settings icon
share icon
Tanong

Ano ang pagdidisipulong Kristiyano?

Sagot


Sa pakahaulugan, ang isang disipulo ay isang tagasunod, isang taong tinatanggap ang katuruan ng isang tagapagturo at ipinapakalat ang karuruang iyon. Ang isang Kristiyanong disipulo ay isang taong tinatanggap at nagpapakalat ng Mabuting Balita tungkol kay Kristo. Ang pagdidisipulong Kristiyano ay isang proseso kung saan ang mga disipulo ay lumalago sa kaalaman tungkol sa Panginoong Hesu Kristo at binibigyan ng kakayahan ng Banal na Espiritu na nananahan sa ating mga puso upang mapagtagumpayan ang mga kahirapan at pagsubok sa kasalukuyang buhay na ito at nagpapatuloy sa pagiging katulad ni Kristo. Kinakailangan para sa mga mananampalataya sa prosesong ito na tumugon sa udyok ng Banal na Espiritu upang suriin ang kanilang mga iniisip, mga salita at nga aksyon at ikumpara ang mga iyon sa Salita ng Diyos. Kinakailangan na lagi tayong magbasa ng Salita ng Diyos araw araw, pagaralan ito, manalangin at sumunod dito. Bilang karagdagan, dapat tayong laging maging handa sa pagbabahagi ng ating patotoo sa pag-asa na nasa atin (1 Pedro 3:15) at magdisipulo sa iba upang lumakad din sa Kanyang daan, Ayon sa Kasulatan, kinapapalooban ang pagiging isang Kristiyanong disipulo ng personal na paglago na kinakikitaan ng mga sumusunod:

1. Paguna sa Panginoong Hesu Kristo sa lahat ng bagay (Markos 8:34-38). Kinakailangan para sa isang Kristiyanong disipulo na humiwalay mula sa mundo. Ang ating atensyon ay dapat na nasa Panginoong Hesu Kristo at sa pagbibigay sa Kanya ng kaluguran sa lahat ng aspeto ng ating mga buhay. Dapat nating isantabi ang pagiging makasarili at dapat na si Kristo ang maging sentro ng ating buhay.

2. Pagsunod sa mga turo ni Hesu Kristo (Juan 8:31-32). Dapat tayong maging mga masunuring anak na nagsasabuhay ng Kanyang Salita. Ang pagsunod ang pinakamataas na pagsubok sa pananamapalataya sa Diyos (1 Samuel 28:18), at si Hesus ang perpektong halimbawa ng pagsunod dahil nabuhay Siya sa mundo sa perpektong pagsunod sa Ama hanggang sa kamatayan (Filipos 2:6-8).

3. Pagiging mabunga (Juan 15:5-8). Hindi natin trabaho ang mamunga. Ang ating trabaho ay manatili kay Kristo at kung gagawin natin ito, mamumunga sa atin ang Banal na Espiritu at ang mga bungang ito ay resulta ng ating pagsunod kay Kristo. Habang mas lalo tayong nagiging masunurin sa Panginoon at natututong lumakad sa Kanyang mga daan, mas nagbabago ang ating buhay. Ang pinakamalaking pagbabago ay magaganap sa ating mga puso at ang resulta nito ay ang pagkakaroon natin ng bagong paguugali (isip, salita at gawa) na kumakatawan sa pagbabagong iyon. Ang pagbabago na ating ninanais ay magmumula sa loob, palabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu. Hindi ito isang bagay na magagawa natin sa ating sariling lakas.

4. Pag-ibig para sa ibang mga disipulo (Juan 13:34-35). Sinabihan tayo na ang pag-ibig sa ibang mananampalataya ay ebidensya ng ating pagiging kabilang sa pamilya ng Diyos (1 Juan 3:10). Ang pag-ibig ay ipinaliwanag at binigyan ng kahulugan sa 1 Corinto 13:1-13. Ipinapakita sa atin sa mga talatang ito na ang pag-ibig ay hindi isang emosyon; ito ay aksyon. Ang pagkilos ay kasama sa proseso. Gayundin naman, sinabihan tayo na hindi natin dapat na ipagpalagay na mas mabuti o mas magaling tayo kaysa sa iba sa halip, dapat nating isipin ang kapakanan ng iba (Filipos 2:3-4). Nilagom sa sumunod na talata (Filipos 2:5) kung ano ang ating dapat na maging paguugali sa lahat ng bagay sa ating buhay: “Mangagkaroon kayo sa inyo ng pagiisip, na ito'y na kay Cristo Jesus din naman.” Anong perpektong halimbawa si Hesus para sa atin sa lahat ng bagay na dapat nating gawin sa ating paglakad bilang mga Kristiyano.

5. Pagbabahagi ng Ebanghelyo - Pagdidisipulo sa iba (Mateo 28:18-20). Dapat nating ibahagi ang ating pananampalataya at sabihin sa mga hindi mananampalataya ang tungkol sa mga kahanga-hangang pagbabago na ginawa ni Hesu Kristo sa ating mga buhay. Anuman ang antas ng ating paglago sa buhay Kristiyano, dapat na may ginagawa tayo para sa pagpapakalat ng Ebanghelyo. Napakadalas na pinaniniwalaan natin ang kasinungalingan ni Satanas na wala pa tayong maraming nalalaman at hindi pa tayo matagal na Kristiyano upang magamit ng Panginoon sa pagbabahagi ng Kanyang salita. Hindi ito totoo! Ilan sa masisigasig sa pag-eebanghelyo ay mga bagong mananampalataya na kailan lamang natuklasan ang kamangha-manghang pag-ibig ng Diyos. Maaaring hindi pa nila nalalaman ang maraming mga talata sa Bibliya o hindi pa nalalaman ang mga katanggap-tanggap na mga salita para gamitin sa pagbabahagi ng Ebanghelyo, ngunit naranasan nila ang pag-ibig ng buhay na Diyos, at ito ang eksaktong dapat nating ibahagi sa iba. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang pagdidisipulong Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries