Tanong
Ano ang ibig sabihin ng maging “kay Kristo”?
Sagot
Binibigyan tayo sa Galacia 3:26-28 ng kabatiran kung ano ang ibig sabihin ng pariralang “kay Kristo.” “Sapagka't ang lahat na sa inyo ay binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo. Walang magiging Judio o Griego man, walang magiging alipin o malaya man, walang magiging lalake o babae man; sapagka't kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus. At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako.” Nakikipagusap si Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia at ipinapaalala sa kanila ang kanilang bagong katayuan mula ng ilagak nila ang kanilang pananampalataya kay Hesu Kristo. Ang “mabawtismuhan kay Kristo” ay nangangahulugan na sila ay kinilala ni Kristo, iniwanan na nila ang kanilang makasalanang pamumuhay at buong-buong niyakap ang bagong buhay kay Kristo (Markos 8:34; Lukas 9:23). Noong tumugon tayo sa pagtawag ng Banal na Espiritu, “binawtismuhan” Niya tayo sa pamilya ng Diyos. Sinasabi sa 1 Corinto 12:13, “Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu.”
May ilan pang mga lugar sa Kasulatan kung saan tinatalakay ang kalagayan ng mga mananampalataya ng pagiging na “kay Kristo” (1 Pedro 5:14; Filipos 1:1; Roma 8:1). Sinasabi sa Colosas 3:3, "Sapagka't kayo'y nangamatay na, at ang inyong buhay ay natatagong kasama ni Cristo sa Dios." Ang Diyos ay may perpektong katarungan. Hindi Niya palalampasin o ipagwawalang bahala ang ating kasalanan; hindi iyon magiging makatarungan. Kailangang bayaran ang kasalanan. Ang lahat ng poot ng Diyos para sa kasalanan ay Kanyang ibinuhos sa Kanyang sariling Anak. Nang kunin ni Hesus ang ating lugar doon sa krus, pinagdusahan Niya ang kabayaran ng ating mga kasalanan na tayo ang dapat na magdusa. Ito ang Kanyang huling salita bago Siya mamatay: “Naganap na” (Juan 19:30). Ano ang naganap na? Hindi dito tinutukoy ang Kanyang buhay. Gaya ng Kanyang pinatunayan pagkatapos ng ikatlong araw, hindi natapos ang Kanyang buhay (Mateo 28:7; Markos 16:6; 1 Corinto 15:6). Ang natapos doon sa krus ay ang plano ng Diyos na pagtubos sa makasalanang mundo. Nang sabihin ni Hesus, “Naganap na,” ipinapahayag Niya na Kanyang matagumpay na binayaran ng buo ang lahat ng ating mga pagsalangsang sa Diyos sa nakaraan, sa kasalukuyan at sa hinaharap.
Ang pagiging na “kay Kristo” ay nangangahulugan na tinanggap natin ang Kanyang pagpapakasakit bilang kabayaran para sa ating sariling kasalanan. Ang ating listahan ay naglalaman ng bawat makasalanang pagiisip, paguugali at gawa na ating ginawa sa ating buong buhay. Walang anumang paglilinis sa sarili ang magpapaging ganap sa atin upang matanggap ang kapatawaran at magkaroon ng relasyon sa isang banal na Diyos (Roma 3:10-12). Sinasabi ng Bibliya na tayo ay mga kaaway ng Diyos sa ating likas na makasalanang kalagayan (Roma 5:10). Nang tanggapin natin ang Kanyang paghahandog para sa atin, ipinagpalit Niya ang Kanyang katuwiran sa ating katuwiran. Pinalitan Niya ang listahan ng ating mga kasalanan ng Kanyang perpektong listahan ng kabanalan na tunay na nakakalugod sa Diyos (2 Corinto 5:21). Ang pagpapalit na ito ng Diyos ay naganap doon sa krus, kung saan ang ating makasalanang kalikasan ay pinalitan Niya ng Kanyang perpektong katuwiran (2 Corinto 5:17).
Upang makalapit sa presensya ng banal na Diyos, dapat na nakatago tayo sa katuwiran ni Kristo. Ang maging “kay Kristo” ay nangangahulugan na hindi na nakikita ng Diyos ang ating mga kasamaan; sa halip, ang Kanyang nakikita sa atin ay ang katuwiran ng Kanyang Anak (Efeso 2:13; Hebreo 8:12). Tanging “kay Kristo” lamang napawi ang ating mga kasalanan, naibalik ang ating relasyon sa Diyos, at natiyak ang ating walang hanggang kaligtasan (Juan 3:16-18, 20:31). English
Ano ang ibig sabihin ng maging “kay Kristo”?