settings icon
share icon
Tanong

Gaano kalaki ang maaaring maging kasalanan ng isang Kristiyano?

Sagot


Nagkakasala pa rin ang mga mananampalataya pagkatapos nilang maligtas. Hindi tayo ganap na makakaiwas sa kasalanan hanggang sa mamatay tayo o abutan tayo ng pagdating ng Panginoong Hesu Kristo. Gayunman, ang resulta ng pagiging isang tunay na Kristiyano ay isang binagong buhay (2 Corinto 5:17). Ang isang tunay na Kristiyano ay mababago mula sa isang taong gumagawa ng mga gawa ng laman (Galacia 5:19-21) patungo sa isang taong kinakikitaan ng bunga ng Espiritu (Galacia 5:22-23), habang patuloy siyang nagpapasakop sa Banal na Espiritu. Maaaring ang pagbabago ay hindi maganap ng biglaan, ngunit tiyak na magaganap ito sa pagdaan ng panahon. Kung ang isang tao ay hindi kinakikitaan ng pagbabago sa kanyang buhay, maaaring ang taong iyon ay hindi isang tunay na Kristiyano. Maaari pa ring makagawa ng malaking kasalanan ang mga Kristiyano. Puno ang kasaysayan ng kuwento ng mga Kristiyano (o nagpapakilalang Kristiyano) na nakagawa ng mga malalaking kasalanan. Namatay si Hesus para sa lahat ng ating mga kasalanan. Ito ang dahilan upang hindi na tayo dapat na muling magkasala pa!

Sa 1 Corinto 6:9-11, inilarawan ni Apostol Pablo ang uri ng makasalanang pamumuhay kung saan naligtas ang mga mananampalataya sa Corinto. Sinasabi sa talata 11, “Ganyan ang ilan sa inyo noon. Subalit kayo'y pinatawad na sa inyong mga kasalanan at ginawa na kayong banal ng Diyos. Pinawalang-sala na rin kayo sa pangalan ng Panginoong Jesu-Cristo at sa pamamagitan ng Espiritu ng ating Diyos.” Pansinin ang salitang “noon.” Ginagawa dati ng mga mananampalataya sa Corinto ang mga bagay na nakalista sa talata 9 hanggang 10, ngunit iba na sila ngayon. Maaari bang ang isang mangangalunya, maglalasing, o bakla o tomboy, nangaabuso ng mga bata at iba pa ay maligtas? Oo. Ang isa bang tao na namumuhay sa patuloy na pagkakasala ay isang tunay na mananampalataya? Hindi. Nang tayo’y maging mga mananampalataya, binago ng Diyos ang ating mga buhay. Ang sinumang namumuhay sa patuloy na pagkakasala at nagaangkin na isang mananampalataya ay maaaring nagsisinungaling o di kaya naman ay dinadaya ang kanyang sarili o maaaring isang mananampalataya na tiyak na dadaan sa hatol at pagdidisiplina ng Diyos (Hebreo 12:5-11).

Ang pagkakaiba sa pagitan ng isang nagkakasalang hindi mananampalataya at nagkakasalang mananampalataya ay iniibig ng una ang pagkakasala samantalang namumuhi sa kasalanan ang huli. Ang mananampalataya na nadapa sa pagkakasala ay nagsisisi at nagnanais na hindi na muling utilin pa ang kanyang kasalanan at humihingi ng habag at biyaya sa Diyos upang maiwasan ang kasalanang iyon. Hindi niya iniisip kung gaano kalaki ang kanyang gagawing kasalanan at pagkatapos ay ituturing pa rin ang kanyang sarili na isang Kristiyano. Sa halip, isinasa alang-alang niya kung paano niya iiwasan sa hinaharap ang kasalanang kanyang nagawa laban sa kanyang Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Gaano kalaki ang maaaring maging kasalanan ng isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries