hindi sapat, malabo at hindi kayang maunawaan. Ang mga kasinungalingang ito ay ikinakalat ng mga taong tinutukoy ng Panginoong Hesu Kristo: “Mangagingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa't sa loob ay mga lobong maninila” (Mateo 7:15). Dapat tayong ipagtanggol ng ating mga tagapanguna sa mga maling katuruan ng mga taong nagnanais na iligaw tayo mula sa katotohanan ng Kasulatan at sa katotohanan na si Hesu Kristo lamang ang daan sa kaligtasan: “Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6).

Ang mga huling salitang ito para sa mga Kristiyanong tagapanguna ay nanggaling mula sa artikulong: “Wanted: A Few Good Shepherds (Must Know How to Wash Feet)” na sinulat ni John MacArthur:

”Sa plano ng Diyos na Kanyang itinalaga para sa iglesya, ang pagiging tagapanguna ay isang posisyon ng mapagpakumbaba at mapagmahal na paglilingkod. Ang pangunguna sa iglesya ay isang ministeryo hindi isang pamamahala. Ang mga itinalaga ng Diyos bilang mga tagapanguna ay tinawag hindi upang maging tulad sa hari kundi tulad sa mapagpakumbabang alipin; hindi tulad sa hinahangaang idolo, kundi bilang masipag na alipin. Ang mga tagapanguna sa iglesya ng Diyos ay dapat na una sa lahat ay magpakita ng pagsasakripisyo, katapatan, pagpapasakop, at kababaang loob. Ibinigay sa atin ng Panginoong Hesus mismo ang halimbawa ng Siya’y lumuhod upang hugasan ang paa ng mga alagad, isang gawain na karaniwang ginagawa lamang ng pinakamababang alipin (Juan 13). Kung ginawa ito ng Panginoon ng buong sangnilikha, walang sinumang tagapanguna sa iglesya ang may karapatang magmalaki.” English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kristiyanong pangunguna?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries