settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kasaysayan ng Kristiyanismo?

Sagot


Ang kasaysayan ng Kristiyanismo ay ang kasaysayan ng kanlurang sibilisasyon. Ang Kristiyanismo ay may malawak at malaganap na impluwensya sa lipunan at kultura gaya ng sining, pulitika, batas, buhay pamilya, kalendaryo, musika at kung paano tayo mag-isip ay nakulayan ng impluwensya ng Kristiyanismo sa loob ng halos dalawang libong taon. Kaya nga, ang kasaysayan ng Kristiyanismo at ng iglesia ay isang bagay na mahalagang malaman.

Ang pasimula ng Iglesia
Ang iglesia ay nagsimula limampung (50) araw pagkatapos na mabuhay na mag-uli si Kristo (c. A.D. 35). Ipinangako ni Hesus na itatayo Niya ang Kanyang iglesia (Mateo 16:18), at sa pagdating ng Banal na Espiritu sa araw ng Pentecostes (Mga Gawa 2:1-4), ang iglesia - mula sa salitang ekklesia (" kapulungan ng mga tinawag") - ay opisyal na nagpasimula. Tatlong libong tao ang tumugon sa sermon ni Pedro nang araw na iyon at nagpasyang sumunod kay Kristo.

Ang mga unang unang miembro ng Kristiyanismo ay mga Hudyo na galing sa Judaismo at ang naging sentro ng iglesia ay ang Jerusalem. Dahil dito ang Kristiyanismo ay unang nakilala bilang isang sekta ng mga Hudyo na katulad ng mga Pariseo, Saduseo at mga Essenes. Gayunman, ang ipinangangaral ng mga apostol ay lubhang naiiba sa ipinangangaral ng ibang mga grupong ito ng mga Hudyo. Si Hesus ang Hudyong Tagapagligtas (ang pinahirang Hari) na dumating upang ganapin ang hinihingi ng Kautusan (Mateo 5:17) at itatag ang bagong kasunduan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan (Markos 14:24). Ang mensaheng ito, at ang bintang na ang mga Hudyo ang pumatay sa kanilang sariling Mesiyas ang dahilan ng lubhang pagkagalit ng mga pinunong Hudyo at ang ilan gaya ni Saulo ng Tarso, ay kumilos upang patigilin at puksain ang mga naniniwala sa pananampalatayang ito na tinatawag noong "Ang Daan" (Mga Gawa 9:1-2).

Masasabi na ang Kristiyanismo ay nag-ugat sa Judaismo. Ang Lumang Tipan ang nagtatag ng saligan ng Bagong Tipan at imposibleng maintindihan ang Kristiyanismo ng walang kahit anong pagkaunawa sa Lumang tipan (tingnan ang aklat ng Mateo at Hebreo). Ang Lumang Tipan ang nagpaliwanag ng pangangailangan ng Mesiyas o Tagapagligtas, at naglalaman ng kasaysayan ng bansa ng Diyos at ng mga hula tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Ang Bagong Tipan, ay patungkol sa dumating na Mesiyas at ng Kanyang gawain upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Sa Kanyang buhay, ginanap ni Hesus ang mahigit sa tatlong daang (300) partikular na mga hula upang patunayan na Siya ang hinihintay na Mesiyas sa Lumang Tipan.

Ang Paglago ng Unang Iglesia
Hindi nagtagal pagkatapos ng Pentecostes, ang pintuan ng Iglesia ay nabuksan para sa mga hindi Hudyo. Ang Ebanghelistang si Felipe ay nangaral sa mga Samaritano (Mga Gawa 8:5), at marami ang nanampalataya doon kay Kristo. Si Apostol Pedro naman ay nangaral sa pamilya ni Cornelio (Mga Gawa 10) at sila rin ay tumanggap ng Banal na Espiritu. Si Apostol Pablo (isang dating taga usig ng iglesia) ay ipinangalat ang mensahe ng Ebanghelyo sa buong Griego-Romanong mundo, hanggang sa umabot ang Ebanghelyo sa Roma mismo (Mga Gawa 28:16) at posibleng hanggang sa Espanya.

Noong A.D. 70, winasak ang Jerusalem. Karamihan ng mga aklat ng Bagong Tipan ay nakumpleto na at umikot sa maraming mga iglesia. Sa sumunod na 240 taon, ang mga Kristiyano ay pinag-usig ng Roma - kadalasan ay biglaang paguusig at minsan ay sa pamamagitan ng mga utos ng emperador.

Sa sumunod na ikalawa at ikatlong siglo, ang pamunuan ng iglesia ay naging mas organisado habang dumadami ang bilang ng mga mananampalataya. Ilang mga maling katuruan ang inilantad at nilabanan sa panahong ito at dahil dito ay napagkasunduan ang canon ng Bibliya. Ang mga pag-uusig ay patuloy na naging masidhi sa mga panahong ito.

Ang pagsisimula ng Iglesiang Romano

Noong A.D. 312, si Emperor Constantino ay naging taga suporta ng Kristiyanismo. Mga 70 taon pa ang lumipas, sa panahon ng paghahari ni Teodosios, naging opisyal na relihiyon ng Imperyong Romano ang Kristiyanismo. Binigyan ng espesyal na lugar ang mga obispo sa gobyerno at noong mga A.D. 400, ang salitang Romano at Kristiyanismo ay halos iisa na lamang ang kahulugan.

Hindi na pinag-usig pa ang Kristiyanismo mula noong panahon ni Constantino. Ang mga pagano naman ang pinag-usig hanggat hindi sila "sumasama" sa Kristiyanismo. Ang pwersahang paganib ng mga pagano sa Kristiyanismo ang naging dahilan upang maging "Kristiyano" ang mga tao ng walang nangyaring tunay na pagbabago sa kanilang mga puso. Dinala ng mga pagano ang kanilang mga idolo at ang kanilang paganong pamamaraan ng pagsamba sa loob mismo ng Kristiyanismo at dahil dito nagbago ang Kristiyanismo. Upang bigyang kasiyahan ang mga pagano sa loob ng Kristiyanismo, pinahintulutan ang pagkakaroon ng mga rebulto o larawan, magarbong arkitektura, paglalakbay sa Jerusalem at mga itnuturing na "banal na lugar" at ang pananalangin at pagbibigay galang sa mga santo ay idinagdag sa pagsamba ng unang iglesia. Sa panahong ito, ang ilang mga Krisityano ay pumupunta sa Roma, pinipiling mamuhay na hiwalay sa mga tao bilang mga monghe at ang pagbibinyag/pagbabawtismo sa mga bata ay sinimulang ituro na diumano ay nakapaglilinis ng orihinal na kasalanan.

Ang mga sumunod na daang taon ay sinaksihan ang pagkakaroon ng iba't ibang pagpupulong ng pamunuan ng Iglesia sa kanilang pagtatangka na ilatag ang opisyal na katuruan ng iglesia, upang punahin at patigilin ang mga pang-aabuso ng mga kleriko at upang pagkasunduin ang mga nagiiringang paksyon sa Kristiyanismo. Habang humihina ang Imperyo ng Roma, ang iglesia naman ay mas lalong naging makapangyarihan at hanggang sa maraming hindi pagkakasundo ang umusbong sa pagitan ng iglesia sa Silangan at iglesia sa Kanluran. Ang Iglesia sa kanluran (mga Latino) na nakabase sa Roma ay inaangkin ang awtoridad ng pagkaapostol sa lahat ng Simbahan. Ang Obispo sa Roma ay nagumpisang tawagin ang sarili na "Papa" (Ang Ama). Hindi ito nagustuhan ng iglesia sa Silangan (mga Griego) na nakabase naman sa Constantinople. Pinaghiwalay ng teolohiya, pulitika, pamamaraan ng pamamahala at -ng pagkakaiba sa lengguwahe, ito ang nagbigay daan sa tinatawag na "malaking pagkakaba-bahagi" (Great Schism) noong 1054 kung saan ang iglesia Romano Katoliko ("pangkalahatan") o Roman Catholic Church at ang Eastern Orthodox Church ay opisyal na naghiwalay at lubusang itinakwil ang isa't isa.

Ang Panggitnang mga Siglo (Middle Ages)
Sa mga panahong ito, ang Katoliko Romano ay patuloy na naging makapangyarihan sa Europa, at inangkin ng Papa ang kanyang kapangyarihan sa lahat ng antas ng buhay at sosyedad at namuhay na katulad ng mga hari. sa panahong ito, ang kasakiman at pagnanakaw sa kaban ng Simbahan ay normal na gawain lamang. Mula 1095 hanggang 1204, inendorso ng mga Papa ang serye ng magastos at madugong krusada sa pagtatangka na patigilin ang paglawak ng relihiyong Islam at palayain ang Jerusalem mula sa kamay ng mga Muslim.

Ang Repormasyon (Reformation)

Sa maraming mga taon, maraming indibidwal ang tinawag ang pansin ng pamunuan ng Iglesia Romano Katoliko dahil sa malawakang pangaabuso sa teolohikal, pulitikal at karapatang pantao ng mga pari at lider ng simbahan. Ngunit lahat sa kanila ay pinatahimik sa iba't ibang kaparaanan. Ngunit noong 1517, Isang paring Aleman na nagngangalang Martin Luther ang tumayo at nanindigan laban sa mga katiwalian ng simbahan at ang lahat ay nakinig. Sa pagdating ni Martin Luther, dumating ang repormasyon ng mga protestante at nagtapos ang panggitnang siglo (Middle Ages).

Ang mga reformers o nagumpisa ng pagbabago sa Simbahan kagaya nina Luther, Calvin at Zwingli ay nagkaiba sa mga maliliit na detalye ng teolohiya ngunit sila ay nagkakasundo sa kanilang paninindigan na ang Bibliya lamang ang tanging dapat na maging pinakamataas na awtoridad sa lahat ng katuruan at hindi ang tradisyon ng simbahan. Nagkakaisa din sila sa pagtuturo na ang kaligtasan ay tanging sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo na hiwalay sa anumang mabubuting gawa (Efeso 2:8-9).

Kahit na muling lumakas ang Romano Katolisismo sa Europa, at ilang serye ng digmaan ang naganap sa pagitan ng mga Protestante at Romano Katoliko, matagumpay na nalabanan ng repormasyon ang kapangyarihan ng Katolisismo at binuksan ang pinto para sa modernong panahon.

Ang Panahon ng Pagmimisyon

Mula 1790 hanggang 1900, ang iglesia ay nagpakita ng hindi matatawarang interes sa gawain ng pagmimisyon. Ang kolonisasyon ang nagbukas ng mata sa mga lider ng iglesia para sa pangangailangan ng pagmimisyon at ang industriyalisasyon ang nagbigay ng pinansiyal na kakayahan sa mga Kristiyano na suportahan ang mga misyonero. Nagtungo ang mga misyonero sa buong mundo upang ipangaral ang Ebanghelyo at naitayo ang maraming mga iglesia sa buong mundo.

Ang Modernong Iglesia

Sa kasalukuyan, ang Simbahang Romano Katoliko sa Kanluran at Orthodox Church sa Silangan ay gumawa ng mga hakbang upang ayusin ang kanilang nasirang relasyon. Ganito rin ang nangyari sa pagitan ng Romano Katoliko at mga Lutherans. Ngunit ang ebanghelikong iglesia ay independiyente at nakaugat sa malalim sa teolohiya ng repormasyon (Reformed Theology) kaya't walang magawa ang mga lider ng katolisismo upang papanumbalikin sila sa Romano Katolisismo. Sa panahong ito nasaksihan din ang paglitaw ng mga grupong Pentecostal at Karismatiko, ang pagsasama sama ng iba't ibang grupo ng sekta ng Kristiyanismo (ecumenicalism) at paglitaw ng maraming mga kulto o hidwang pananampalataya.

Ang ating matututuhan sa Kasaysayan ng Kristiyanismo

Kung mayroon tayong matututuhan sa kasaysayan ng iglesia, ating nararapat na kilalanin ang kahalagahan na "manahanan nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo; ayon sa buong karunungan" (Colosas 3:16). Ang bawat isa sa atin ay responsable na alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya at mamuhay ayon sa katuruan nito. Sa mga panahong nalilimutan ng iglesia ang itinuturo ng Bibliya at hindi pinahahalagahan ang mga aral ni Kristo, doon naghahari ang kaguluhan.

Napakaraming mga simbahan at iglesia na sa ngayon, ngunit iisa lamang ang Ebanghelyo. Ito ang "pananampalataya na ibinigay na minsan at magpakailan man sa mga banal" (Judas 3). Nawa ay maging maingat tayo sa ating pangangalaga sa katotohanan ng Ebanghelyo at pananampalataya at ating ipahayag ito ng buong katotohanan at walang pagbabago at habang patuloy na ginaganap ng Panginoon ang Kanyang pangako na Kanyang itatayo ang Kanyang iglesia.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kasaysayan ng Kristiyanismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries