settings icon
share icon
Tanong

Ano ang Kautusan ni Kristo?

Sagot


Sinasabi sa Galacia 6:2, "Mangagdalahan kayo ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ninyong gayon ang kautusan ni Kristo" (idinagdag ang diin). Ano ba talaga ang Kautusan ni Kristo, at paano ito maisasakatuparan sa pamamagitan ng pagdadala ng pasanin ng bawat isa? Habang nabanggit din ang Kautusan ni Kristo sa 1 Corinto 9:21, hindi partikular na binigyan ng kahulugan sa Bibliya ang ibig sabihin ng Kautusan ni Kristo. Gayunman, mas nakararaming iskolar ng Bibliya ang nagsasabi na ang Kautusan ni Kristo ay ang Kanyang sinabi sa Markos 12:28–31 na tinatawag ding pinakamahalagang utos, "…Sumagot si Jesus, "Ito ang pinakamahalagang utos: 'Pakinggan mo, Israel! Ang Panginoon nating Diyos ang tanging Panginoon. Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa, buong pag-iisip at buong lakas.' Ito naman ang pangalawa, 'Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.' Wala nang ibang utos na hihigit pa sa mga ito.'"

Ang Kautusan ni Kristo kung gayon ay ang pag-ibig sa Diyos ng higit sa lahat at pag-ibig sa ating kapwa gaya ng ating sarili. Sa Markos 12:32–33, ang eskriba na nagtanong kay Hesus ay tumugon ng ganito, "At higit na mahalaga ang umibig sa kanya nang buong puso, buong pag-iisip at buong lakas, at ang umibig sa kapwa gaya ng pag-ibig sa sarili, kaysa magdala ng lahat ng handog na susunugin at iba pang mga alay." Nagkaisa si Hesus at ang eskriba na ang dalawang Kautusang ito ang buod ng buong Kautusan ng Diyos sa Lumang Tipan. Ang lahat ng utos sa Lumang Tipan ay mailalagay sa dawalang kategoryang ito ng "pag-ibig" sa Diyos at "pag-ibig sa kapwa."

Iba't ibang mga sitas sa Bagong Tipan ang nagsasaad na ginanap na ni Hesus ang mga Kautusan sa Lumang Tipan at tinapos na niya ang mga iyon (Roma 10:4; Galacia 3:23–25; Efeso 2:15). Bilang kahalili ng mga kautusan sa Lumang Tipan, dapat na sundin ng mga Kristiyano ang mga Kautusan ni Kristo. Sa halip na tangkaing alalahanin ang mahigit sa anim na raang (600) Kautusan sa Lumang Tipan, dapat na simpleng ituon ng mga Kristiyano ang kanilang pansin sa pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa kapwa tao. Kung tunay at buong pusong susundin ng mga Kristiyano ang dalawang kautusang ito, magaganap natin ang lahat ng mga bagay na hinihingi ng Diyos sa atin.

Pinalaya tayo ni Hesus mula sa pagkaalipin sa daan-daang mga utos sa Lumang Tipan at tinatawag Niya tayo na umibig. Idineklara sa 1 Juan 4:7–8, "Mga minamahal, mag-ibigan tayo sapagkat mula sa Diyos ang pag-ibig. Ang bawat umiibig ay anak ng Diyos at kumikilala sa Diyos. Ang hindi umiibig ay hindi kumikilala sa Diyos, sapagkat ang Diyos ay pag-ibig." Sinasabi pa sa 1 Juan 5:3, "sapagkat ang tunay na umiibig sa Diyos ay ang tumutupad ng Kanyang mga utos. Hindi naman mahirap sundin ang Kanyang mga utos."

Ginagamit ng iba ang katotohanan na wala na tayo sa ilalim ng mga Kautusan sa Lumang Tipan bilang dahilan sa pagkakasala. Itinuwid ni Pablo ang isyung ito sa aklat ng Roma. "Ngayon, malaya na ba tayong magkasala dahil hindi na tayo saklaw ng kautusan kundi ng kagandahang-loob ng Diyos? Hinding-hindi!" (Roma 6:15). Para sa isang tagasunod ni Kristo, ang pagiwas sa kasalanan ay dapat na gawin dahil sa kanyang pag-ibig sa Diyos at pag-ibig sa iba. Ang pag-ibig ang dapat na motibo sa pagsunod. Kung kinikilala natin ang halaga ng paghahandog ng buhay ni Hesus para sa atin, ang dapat nating maging tugon ay pag-ibig, pasasalamat at pagsunod. Kung nauunawaan natin ang mga paghihirap na pinagdaanan ni Hesus para sa atin, ang dapat nating maging tugon ay pagsunod sa Kanyang halimbawa at pagpapakita ng pag-ibig sa iba. Ang dapat nating maging motibo sa paglaban sa kasalanan ay pag-ibig, hindi ang pagiging legalista sa pagsunod sa mga listahan ng kautusan. Dapat tayong sumunod sa Kautusan ni Kristo dahil iniibig natin Siya, hindi dahil kagustuhan na lagyan ng tsek ang isang listahan ng mga utos na matagumpay nating nasunod sa ating sariling kakayahan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang Kautusan ni Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries