Tanong
Kasalanan ba ang maging mayaman?
Sagot
Maraming sinasabi ang Bibliya tungkol sa mahihirap at nilinaw na hindi natin dapat balewalain ang kanilang kalagayan (Kawikaan 22:22; Deuteronomio 15:7; Santiago 2:5–6). Nang ipadala ng Diyos ang Kanyang Anak sa mundo, hindi Niya Siya inilagay sa isang palasyo o mansyon. Si Jesus ay isinilang sa isang pamilyang mapagpakumbaba (Marcos 6:3; Juan 1:46). Ang Bibliya ay may mga halimbawa ng mayayamang tao na pinagpala ng Diyos, kasama sina Abraham (Genesis 13:2), Jacob (Genesis 30:43), at Solomon (1 Hari 10:23). Ngunit, sa napakaraming kaso, kapag binabanggit ng Kasulatan ang materyal na kayamanan, binabalaan tayo nito sa mga panganib ng pagkakaroon nito. Hindi kasalanan ang maging mayaman, ngunit ang kayamanan ay tiyak na nag-aanyaya ng tukso. Ang kasalanan ay hindi sa pagkakaroon ng kayamanan kundi sa ating mga saloobin tungkol sa kayamanan na iyon at sa mga paraan ng paggamit natin nito.
Sinasabi ng 1 Timoteo 6:9, “Ang mga nagnanasang yumaman ay nahuhulog sa tukso at nasisilo sa bitag ng masasama at mga hangal na hangarin na nagtutulak sa kanila sa kamatayan at kapahamakan.” Sinasabi ng talata 10, “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng kasamaan. Dahil sa paghahangad na yumaman, may mga taong nalalayo sa pananampalataya at nasasadlak sa maraming kapighatian.” Marami ang nagkamali sa talatang ito upang sabihin na ang pera ang ugat ng lahat ng kasamaan, ngunit iyon ay hindi tama. Sinasabi ng talata na ang pag-ibig sa pera ang siyang bumibitag sa atin. Ang ating mga diyus-diyosan ang nagpapakilala sa atin kung sino tayo. Kapag nakatuon tayo sa makalupang tagumpay, kayamanan, relasyon, o katanyagan, tayo ay nagiging mga sumasamba sa diyus-diyosan. Kapag ang ating mga layunin sa lupa ay naging pinakamahalagang bagay sa ating buhay, hindi rin natin mabibigyang lugod ang Panginoon (Roma 8:8).
Maaaring ipagkaloob ng Diyos ang makalupang kayamanan sa Kanyang mga anak na mamamahagi ng mga yamang iyon sa paraang gusto Niya. Ang mga mayamang Kristiyano na hindi itinuturing ang pera bilang isang idolo ay isang pagpapala sa marami. Nagsisimula sila ng mga pagkakawanggawa, nag-aambag sa pagtulong sa mga ulila at mga balo (Santiago 1:27), at pinananatiling matatag ang pananalapi ng kanilang mga lokal na simbahan (Malakias 3:10). Kung walang mayayamang Kristiyano, hindi makakapagmisyon o makakahayo ang mga misyonero.
Si Zaqueo ay isang taong mayaman, ngunit ang kanyang buhay ay mailalarawan na isang buhay ng kasakiman. Ngunit pagkatapos ay nakilala niya si Jesus at binago ng Panginoon ang kanyang buhay. Ang pagbabago ni Zaqueo ay nakaapekto sa bawat bahagi ng kanyang buhay, kasama na ang paraan ng paghawak niya ng pera: “Tingnan mo, Panginoon,” sabi niya, “ipamimigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng aking mga kayamanan. At kung ako'y may nadayang sinuman, isasauli ko ito sa kanya ng maka-apat na beses” (Lucas 19:8). Sa paghahanap ng kaligtasan kay Kristo, nakahanap din si Zaqueo ng bagong layunin para sa kanyang kayamanan. Hindi kasalanan para sa kanya ang maging mayaman, ngunit isang kasalanan para sa kanya ang patuloy na pandaraya sa mga tao o gamitin ang kanyang kayamanan para sa makasariling layunin. Ang Diyos ay nagbibigay ng kayamanan sa mga mayayaman para makinabang ang iba.
Nais ng Diyos na tamasahin natin ang lahat ng ibinigay Niya sa atin, hangga't hindi natin pinapayagan ang regalo na maging diyos. Dapat nating isaalang-alang ang lahat ng mayroon tayo bilang isang utang mula sa Panginoon at tanungin Siya kung paano Niya gustong gamitin natin ito (Awit 50:9–12). Kapag ang ating mga puso ay hindi hinihila ng pagnanais para sa kayamanan, mapapatunayan natin ang ating sarili na tapat na mga katiwala ng mga bagay na ipinagkatiwala sa atin ng Diyos.
English
Kasalanan ba ang maging mayaman?