settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kasalanang walang kapatawaran/pamumusong sa Banal na Espiritu?

Sagot


Ang hindi mapapatawad na kasalanan/ kasalanang walang kapatawaran" o "pamumusong sa Banal na Espiritu" ay binanggit sa Markos 3:22-30 at Mateo 12:22-32. Ang salitang "pamumusong" ay maaaring pakahuluganan ng "lumalaban ng walang pitagan." Mailalapat ang salitang pamumusong sa pagsumpa sa Diyos o sinasadyang pagalipusta sa mga bagay ng Diyos. Ito rin ay pagbibintang ng kasamaan sa Diyos o pagtanggi sa mabuti na dapat na iukol sa Kanya. Gayunman, ang uri ng pamumusong na ito ay partikular na tinatawag na "pamumusong sa Banal na Espiritu" sa Mateo 12:31. Sa talatang ito, nasaksihan ng mga Pariseo ang hindi mapapasubaliang katibayan na si Hesus ay gumagawa ng mga himala sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ngunit sa halip na kilalanin, pinagbintangan Siya ng mga Pariseo na sinasapian ng demonyong si Beelzebub (Mateo 12:24). Sa Markos 3:30, sinabi ni Hesus kung ano ang eksaktong tawag sa kanilang ginawa at sinabing iyon ay "pamumusong sa Banal na Espiritu."

Ang "pamumusong" kung gayon ay ang pag-akusa kay Hesu Kristo (sa Kanyang persona dito sa lupa) na sinasapian ng demonyo. May dalawang paraan para mamusong sa Banal na Espiritu (gaya ng pagsisinungaling sa Kanya katulad ng ginawa ni Ananias at Safira sa Gawa 5:1-10), ngunit ang pag-akusa kay Hesus na sinasapian siya ng demonyo ang kasalanang walang kapatawaran o ang "pamumusong sa Espiritu). Dahil dito, ang pamumusong laban sa Banal na Espiritu ay hindi na maaaring gawin ng sinuman ngayon.

Ang nag-iisang kasalanan na walang kapatawaran sa panahon ngayon ay ang patuloy na hindi pagsampalataya. Wala ng kapatawaran sa isang tao na namatay ng walang pananampalataya. Sinasabi sa atin ng Juan 3:16, "Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan, kaya ibinigay niya ang kanyang bugtong na Anak, upang ang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan." Ang tanging kundisyon upang ang isang tao ay hindi magtamo ng kapatawaran ay kung hindi siya kasama sa "sinuman" na nananampalataya kay Hesus. Sinabi ni Hesus, "Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko" (Juan 14:6). Ang tanggihan ang nagiisang daan sa kaligtasan ay ang pagkondena sa sarili sa isang walang hanggang kaparusahan sa impiyerno dahil tinanggihan niya ang nagiisang pantubos at dahil doon, hindi siya mapapatawad ng Diyos.

Maraming mga tao ang natatakot na baka nakagawa sila ng kasalanan na hindi kayang patawarin o hindi mapapatawad ng Diyos at dahil doon nararamdaman nila na tila wala ng pag-asa para sa kanila kahit ano pa ang kanilang gawin. Walang ninanais si Satanas kundi ang papaniwalain tayo sa kasinungalingang ito. Ang totoo, kung ang isang tao ay nagtataglay ng ganitong uri ng takot, kailangan niyang magpakumbaba sa Diyos, ipahayag ang kanyang mga kasalanan, pagsisihan ang mga iyon at tanggapin ang ipinangakong kapatawaran ng Diyos. "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maaasahan nating ipatatawad sa atin ng Diyos ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid" ( 1 Juan 1:9). Tinitiyak sa atin ng talatang ito na handa ang Diyos magpatawad ng anumang uri ng kasalanan - gaano man iyong kalaki - kung lalapit tayo sa Kanya ng may pagsisisi. Kung nagdurusa ka dahil sa iyong nadaramang mabigat na kasalanan ngayon, naghihintay ang Diyos at bukas ang Kanyang mga palad sa pag-ibig at kahabagan para sa iyo. Hindi Niya tatanggihan o bibiguing patawarin ang lahat ng lalapit sa Kanya at buong pusong nagsisisi.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kasalanang walang kapatawaran/pamumusong sa Banal na Espiritu?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries