Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggamit ng bawal na gamot / droga?
Sagot
Hindi direktang tinalakay sa Bibliya ang anumang uri ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Walang malinaw na pagbabawal sa Bibliya tungkol sa paggamit ng cocaine, heroin, ecstasy, o shabu. Wala ring banggit tungkol sa marijuana, cannabis, peyote, magic mushrooms, o acid (LSD). Wala ring sinabi tungkol sa pagsinghot, paninigarilyo, pagdila, pagturok, paginom o anumang paraan ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot. Gayunman, hindi ito nangangahulugan na pinapayagan ng Bibliya ang paggamit ng droga para magbigay kaaliwan. Sa kabaliktaran, may ilang malinaw na prinsipyo sa Bibliya na nagpapahiwatig na hindi katanggap-tanggap na gawain ang paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Una, ang mga Kristiyano ay nasa ilalim ng pangkalahatang utos na igalang at sundin ang mga batas sa lupa (Mangangaral 8:2-5; Mateo 22:21; 23:2-3; Roma 13:1-7; Tito 3:1; 1 Pedro 2:13-17). Ang TANGING pagkakataon na pinapayagan tayo na sumuway sa mga batas sa lupa ay kung ang isang batas ay sumasalungat sa malinaw na ipinaguutos ng Diyos (Daniel 3 at 6; Gawa 5:29). Walang pagtatangi sa alituntuning ito. Salungat sa popular na paniniwala, ang simpleng pagtutol sa isang batas ay hindi lisensya para sa pagsuway sa batas na iyon.
Marami ang ikinakatwiran na hindi dapat kasama ang marijuana sa mga ipinagbabawal na gamot. Pinaninindigan nila na maaaring gumamit ng marijuana kahit na labag ito sa batas dahil hindi naman ito gamot (ayon sa kanilang pananaw) at dahilan na rin nila ay ang tila pagkiling ng batas laban sa marijuana habang pinapayagan naman ang paginom ng alak at paninigarilyo. Maaaring tapat sa kanilang kumbiksyon ang may ganitong pananaw, ngunit hindi ito nangangahulugan na ito ay tama. Binigyang linaw ng Panginoong Hesu Kristo ang isyung ito. Habang sinasaway ang mga Pariseo sa paggamit ng mga ito sa kautusan ni Moises hanggang sa punto na maging mabigat itong pamatok para sa mga tao, itinuro pa rin Niya sa mga alagad na magpasakop sa kanilang mga hindi patas at mararahas na batas at alituntunin (Mateo 23:1-36, lalo na ang talata 1-4). Ang pagpapasakop sa awtoridad at ang matiyagang pagtitis sa mga paghihirap at nakikitang paboritismo (1 Pedro 2:18-23) ay ang mataas na pamantayan ng Diyos para sa atin kahit na nangangahulugan ito ng pagiwas sa marijuana bilang pagsunod sa hindi patas na batas.
Hindi lamang dapat na magpasakop tayo sa mga pinuno ng pamahalaan dahil kinakailangan. Tayo rin naman na mga isinilang na muli ay dapat na mabuhay ng walang kapintasan sa harap ng mga tao para sa kapakanan ng Ebanghelyo (1 Corinto 10:32; 2 Corinto 4:2; 6:3; Tito 2:1-8; 2 Pedro 3:14). Hindi na kailangang sabihin pa na ang pagsuway sa batas ay isang batayan ng mga tao sa pagpula sa mga Kristiyano.
Ang unang prinsipyo ay walang epekto sa mga gumagamit ng mga gamot na nakatira sa mga bansang gaya ng Netherlands kung saan hindi bawal ang paggamit ng mga gamot na pang aliw sa sarili. Gayunman, may prinsipyo ang Bibliya na para sa lahat ng tao. Halimbawa, hinihingi ng Panginoon para sa mga Kristiyano na maging mabubuting katiwala ng mga bagay na ipinagkaloob sa kanila ng Diyos, anuman ang kanilang lahi (Mateo 25:14-30). Kasama dito ang ating mga pisikal na katawan, Sa kasamaang palad, ang pagabuso sa paggamit ng mga gamot ay epektibong sumisira sa kalusugan hindi lamang sa pisikal kundi maging sa mental at emosyonal.
Habang ang marijuana ang may pinakakaunting epekto sa ikasisira ng katawan kaysa sa ibang ipinagbabawal na gamot, maaari ding ikamatay ang paggamit nito. Iniisip ng mga gumagamit ng marijuana na hindi gaya ng karamihan sa bawal na gamot, tila imposbile na ikamatay ng sinuman ang paggamit ng marijuana sa pamamagitan ng normal na paggamit (paghithit nito). Ngunit hindi nito inaalis ang potensyal ng panganib na maging sanhi ito ng kamatayan gaya ng pagiging dahilan ng kanser sa baga, emphysema, at iba pang uri ng malalang sakit sa daanan ng hangin (chronic obstructive pulmonary disease (COPD) na bunga ng paghithit ng usok ng marijuana. Habang maaaring inumin ang marijuan sa halip na hithitin, na maaaring magalis ng mga nabanggit na panganib, mayroon pa ring negatibong konsekwensya sa pisikal at saykolohikal, kabilang ang pagkasira ng reproductive system, immune system, at kakayahang magisip.
Bukod pa sa pagiging mabuting katiwala, bilang mga Kristiyano, hindi na sa atin ang ating mga katawan. "Binili tayo sa halaga" (1 Corinto 6:19-20), "hindi ng mga bagay na nangasisira, ng pilak o ginto….Kundi ng mahalagang dugo, gaya ng sa korderong walang kapintasan at walang dungis, sa makatuwid baga'y ang dugo ni Cristo" (1 Pedro 1:17-19). Dahil binili na tayo ni Kristo sa pamamagitan ng pagbibigay ng Kanyang sariling buhay, nasisiyahan Siya na gawin tayong isang bagong nilalang sa isang paraan na hindi pangkaraniwan. Sa pamamagitan ng nananahang Banal na Espiritu, ginawa Niyang tulad sa organic ang ating mga katawan. Kaya ngayon, ang pangangalaga sa ating kalusugan ay hindi lamang dahilan sa ating pagiging mabuting katiwala. Ito ay dahil sa ating paggalang at pasasalamat sa Kanya. Ito ay kahanga-hanga at nakakatakot.
Ang isa pang Biblikal na prinsipyo ay patungkol sa ating pagiging mahina sa ma pandaraya. Bilang mga nagkakamaling nilalang, lagi tayong nasa panganib ng delusyon. At dahil tayo ang pinaguukulan ng pag-ibig ng Diyos, ang Kanyang kaaway ay atin ding kaaway. Kabilang dito ang Diyablo, ang ating kaaway, ang ama ng kasinungalingan (Juan 8:44), ang ating pinakamalakas at pinakadeterminadong kaaway. Ang layunin ng lahat ng katuruan ng mga apostol tungkol sa pagiging alerto at maliwanag ang isipan (1 Corinto 15:34; 1 Tesalonica 5:4-8; 2 Timoteo 4:5; 1 Pedro 1:13; 4:7; 5:8) ay paalala sa atin na dapat tayong maging mapagbantay laban sa mga gawa ng Diyablo (1 Pedro 5:8), na nagnanais na bitagin tayo sa pamamagitan ng kanyang panlilinlang. Ang pagiging alerto at gising ay mahalaga din sa pananalangin (1 Pedro 4:7), gaya ng pagsunod sa Diyos (Isaias 1:10-17).
Tungkol sa pagkagumon sa bawal na gamot, hindi lahat ng bawal na gamot ay nakakaadik. Gayun pa man, nakakaadik sila sa saykolohikal (sa isip). Habang mas nakararaming tao ang pamilyar sa pisikal na adiksyon, kung saan nagiging depende ang pisikal na katawan sa isang gamot upang makakilos ng maayos, ang adiksyon sa isip o saykolohikal ay hindi gaanong namamalayan. Ang adiksyon sa saykolohikal ay ang pagiging alipin ng isipan, na laging kinakikitaan ng obsesyon na magpatuloy at ng kawalan ng pagnanais na huminto. Habang ipinapailalim sa bisa ng gamot ang pisikal na katawan sa pisikal na adiksyon, sa saykolohikal na adiksyon naman, napapailalim sa gamot ang isip at kalooban. Ang mga adik sa saykolohikal ay nagsasabi ng ganito: "Maaari akong tumigil kung aking gugustuhin, ngunit ayaw ko lamang tumigil." Ang saloobing ito ang tumitiyak sa mahabang panahon ng paggamit ng gamot kung saan ang mga naalipin ng ganitong sistema ay lumalaban sa isang napakahalagang prinsipyo sa Bibliya. Ang katotohanan ay walang sinumang makapaglilingkod ng sabay sa dalawang panginoon (Mateo 6:24; Lukas 16:13). Ang panahon na ginugugol sa pagluhod sa diyos ng droga ay panahon na ginugugol papalayo sa Diyos ng Bibliya.
Sa pagbubuod, itinuturo sa atin ng Bibliya, "..upang, pagtanggi natin sa kalikuan at sa mga kahalayan ng sanglibutan, ay marapat mabuhay tayong may pagpipigil at matuwid at banal sa panahong kasalukuyan ng sanglibutang ito" (Tito 2:12).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa paggamit ng bawal na gamot / droga?