Tanong
Paano mabuhay bilang isang Kristiyano?
Sagot
Ang Kristiyano ay dapat na mabuhay sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa pamamagitan ng pananampalataya tayo pumasok sa buhay Kristiyano, at sa pamamagitan din ng pananampalataya tayo mabubuhay. Nang magumpisa ang ating buhay Kristiyano sa pamamagitan ng ating paglapit kay Hesu Kristo para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan, naunawaan natin na hindi natin makakamit ang ating hinahanap sa pamamagitan ng ibang pamamaraan kundi sa pamamagitan lamang ng pananampalataya. Hindi natin kayang dalhin ang ating sarili sa langit, dahil hindi sapat ang lahat ng ating kayang gawin upang makamit ang kaligtasan. Ang mga naniniwala na kaya nilang makamtan ang buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga batas at alituntunin - o sa listahan ng mga dapat at hindi dapat gawin - ay tinatanggihan ang malinaw na itinuturo ng Bibliya. “Maliwanag nga na sinoman ay hindi inaaring-ganap sa kautusan sa harapan ng Dios; sapagka't, Ang ganap ay mabubuhay sa pananampalataya” (Galacia 3:11). Tinanggihan si Hesus ng mga Pariseo dahil sinabi Niya sa kanila ang katotohanang ito na walang halaga ang kanilang mabubutng gawa at tanging ang pananampalataya lamang sa Kanya ang kasangkapan para sa kaligtasan.
Sa unang kabanata ng aklat ng Roma, sinabi ni Pablo na ang Ebanghelyo ni Hesu Kristo ang kapangyarihan na nagliligtas sa atin, at ang Ebanghelyo ang Mabuting Balita at ang lahat ng mananalig sa Kanya ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan. Nang pumasok tayo sa buhay Kristiyano sa pamamagitan ng pananampalataya, nakikita natin na lumalago ang ating pananampalataya habang nakikilala natin ang Diyos na nagligtas sa atin. Aktwal na ipinapakilala sa atin ng Ebanghelyo ni Kristo ang Diyos habang namumuhay tayo sa isang malapit na kaugnayan sa Kanya araw araw. Sinasabi sa Roma 1:17, “Sapagka't dito ang katuwiran ng Dios ay nahahayag mula sa pananampalataya hanggang sa pananampalataya: gaya ng nasusulat, Nguni't ang ganap ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.” Kaya nga, bahagi ng buhay Kristiyano ang masigasig na pagbabasa at pagaaral ng Salita ng Diyos kasabay ang panalangin para sa pangunawa at karunungan para sa isang mas malapit at personal na kaugnayan sa Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Ang buhay Kristiyano ay isang buhay ng pagkamatay sa sarili para mabuhay sa isang buhay ng pananampalataya. Sinabi ni Pablo sa mga taga Galacia, “Ako'y napako sa krus na kasama ni Cristo; at hindi na ako ang nabubuhay, kundi si Cristo ang nabubuhay sa akin: at ang buhay na ikinabubuhay ko ngayon sa laman ay ikinabubuhay ko sa pananampalataya, ang pananampalataya na ito'y sa Anak ng Dios, na sa akin ay umibig, at ibinigay ang kaniyang sarili dahil sa akin” (Galacia 2:20). Ang pagkapakong kasama ni Kristo ay nangangahulugan na ang ating dating pagkatao ay ipinako na sa krus at pinalitan na ng bagong kalikasan kay Kristo (2 Corinto 5:17). Siya na umibig at namatay para sa atin ay nananahan ngayon sa atin at ang buhay na dapat nating ipamuhay ay isang buhay ng pananampalataya sa Kanya. Nangangahulugan ito ng pagsasakripisyo ng ating sariling mga naisin, ambisyon, at mga ipinagmamalaki at pagpalit sa kanila ng mga bagay na kay Kristo. Magagawa lamang natin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa pananampalataya na ipinagkaloob Niya sa atin at ang Kanyang biyaya. Bahagi ng buhay Kristiyano ang pananalangin para sa layuning ito.
Ang buhay Kristiyano ay isang buhay na nagpapatuloy kay Kristo hanggang wakas. Tinalakay sa Hebreo 10:38-39 ang isyung ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa hula ni Porepeta Habakuk mula sa Lumang Tipan: “Na sa kaniya'y kayo rin naman, pagkarinig ng aral ng katotohanan, ng evangelio ng inyong kaligtasan, na sa kaniya rin naman, mula nang kayo'y magsisampalataya, ay kayo'y tinatakan ng Espiritu Santo, na ipinangako, Na siyang patotoo sa ating mana, hanggang sa ikatutubos ng sariling pag-aari ng Dios, sa ikapupuri ng kaniyang kaluwalhatian (Efeso 1:13-14). nagpatuloy ang manunulat ng Hebreo sa pagtiyak sa katotohanang ito sa talatang 39, “Nguni't tayo'y hindi doon sa mga nagsisibalik sa kapahamakan; kundi doon sa mga may pananampalataya sa ikaliligtas ng kaluluwa.” Ang tunay na mananampalataya ay isang tao na nagtitiyaga sa pananampalataya hanggang wakas.
Kaya nga ang buhay Kristiyano ay isang buhay ng pananampalataya sa Diyos na nagligtas sa atin, nagpapalakas sa atin, tumatak sa atin para sa langit, at nagiingat sa atin magpakailanman. Ang araw araw na pamumuhay sa pananampalataya ay pamumuhay sa paglago habang hinahanap natin ang kalooban ng Diyos sa Kanyang Salita sa pamamagitan ng pananalangin habang nakikipagkaisa tayo sa ibang mga Kristiyano na ang layunin ay gaya rin natin na maging katulad ni Kristo. English
Paano mabuhay bilang isang Kristiyano?