settings icon
share icon
Tanong

Pinarurusahan ba ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang?

Sagot


Hindi pinarurusahan ng Diyos ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang o pinarurusahan ang mga magulang dahil sa kasalanan ng mga anak. Ang bawat isa sa atin ay responsable sa ating sariling mga kasalanan. Sinasabi sa atin ng Ezekiel 18:20, "Ang nagkasala ang dapat mamatay. Ang anak ay di dapat magdusa dahil sa kasalanan ng ama, at ang ama ay di dapat magdusa dahil sa kasamaan ng anak. Ang matuwid ay mabubuhay dahil sa kanyang pagiging matuwid at ang masama ay mamamatay sa kanyang kasamaan." Ang talatang ito ay malinaw na nagtuturo na ang kaparusahan para sa kasalanan ng isang tao ay para lamang sa kanya at hindi sa ibang tao.

May isang talata na nagtulak sa iba upang maniwala na itinuturo diumano ng Bibliya ang parusa sa kasalanan para sa isang buong henerasyon, ngunit mali ang kanilang interpretasyon. Ang talatang ito ay ang Exodo 20:5, patungkol sa poot ng Diyos sa pagsamba sa diyus diyusan, "Huwag kayong yuyukod o maglilingkod sa alinman sa mga diyus-diyusang iyan sapagkat akong si Yahweh ay mapanibughuin. Parurusahan ko ang lahat ng aayaw sa akin pati ang kanilang mga anak hanggang sa ikaapat na salinlahi." Ang talatang ito ay hindi nagtuturo tungkol sa kaparusahan kundi sa konsekwensya ng pagsamba sa diyus diyusan. Itinuturo nito na ang masamang konsekwensya ng pagsamba sa diyus diyusan ng isang tao ay maaaring maranasan ng mga susunod na henerasyon. Ipinauunawa ng Diyos sa mga Israelita na mararanasan ng kanilang mga anak ang epekto ng kasalanan ng kanilang mga magulang sa mga susunod na henerasyon bilang normal na konsekwensya ng kanilang pagsuway at pagkapoot sa Diyos. Ang mga bata na pinalaki sa ganitong uri ng kultura at kapaligiran ay sasamba din sa diyus diyusan at babagsak din sa parehong uri ng pagsuway at pagkapoot sa Diyos. Ang epekto ng pagsuway ng isang henerasyon ay ang pagtatanim ng napakalalim na kasamaan sa susunod pang mga henerasyon na napakahirap itama at ituwid. Hindi tayo papapanagutin ng Diyos para sa kasalanan ng ating mga magulang ngunit minsan nagdurusa tayo dahil sa resulta ng mga kasalanang nagawa ng ating mga magulang, gaya ng inilalarawan ng Exodo 20:5.

Gaya ng ipinakikita ng Ezekiel 18:20, ang bawat isa sa atin ay responsable para sa ating sariling mga kasalanan at nararapat na tayo lamang ang tumanggap ng kaparusahan para sa mga kasalanang iyon. Hindi natin maaaring ibahagi o ipasa ang ating kasalanan sa iba o ang iba ang maging responsable para sa ating mga kasalanan. Gayunman, may isang eksepsyon sa batas na ito at ito ay mailalapat sa lahat ng tao. May isang tao na dinala ang kasalanan ng iba at binayaran ang kaparusahan na nararapat para sa kanilang mga kasalanan upang sila'y maging makatuwiran at malinis sa paningin ng Diyos. Ang taong iyon ay si Hesu Kristo. Sinugo ng Diyos ang Kanyang bugtong na Anak sa mundo upang ipagpalit ang kanyang perpektong kabanalan para sa ating mga kasalanan. "Hindi nagkasala si Cristo, ngunit dahil sa atin, siya'y ibinilang na makasalanan upang makipag-isa tayo sa kanya at mapabanal sa harapan ng Diyos sa pamamagitan niya" (2 Corinto 5:21). Inalis ni Hesus ang kaparusahan para sa mga kasalanan ng mga taong lalapit sa Kanya sa pamamgitan ng pananampalataya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Pinarurusahan ba ang mga anak dahil sa kasalanan ng kanilang magulang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries