Tanong
Bakit ang bawat kasalanan sa huli ay kasalanan laban sa Diyos?
Sagot
Ang kasalanan ay kadalasang nakakapinsala sa ibang tao, ngunit, sa huli, lahat ng kasalanan ay laban sa Diyos. Ang Bibliya ay naglalaman ng maraming pagtukoy sa pag-amin ng mga tao, “Ako ay nagkasala laban sa Diyos” (Exodo 10:16; Josue 7:20; Hukom 10:10). Ang Genesis 39:9 ay nagbibigay sa atin ng mas malapitang pagtingin dito. Si Jose ay tinukso na mangalunya ng asawa ni Potifar. Sa pagtanggi sa kanya, sinabi niya, “ipinamahala niya sa akin ang lahat sa bahay na ito, maliban sa inyo na kanyang asawa. Hindi ko po magagawa ang ganyan kalaking kataksilan at pagkakasala sa Diyos.” Kapansin-pansin na hindi sinabi ni Jose na ang kanyang kasalanan ay laban kay Potifar. Hindi ito nangangahulugan na si Potifar ay hindi maaapektuhan. Ngunit ang higit na katapatan ni Jose ay sa Diyos at sa Kanyang mga utos. Ang Diyos ang ayaw niyang masaktan.
Ganito rin ang sinabi ni David pagkatapos niyang magkasala kasama si Bathsheba (2 Samuel 11). Nang harapin ang kanyang kasalanan, nagsisi si David at nagdanas ng matinding kalungkutan, at sinabi sa Diyos, “Laban sa Iyo at sa Iyo lamang ako nagkasala” (Awit 51:4). Malinaw na nagkasala rin siya kay Bathsheba at sa asawa nito, ngunit ang paglabag sa utos ng Diyos ang labis na ikinalungkot ni David. Kinamumuhian ng Diyos ang kasalanan dahil ito ay kabaligtaran ng Kanyang kalikasan at dahil ito ay nakakapinsala sa atin o sa ibang tao. Sa pagkakasala sa Diyos, sinaktan rin ni David ang ibang tao.
Kapag ang isang tao ay gumawa ng isang krimen, ang taong nasaktan ng krimen ay hindi ang nagpaparusa sa kriminal. Ang batas ang humahatol sa isang taong nagkasala o inosente, hindi ang biktima. Ito ay ang batas na nilabag. Anuman ang pagiging karapat-dapat o kawalang-kasalanan ng biktima, lahat ng mga krimen ay ganap na nagawa laban sa itinatag na batas. Kung ninakawan mo ang bahay ng iyong kapitbahay, talagang nagkasala ka sa iyong kapwa, ngunit hindi siya ang magpapanagot sa iyo. Ito ay ang mas mataas na batas na iyong nilabag. Ang pamahalaan ay may pananagutan na hatulan ka at parusahan; ang iyong kapwa, bagama't naapektuhan ng iyong krimen ay nakapailalim sa gobyerno.
Sa parehong paraan, ang lahat ng moral na batas ay nagsimula sa Diyos. Dahil tayo ay nilikha ayon sa larawan ng Diyos, mayroon tayo ng Kanyang moral na batas na nakasulat sa ating mga puso (Genesis 1:27). Nang kumain sina Adan at Eva ng bunga ng ipinagbabawal na puno sa Halamanan ng Eden, sinabi ng Diyos, “Katulad na natin ngayon ang tao, sapagkat alam na niya ang mabuti at masama” (Genesis 3:22). Sa panahong iyon, walang nakasulat na batas ang ibinigay. Ngunit malinaw na ipinaalam ng Diyos ang Kanyang kalooban kina Adan at Eva, at alam nila na sila ay nagkasala at nagtago mula sa Diyos (Genesis 3:10). Ang kanilang kahihiyan pagkatapos ng kasalanan ay madaling maunawaan.
Alam din natin kung tayo ay nagkakasala. Ang kasalanan ay pagbaluktot sa perpektong disenyo ng Diyos. Lahat tayo ay nagtataglay ng mismong wangis ng Diyos, at kapag tayo ay nagkasala, sinisira natin ang wangis na iyon. Tayo ay nilikha upang maging mga salamin ng kaluwalhatian ng Diyos (Efeso 2:10; 4:24; Hebreo 2:7). Ang kasalanan ay isang malaking dumi sa salamin, at binabawasan nito ang kagandahan at kabanalan na idinisenyo upang ipakita sa atin. Kapag tayo ay nagkasala, lumalabas tayo sa layunin kung para saan tayo nilikha, sa gayon ay lumalabag tayo sa moral na batas ng Diyos at tayo ay mananagot sa Kanya dahil sa ating pagsuway. Sinasabi sa Roma 3:23, “Ang lahat ay nagkasala at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos.” Ang kasalanan ay anumang gawa na hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. Kaya, nakakasama man ito sa atin o sa ibang tao, ang bawat kasalanan sa huli ay laban sa isang banal na Diyos.
English
Bakit ang bawat kasalanan sa huli ay kasalanan laban sa Diyos?