Tanong
Ang lahat ba ng kasalanan ay pantay lang sa paningin ng Dios?
Sagot
Sa Mateo 5: 21-28, sinabi ni Hesus na ang pagnanasa pa lamang sa puso ng isang tao sa kanyang kapwa ay katumbas na ng pakikiapid at ang pagkapoot sa kanyang kapwa ay katumbas na rin ng pagpatay. Ngunit, hindi ito nangangahulugan na ang mga kasalanang ito ay magkakapantay. Ang nais lamang na ipaunawa ni Hesus sa mga Pariseo ay kasalanan din ang isang bagay kahit hindi pa ito aktwal na ginagawa . Ang mga pinuno ng relihiyon noong panahon ni Hesus ay nagtuturo na maaring mag-isip ng anumang nais gawin ang isang tao ngunit hindi pa iyon kasalanan hanga't hindi iyon aktwal na isinasagawa. Ipinapaunawa ni Hesus sa kanila na kahit ang masamang pagiisip ng tao ay hinahatulan na ng Diyos hindi lamang ang kanyang masamang gawa. Ipinahayag ni Hesus na ang ating mga gawa ay resulta lamang ng kung ano ang nasa ng ating puso (Mateo 12:34).
Bagamat binanggit ni Hesus na ang pagkapoot at aktwal na pagpatay ay kapwa kasalanan, hindi ito nangangahulugang sila ay magkapantay. Higit na mas masama ang aktwal na pagpatay kaysa sa pagkapoot sa isang tao kahit ang mga ito ay parehong kasalanan sa mata ng Dios. May mga antas ang kasalanan. May mga kasalanang mas malala kaysa iba. Gayon pa man, lahat ng kasalanan ay magkakapantay sa paningin ng Diyos. Lahat ng kasalanan ay hahatulan sa paghuhukom (Roma 6:23). Ang lahat ng kasalanan, gaano man ‘kaliit’ ay laban sa banal at makatarungang Dios, kaya nararapat lamang ang walang hanggang kaparusahan. Sa isang banda, walang kasalanang napakalaki na hindi kayang patawarin ng Dios. Namatay si Hesus upang bayaran ang kaparusahan ng kasalanan (1 Juan 2:2). Namatay si Hesus para sa lahat nating kasalanan (2 Corinto 5:21). Ang lahat ba ng kasalanan ay magkakapantay sa Dios? Oo at hindi. Sa bigat? Hindi. Sa kaparusahan? Oo. Sa kapatawaran? Oo
English
Ang lahat ba ng kasalanan ay pantay lang sa paningin ng Dios?