settings icon
share icon
Tanong

Kasalanan ba ang panunungayaw / pagmumura / pagsumpa?

Sagot


Tunay na kasalanan ang pagmumura, pagsumpa at panunungayaw. Malinaw na itinuturo ng Bibliya na ito ay kasalanan. Sinasabi sa atin sa Efeso 4:29, "Anomang salitang mahalay ay huwag lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuting ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang makinabang ng biyaya ang mga nagsisipakinig." Idineklara sa 1 Pedro 3:10, "Sapagka't, ang magnais umibig sa buhay, at makakita ng mabubuting araw, ay magpigil ng kaniyang dila sa masama, at ang kaniyang mga labi ay huwag magsalita ng daya." Binuod sa Santiago 3:9-12 ang isyung ito: "Siyang ating ipinagpupuri sa Panginoon at Ama; at siyang ating ipinanglalait sa mga taong ginawang ayon sa larawan ng Dios: Sa bibig din lumalabas ang pagpuri't paglait. Mga kapatid ko, ang mga bagay na ito ay hindi nararapat magkagayon. Ang bukal baga'y sa isa lamang siwang ay binubukalan ng matamis at mapait? Maaari baga, mga kapatid ko, na ang puno ng igos ay magbunga ng aseitunas, o ng mga igos ang puno ng ubas? hindi rin naman babalungan ng matamis ang maalat na tubig."

Ginawang maliwanag ni Santiago na ang mga Kristiyano — ang tinutukoy niyang mga "kapatid" sa kanyang sulat — ay hindi dapat na maringgan ng masasamang pananalita. Sa pamamagitan ng paggamit sa tubig-dagat at tubig-tabang na parehong nanggagaling sa iisang bukal (na hindi maaaring mangyari) bilang ilustrasyon, itinuro niya na hindi maaaring mangyari sa isang Kristiyano na panggalingan ang kanyang bibig ng parehong pagpupuri at pagmumura / panunungayaw. Hindi tayo maaaring magpuri sa Diyos habang minumura ang ating mga kapatid.

Ipinaliwanag ni Hesus na kung ano ang lumalabas sa ating bibig, iyon ang pumupuno sa ating mga puso. Sa malao't madali, ang kasamaan sa ating puso ay tiyak na lalabas sa ating bibig sa pamamagitan ng pagmumura o pagsasabi ng masasamang pananalita. Ngunit kung ang ating puso ay puno ng kabutihan ng Diyos, lalabas sa ating bibig ang pagpupuri sa Kanya at pag-ibig sa ating kapwa. Laging indikasyon ng nilalaman ng ating mga puso ang ating mga pananalita. "Ang mabuting tao ay kumukuha ng kagalingan sa mabubuting kayamanan ng kaniyang puso; at ang masamang tao'y kumukuha ng kasamaan sa masamang kayamanan: sapagka't sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kaniyang bibig" (Lukas 6:45).

Bakit kasalanan ang panunungayaw / pagsumpa / pagmumura? Ang kasalanan ay kundisyon ng puso, isip at ng "panloob na pagkatao" (Roma 7:22), na nahahayag sa ating pagiisip, gawa at pananalita. Sa tuwing nagmumura at nanunungayaw tayo, nakikita sa atin ang ebidensya ng polusyon ng kasalanan sa ating mga puso na dapat nating ipahayag at pagsisihan. Nang ilagak natin ang ating pananampalataya kay Kristo, tumanggap tayo sa Diyos ng bagong kalikasan (2 Corinto 5:17), nabago ang ating mga puso, at ang nasasalamin sa ating mga pananalita ay ang bagong kalikasan na nilikha sa atin ng Diyos (Roma 12:1–2). Salamat sa Panginoon na sa tuwing bumabagsak tayo, ang ating dakilang Diyos ay "...tapat at banal at tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan" (1 Juan 1:9).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Kasalanan ba ang panunungayaw / pagmumura / pagsumpa?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries