Tanong
Kasalanan ba na ibahagi, i-download, o gayahin ang isang materyal na copyrighted (musika, pelikula, o software) sa internet (file sharing)?
Sagot
Napakadali na sa panahong ito ang mag-download ng anumang materyales. Sa isang klik lamang ng mouse — o pindot ng isang button sa photocopier o scanner — maaari na tayong magkaroon ng kopya ng akda ng isang tao at ipamahagi ito sa elektronikong pamamaraan o pagimprenta. Ang pangongopya at pamamahagi ng akda ng iba ay napakapangkaraniwan, ngunit, maliban na bigyan tayo ng pahintulot upang gawin ito, ang pangongopya at pamamahagi ng akda ng iba ay hindi tama at hindi naaayon sa batas.
Sinasabi ng Bibliya na dapat tayong sumunod sa mga batas ng pamahalaan ng isang bansa kung saan tayo naninirahan (Roma 13:1–7). Ito ang isa sa mga pangunahing isyung nakataya sa usaping ito. Inuutusan tayo ng Diyos na sumunod sa mga pinuno ng pamahalaan. Ang tanging pagkakataon na maaari tayong sumuway sa mga namiminuno ay kung uutusan nila tayo na sumuway sa anumang utos ng Diyos (Gawa 5:29). Dahil sa mga batas patungkol sa copyright, ilegal ayon sa batas ang pagda-download, pangongopya, o pamamahagi ng anumang intelektwal na materyal ng walang pahintulot mula sa manunulat/may akda/artista/tagapaglathala. Dahil inuutusan tayo ng Diyos na sumunod sa mga batas, ang pamimirata ng mga pelikula o babasahin sa internet ay isang kasalanan at itinuturing na ilegal. Noong mga taong 2000, binuksan ng Napster ang pintuan para sa isyung ito ng copyright sa internet at nagresulta ito sa pagharap nila sa maraming kasong legal at sa huli ay ang pagsasara ng website at pagkalugi ng mga may ari nito. Bagama't malinaw ang mga kaparusahan para sa pamimirata sa internet, mayroon pa ring hindi mabilang na mga websites na nangongopya at namahahagi ng mga copyrigthed materials. Dahilan sa panganib ng paghahabla, marami sa mga websites na ito ang humihingi ng bayad para sa pagdownload ng musika at pelikula at nagbibigay ng hangganan sa kakayahan na ibahagi sa iba ang mga materyales na nai-download mula sa kanilang websites.
Ngunit ang isyu ng pangongopya at pamamahagi ng mga copyrighted materials ay higit pa sa usaping legal. Mayroon din itong etikal at moral na kunsiderasyon. Ang pagkuha ng pagaari ng ibang tao ay pagnanakaw—at ang pagaaring intelektwal ay pagaari pa rin. Ang manunulat ng isang awitin na nagtrabaho upang makalikha ng isang likhang sining ay kumikita ng pera, dahil "nararapat sa bayad ang isang manggagawa" (Lukas 10:7). Kung ang isang kanta ay kinopya at ibinigay sa ibang tao, iyon ay kabawasan sa benta na maaaring kitain ng lumikha ng awit. Anumang maliit na porsyento ay kabawasan sa kikitaing royalty ng gumawa ng musika. Ang parehong prinsipyong ito ay totoo rin sa pamimirata ng pelikula, pangongopya ng script, pamamahagi ng isang curriculum sa paaralang lingguhan at pag-download ng isang software.
Hindi dapat na naisin ng mga Kristiyano ang pagnanakaw ng pagaari ng iba — ngunit ito ang nangyayari sa tuwing nagda- download tayo ng isang awit ng hindi humihingi ng pahintulot sa tagapaglathala. Ang isang ministeryong Kristiyano ay hindi dapat na magnais na pwersahin ang sinuman na magtrabaho para sa kanila ng libre — ngunit ito ang sitwasyon kung ipapa-zerox ng isang simbahan ang isang script o isang papel ng musika ng walang pahintulot. Dahil sa aspetong legal at etikal, dapat nating sundin ang mga batas tungkol sa copyright at magbayad para sa mga lumikha ng software, aklat, musika o anumang likhang sining na ating ginagamit at pinapakinabangan.
English
Kasalanan ba na ibahagi, i-download, o gayahin ang isang materyal na copyrighted (musika, pelikula, o software) sa internet (file sharing)?