settings icon
share icon
Tanong

Paano ko kokontrolin ang aking pagiisip?

Sagot


Maraming Kristiyano ang nahihirapan sa isyung ito lalo na sa mundo ng makabagong teknolohiya ngunit ang pagkontrol sa ating pagiisip ay napakahalaga at kinakailangan. Sinasabi sa Kawikaan 4:23, “Ang isipan mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay.” Kasama sa “puso” ang isip at ang lahat ng nanggagaling mula dito. May nagsabi na sa bawat kasalanang ating nagagawa, dalawang beses natin iyong nagawa, una sa ating isip at ikalawa sa ating puso. Mas madaling iwaksi ang kasalanan sa ating buhay kung lalabanan natin ang kasalanan sa isip pa lamang sa halip na hintayin na mag-ugat ang kasalanang iyon sa ating puso bago iyon tangkaing bunutin.

Mayroon ding pagkakaiba sa pagitan ng pagtukso (pagpasok ng isang masamang kaisipan sa ating isip) at pagkakasala (pinagiisipan ang masamang kaisipan at paglulunoy doon). Mahalagang maunawaan na kung papasok ang isang masamang kaisipan sa ating isip, kailangan nating suriin iyon sa pamamagitan ng Salita ng Diyos at pagdesisyonan kung dapat bang ipagpatuloy o tanggihan ang kaisipang iyon at palitan iyon ng isang bagong kaisipan. Kung hinahayaan natin ang ating isip sa pagtanggap ng masasamang laosopan, mas nagiging mahirap na baguhin ang landas ng ating isipan gaya ng mahirap din para sa isang sasakyan na umahon sa pagkakabaon sa malambot na lupa at bumalik sa matigas na kalsada. Narito ang ilang mga panukala mula sa Bibliya upang makontrol natin ang ating isip at maalis ang masasamang pagiisip:

1. Manatili sa Salita ng Diyos upang kung pumasok ang isang masamang pagiisip (tukso), makikilala natin agad kung ano iyon at alam natin ang dapat nating gawin. Habang tinutukso ng Diyablo sa ilang, tumugon si Hesus sa bawat tukso nito gamit ang Kasulatan at itinuon ang Kanyang isip sa direksyon ng Katotohanan ng Salita ng Diyos sa halip na ituon ang pansin sa makasalanang kaisipan. Nang tuksuhin na katagpuin ang kanyang pisikal na pangangailangan, binigkas Niya ang isang talata tungkol sa kahalagahan ng pagtitiwala sa Salita ng Diyos. Nang tuksuhin na maglingkod kay Satanas upang makamit ang kaluwalhatian ng sanglibutan, binanggit Niya ang isang talata na nagsasabi na ang Diyos lamang ang dapat paglingkuran at sambahin at binanggit ang tungkol sa kaluwalhatian na nararapat na iukol para lamang sa Kanya.

Nang tuksuhin ng Diyablo si Hesus (upang patunayan kung talagang kasama Niya ang Diyos at tutuparin Niya ang Kanyang mga pangako), tumugon si Hesus sa pamamagitan ng mga talata na nagbibigay diin sa pananampalataya sa Diyos. Ang pagsambit ng mga talata sa Kasulatan sa oras ng tukso ay hindi isang pormula sa halip ito ay isang paraan upang maipaalala sa atin ang Kanyang salita at maibalik tayo sa tamang landas ngunit kailangan nating malaman ang Salita ng Diyos bago maganap ang pagtukso upang maisakatuparan ito. Kaya ang pang araw araw na pagbabasa at pagbubulay-bulay ng Salita ng Diyos sa isang makabuluhang paraan ay napakahalaga. Kung alam natin ang ating kahinaan (gaya ng pagaalala, pita ng laman, pagiging magagalitin at iba pa), kailangan nating pagaralan at imemorya ang mga susing talata na tumatalakay sa mga isyung ito. Ang paghahanap ng mga katotohanan tungkol sa ating dapat iwasan (negatibo) at sa kung paano natin haharapin ang mga tukso (positibo) bago ang mga iyon dumating – ay makatutulong sa pagbibigay sa atin ng tagumpay laban sa mga tukso at pagsubok.

2. Mamuhay na nakadepende sa Banal na Espiritu at sa paghingi sa Kanya ng lakas sa pamamagitan ng panalangin (Mateo 26:41). Kung magtitiwala tayo sa ating sariling lakas, mabibigo tayo (Kawikaan 28:26; Jeremias 17:9; Mateo 26:33).

3. Hindi natin dapat pasukan ang ating isip ng mga bagay na makagigising sa kamunduhan. Ito ang ideya sa Kawikaan 4:23. Dapat nating bantayan ang ating mga puso dahil kung ano ang pinapayagan nating pumasok dito ang siya ring nanasain nito. Sinasabi sa Job 31:1, “Ako ay nangako sa aking sarili na hindi pagnanasaan ang sinumang babae.” Sinasabi naman sa Roma 13:14, “Ang Panginoong Jesu-Cristo ang paghariin ninyo sa inyong buhay at huwag paglaanan ang laman upang bigyang-kasiyahan ang mga nasa nito.” Kaya nga dapat nating iwasan ang mga bidyo, diyaryo, websites, paguusap at mga sitwasyon na magiging dahilan ng ating pagbagsak sa tukso. Dapat nating iwasan na maggugol ng panahon sa mga taong maaaring magdala sa atin sa landas ng kasamaan.

4. Dapat tayong masusing maghanap sa kalooban ng Diyos at palitan ng makadiyos na pagiisip ang makasalanang pagiisip. Ito ang prinsipyo ng pagpapalit. Kung tinutukso tayo na kamuhian ang isang tao, papalitan natin ang isipan ng pagkamuhi ng makadiyos na gawain; gagawan natin sila ng mabuti, pagsasalitaan sila ng maganda at ipapanalangin sila (Mateo 5:44). Sa halip na magnakaw, dapat tayong magtrabaho ng buong sikap upang kumita ng pera upang magkaroon tayo ng pagkakataon na makatulong sa mga nangangailangan (Efeso 4:28). Kung natutukso tayo sa pagnanasa sa isang babae, ibaling natin ang ating pansin sa sa pagpupuri sa Diyos na lumikha sa atin na babae at lalaki at ipanalangin ang babaeng iyon (halimbawa: “Panginoon, tulungan mo ang babaeng ito na makilala ka at malaman ang kagalakan ng pagkakilala sa Iyo”), pagkatapos tratuhin mo siya na tulad sa isang kapatid na babae (1 Timoteo 5:2). Laging binabanggit sa Bibliya ang “paghubad” sa mga masamang gawain at pagiisip at “pagsusuot” ng makadiyos na pagiiisip at gawa (Efeso 4:22-32). Ang pagaalis ng makasalanang pagiisip ay hindi sapat. Kailangang palitan ang masasamang pagiisip ng makadiyos na pagiisip dahil kung hindi, magiging bukas ang ating isip upang taniman ni Satanas ng masasamang damo (Mateo 12:43-45).

5. Maaari nating gamitin ang pakikisama sa ibang mananampalataya sa paraang ayon sa nais ng Diyos. Sinasabi sa Hebreo 10:24-25, “At sikapin nating mapukaw ang damdamin ng bawat isa sa pag-ibig sa kapwa, at sa paggawa ng mabuti. At huwag kaligtaan ang pagdalo sa ating mga pagtitipon gaya ng ginawa ng ilan, kundi palakasin ang loob ng isa't isa lalo na ngayong nakikita nating nalalapit na ang pagdating ng Panginoon.” Makisama tayo sa ating mga kapwa mananampalataya na tutulong sa atin upang ang pagbabago na ating ninanais (pinakamaganda sa isang mananampalatayang kapareho ng kasarian), na mananalangin para sa atin at kung kanino tayo mananagot sa pagiwas sa ating mga dating gawi.

Ang huli at pinakamahalaga, ang mga pamamaraang ito ay walang kabuluhan malibang ilagak natin ang ating panananampalataya kay Hesus bilang ating Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan. Ito ang pinakasimula sa lahat! Kung wala ito, walang magiging tagumpay laban sa makasalanang gawa at pagiisip at ang mga pangako ng Diyos para sa Kanyang mga anak ay hindi para sa atin at hindi mapapasaatin ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu.

Pagpapalain ng Diyos ang sinumang nagnanais na parangalan Siya sa mga bagay na mahalaga para sa Kanya: kung ano tayo sa ating kalooban at hindi kung ano ang nakikita sa atin ng tao sa panlabas. Nawa’y maging totoo sa atin ang paglalarawan ng Panginoong Hesus kay Natanael, “Masdan ninyo ang isang tunay na Israelita; siya'y hindi magdaraya” (Juan 1:47).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko kokontrolin ang aking pagiisip?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries