Tanong
Kung binayaran na ni Hesus ang ating mga kasalanan, bakit kailangan pa nating pagdusahan ang konsekwensya ng ating mga kasalanan?
Sagot
Sinasabi sa Kasulatan, “Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang libreng kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon” (Roma 6:23). Binayaran na ni Hesus ang kabayaran ng ating mga kasalanan. Nararapat tayong mamatay, na siyang pinaka-ultimong kabayaran ng ating mga kasalanan. Pagbabayaran ng lahat ng tao ang kanyang mga kasalanan malibang lumapit siya kay Hesu Kristo na Siyang tumubos sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang dugo. Pinagdusahan ni Adan at Eva ang konsekwensya ng kanilang kasalanan ng palayasin sila ng Diyos mula sa Hardin ng Eden. Sa halip na “konsekwensya,” ituring natin ito na “pagdidisiplina.” Ipinaliwanag ng manunulat ng Hebreo kung ano ang disiplina at ang layunin nito: “At inyong nilimot ang iniaral na ipinakikipagtalo sa inyong tulad sa mga anak, Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, O manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, At hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak. Na dahil sa ito'y parusa kayo'y nagtitiis; inaari kayo ng Dios na tulad sa mga anak; sapagka't alin ngang anak ang hindi pinarurusahan ng kaniyang ama?”
“Datapuwa't kung kayo'y hindi pinarurusahan, na pawang naranasan ng lahat, kung gayo'y mga anak sa ligaw kayo, at hindi tunay na anak. Bukod dito, tayo'y nangagkaroon ng mga ama ng ating laman upang tayo'y parusahan, at sila'y ating iginagalang: hindi baga lalong tayo'y pasasakop sa Ama ng mga espiritu, at tayo'y mabubuhay? Sapagka't katotohanang tayo'y pinarusahan nilang ilang araw ayon sa kanilang minagaling; nguni't siya'y sa kapakinabangan natin, upang tayo'y makabahagi ng kaniyang kabanalan. Lahat ng parusa sa ngayon ay tila man din hindi ikaliligaya kundi ikalulungkot; gayon ma'y pagkatapos ay namumunga ng bungang mapayapa ng katuwiran sa mga nagsipagsanay sa pamamagitan nito” (Hebreo 12:5-11).
Ipinakikita ng Diyos ang Kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng pagtutuwid o pagpaparusa bilang disiplina sa atin upang dalhin tayo sa lugar na ninanais Niya para sa aitn. Ano ang ginagawa ng isang mabuting Ama kung nakikita Niya na naliligaw ng landas ang kanyang anak? Ibinabalik Niya ang kanyang anak sa tamang landas sa pamamagitan ng pagdidisiplina. Maaaring dumating ang pagdidisiplina sa iba’t ibang anyo depende sa bigat ng pagkakasala. Kung ang isang anak ay hindi dinidisiplina o hindi nararanasan ang konsekwensya ng kanyang mga maling ginagawa, hindi niya malalaman kung ano ang tama at mali.
Kaya nga dahil sa pag-ibig ng Diyos, dinidisiplina Niya ang itinuturing Niyang anak. Kung hindi mo nararanasan ang konsekwensya ng iyong kasalanan. Paano mo malalaman kung ang iyong ginagawa ay tama o mali? Sinabi ng Mangaawit, “Wala bang kaalaman ang mga manggagawa ng kasamaan? na siyang kumakain ng aking bayan na tila kumakain ng tinapay, at hindi nagsisitawag sa Dios” (Awit 53:4). Tingnan din ang Awit 10:11, “Sinasabi niya sa kaniyang puso: ang Dios ay nakalimot: kaniyang ikinukubli ang kaniyang mukha, hindi na niya makikita kailan man!” Kung hindi ipararanas ng Diyos ang konsekwensya ng kasalanan, hindi tayo matututo sa ating mga pagkakamali at hindi tayo magbabago. Ang Kanya lamang itinuturing na anak ang dinidisiplina ng Diyos at ginagawa Niya ito dahil sa Kanyang pag-ibig, hindi upang saktan lamang o ibagsak sila. Ito ang paraan ng Diyos sa pagsasabi, “Aking anak, naliligaw ka na ng landas at panahon na upang bumalik ka at gawin ang tama.” Kung hindi tayo itinatama ng Diyos sa tuwing tayo’y nagkakamali, tiyak na magpapatuloy tayo sa paggawa ng kasamaan.
Tinubos na tayo ng Diyos mula sa kaparusahan ng ating mga kasalanan kaya’t hindi na tayo magdurusa pa ng ikalawang kamatayan sa impiyerno (Pahayag 20:14). Dahil sa Kanyang pag-ibig sa atin, dinidisiplina NIya tayo at ibinabalik sa ating dating relasyon sa Kanya. Kaya sa susunod na maramdaman mo ang konsekwensya ng iyong mga kasalanan, tandaan mo na dinidisplina ka ng Diyos dahil sa Kanyang pag-ibig.
Panghuli, ang pagsuway sa mga utos ng Diyos ay kadalasang nagreresulta sa mga panandaliang konsekwensya na hindi dahil sa pagdidisiplina ng Diyos. Halimbawa, ang isang mamamatay tao na lumapit kay Kristo at nagsisi sa lahat ng kanyang mga kasalanan ay makakatanggap ng kapatawaran sa kanyang mga kasalanan at mararanasan ang pakikisama ng Diyos sa langit sa walang hanggan. Gayunman, hihingin pa rin ng sosyedad kung saan siya nakikipamayan ang kabayaran para sa kasalanang kanyang ginawa. Maaaring hindi siya makukulong ng habang buhay o mapaparusahan ng kamatayan para sa Kanyang ginawang krimen. Ngunit, maging sa mga ganitong sitwasyon, maaari siyang magamit ng Diyos habang naghihintay siya ng ganap na kaligtasan at walang hanggang kagalakan sa piling ng Diyos.
English
Kung binayaran na ni Hesus ang ating mga kasalanan, bakit kailangan pa nating pagdusahan ang konsekwensya ng ating mga kasalanan?