Tanong
Ano ang koinonia?
Sagot
Ang salitang Koinonia ay isang salitang Griyego na lumabas ng dalawampung beses sa Bibliya. Ang pangunahing kahulugan ng salitang koinonia ay “samahan, pagbabahagi para sa iba, pakikiisa.” Ang unang pagbanggit sa salitang koinonia ay sa Gawa 2:42, “Inilaan nila ang kanilang mga sarili upang matuto sa turo ng mga apostol, magsama-sama bilang magkakapatid, magsalu-salo sa pagkain ng tinapay, at manalangin.” Ang pagsasama-samang Kristiyano ay isang susing aspeto ng buhay Kristiyano. Ang mga sumasampalataya kay Cristo ay nagsasama-sama sa pag-ibig, pananampalataya, at pagpapalakas ng loob ng isa’t isa. Ito ang esensya ng koinonia.
Idineklara sa Filipos 2:1-2, “Kaya nga, yamang mayroong kasiglahan ang buhay kay Cristo, mayroong kaaliwan ng pag-ibig, mayroong pakikiisa ng Espiritu Santo, at mayroong kagandahang-loob at malasakit para sa isa't isa, lubusin ninyo ang aking kagalakan; magkaroon kayo ng iisang kaisipan, mabuklod kayo sa iisang pag-ibig, at magkaisa kayo sa puso't diwa.” Ang koinonia ay pagiging kasundo ng isa’t isa, pagkakaisa sa layunin, at paglilingkod sa isa’t isa. Ang ating koinonia sa isa’t isa ay nakasalalay sa ating parehong koinonia kay Cristo Jesus. Sinasabi sa 1 Juan 1:6-7, “Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.”
Ang isang makapangyarihang halimbawa kung paano mauunawaan ang koinonia ay makikita sa isang pagaaral ng pariralang “isa’t isa” sa Bibliya. Iniuutos sa atin ng Kasulatan na ilaan ang ating sarili sa isa’t isa (Roma 12:10), parangalan ang isa’t isa (Roma 12:10), mamuhay na may kapayapaan sa isa’t isa (Roma 12:16; 1 Pedro 3:8), tanggapin ang isa’t isa (Roma 15:7), paglingkuran ang isa’t isa sa pag-ibig (Galatia 5:13), maging mabuti at mahabagin sa isa’t isa (Efeso 4:32), palakasin ang loob ng isa’t isa (Colosas 3:16), himukin ang isa’t isa (1 Tesalonica 5:11; Hebreo 3:13), udyukan ang isa’t isa sa pag-ibig at paggawa ng mabubuting gawa (Hebreo 10:24), pakitunguhan ng mabuti ang isa’t isa (1 Pedro 4:9), at ibigin ang isa’t isa (1 Pedro 1:22; 1 Juan 3:11; 3:23; 4:7; 4:11-12). Ito ang tunay na larawan ng salitang koinonia ayon sa Bibliya.
English
Ano ang koinonia?