settings icon
share icon
Tanong

Paano ako matututong magtiwala sa katapatan ng Diyos?

Sagot


Maraming bahagi sa Banal na Kasulatan ang nagpapahayag ng pagpupuri sa katapatan ng Diyos. Sinasabi sa Panaghoy 3:22-23 ang ganito, “Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo'y walang kapantay. Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo'y napakadakila.” Dahil diyan, ano ngayon ang kahulugan ng katapatan?

Ang salitang Hebreo na isinalin bilang “katapatan” ay nangangahulugang “katatagan, pagiging matibay, katapatan.” At ang kabaliktaran ng pagiging matapat ay ang pabagu-bago. Nakasaad sa Awit 119:89-90 na, “Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan, matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan. Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago; ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.” Sa mga talatang ito ay makikita natin na ang katapatan ay katumbas ng Salita ng Diyos. Siya ay nagsasalita ng walang hanggang katotohanan. Kaya't ang Kanyang Salita ay nananatiling totoo kahit libong taon na ang nakakaraan mula nang ito ay Kanyang salitain. Siya ay tapat sa Kanyang Salita, sapagkat ang Kanyang Salita ay kapahayagan ng Kanyang katangian. Ang Kanyang mga pangako ay nananatiling totoo dahil hindi Siya nagbabago (Malakias 3:6). Makikita natin ito sa isang paglalarawan mula sa pananaw ng tao tungkol sa mag asawang matagal nang kasal. Nang ang babae ay nakaratay na sa kanyang higaan at malapit nang pumanaw, umupo ang kanyang asawa sa kanyang tabi at hinawakan nito ang kanyang kamay. Hindi niya ito iniwan, kahit hindi na siya nakikilala nito. Tapat siya sa pangakong kanyang binitawan noon. Gayundin naman, ang Diyos ay nananatiling tapat sa Kanyang pangako, kahit tayo ay madalas na hindi nagiging tapat sa Kanya (2 Timoteo 2:13).

Natututunan nating magtiwala sa isang tao kapag nakikilala natin siya. Sa totoo lang, hindi natin pwedeng ipagkatiwala ang detalye ng ating impok sa bangko sa isang taong hindi naman natin kilala, dahil hindi pa natin siya nakasama, at hindi natin alam ang kanyang pagkatao. Noong hindi pa natin nakikilala ang Diyos ay natatakot tayong magtiwala sa Kanya. dahil hindi pa natin alam kung sino Siya at kung ano ang kaya Niyang gawin. Gayunman, Matututunan nating magtiwala sa Diyos kapag kilala na natin ang kanyang katangian. Mayroong tatlong paraan upang makilala natin Siya: Pag aralan ang kanyang Salita, tingnan ang pagkilos Niya sa buhay natin, at pag aralang makinig sa Kanyang tinig.

Kapag pinagaaralan natin ang Salita ng Diyos, may lilitaw na halimbawa. Makikita nating ang Diyos ay di nagbabago at hindi nagsisinungaling (Bilang 23:19; 1 Samuel 15:29). Matututunan din natin mula sa Banal na Kasulatan na hindi nabibigo ang Diyos kahit noong una pa man (Isaias 51:6). Siya ay laging totoo sa Kanyang mga Salita kahit noon pa man sa buhay ng sinaunang mga Israelita. Kapag sinabi niyang gagawin niya ang isang bagay, ginagawa nga Niya ito (Bilang 11:23; Mateo 24:35). Dahil dito, nag sisimula tayong magtiwala sa subok nang katangian Niya. Makakaasa tayong ang Diyos ay totoo sa Kanyang sarili. Hindi Siya magwawakas bilang Diyos. Hindi magwawakas ang Kanyang pagiging makapangyarihan sa lahat, ang pagiging banal, o ang pagiging mabuti (1 Timoteo 6:15; 1 Pedro 1:16).

Napatunayan na natin sa ating sariling karanasan na kailanman ay hindi tayo binigo ng Diyos. Ang isang utos na laging ibinibigay ng Diyos sa mga Israelita ay: “Alalahanin o tandaan” (Deuteronomio 8:2; Isaias 46:9). Sapagkat kung maaalala nila ang ginawa ng Diyos sa kanila, madali nilang magagawa ang magtiwala sa Diyos para sa kanilang hinaharap. Sadyang dapat nating alalahanin ang mga paraan at pag iingat na inilaan ng Diyos sa atin noon. At ang paggawa ng dyornal para sa pananalangin ay makakatulong sa atin para dito, Makakatulong sa atin upang patuloy na manalangin at umasa, kapag binabalikan natin kung paano tinugon ng Diyos ang ating mga dasal. Alam nating diringgin tayo ng Diyos kapag lumapit tayo sa Kanya upang manalangin (1 Juan 5:14; Awit 34:15). Ibinibigay Niya ang ating mga kailangan (Filipos 4:19). At lagi Siyang gumagawa sa lahat ng bagay para sa ating ikabubuti kapag pinagkatiwala natin sa kanya ang lahat (Roma 8:28). Nangangahulugan ito na natututunan nating magtiwala sa kanyang katapatan sa hinaharap sa pamamagitan ng pag ala ala sa Kanyang mga katapatan sa atin noon.

At natututo rin tayong magtiwala sa Kanya sa pamamagitan ng pagkilala sa pagkakaiba ng Kanyang tinig at ng ibang umaagaw ng ating atensyon. Sabi ni Jesus, “Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin” (Juan 10:27). Bilang mga na kay Jesus ay kailangang linangin natin ang ating kakayahan sa pakikinig sa Kanya. Siya ay nangungusap sa atin una sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ngunit maaari din Siyang mangusap sa pamamagitan ng ibang tao, ng mga pangyayari, at sa pamamagitan ng patunay mula sa Banal na Espiritu (Roma 8:16). Habang maingat nating binabasa at pinagbubulayan ang Banal na Kasulatan, malimit buksan ng Espiritu Santo ang puso natin sa mga talata at tinutulungan tayong angkinin at ilapat ito sa ating kasalukuyang sitwasyon. Anuman ang pinapakita ng Banal na Espiritu sa atin mula sa Kanyang Salita ay kailangang tanggapin ng may pananampalataya bilang mensahe Niya sa atin. Sapagkat magkakaroon tayo ng pagtitiwala kung aangkinin natin ang Kanyang mga pangako at ilalapat ito sa ating mga buhay.

Higit sa lahat ng bagay, Iniibig ng Diyos sa atin ang pagpapakita ng pananampalataya (Hebreo 11:6). Ang pananampalataya ay pagtitiwala sa katangian at kayang gawin ng Diyos bago natin makita kung paano niya lutasin ang isang bagay. Nangako Siya sa atin ayon sa Kanyang Salita, at ang Kanyang mga pangako ay nananatili. Gayunman, ang ating pagtitiwala sa Kanyang katapatan ay lumalago, kapag nakikita natin kung paano Niya tuparin ang Kanyang pangako. Kung paanong ang ating pagtitiwala sa isang tao ay lumalago dahil sa araw-araw na pakikipag-usap, gayundin ang ating pagtitiwala sa Diyos. Magagawa nating magtiwala sa Kanya kung kilala natin Siya. Makakaasa tayo sa kanyang kabutihan, kahit hindi natin maunawaan ang pangyayaring tila sumasalungat dito. Makakaasa tayo na ang plano ng Diyos sa atin ang siyang iiral (Kawikaan 19:21). Kagaya ng anak na nagtitiwala sa kanyang mapagmahal na ama, pwede tayong magtiwala sa ating Amang nasa langit na lagi Niyang gagawin kung ano ang tama.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako matututong magtiwala sa katapatan ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries