Tanong
Ano ang isang karnal na Kristiyano?
Sagot
Ang isa bang totoong Kristiyano ay maaari pa ring maging karnal? Upang masagot ang katanungang ito, kailangan munang malaman ang ibig sabihin ng salitang ‘karnal.’ Ang salitang ‘karnal’ ay mula sa salitang Griyego na ‘sarkikos’ na literal na nangangahulugang ‘makalaman.’ Ang paglalarawang ito ay makikita sa konteksto ng mga Kristiyano sa 1 Corinto 3:1-3. Sa mga talatang ito, tinawag ni Pablo ang kanyang mga sinulatan bilang mga ‘kapatid,’ isang termino na halos eksklusibong ginagamit para sa mga Kristiyano; pagkatapos ay inilarawan sila na mga ‘karnal.’ Kaya masasabi natin na ang mga Kristiyano ay maaaring maging karnal. Malinaw ang sinasabi ng Bibliya na maaaring magkasala pa rin ang mga Kristiyano (1 Juan 1:8). Sa tuwing nagkakasala tayo, umaakto tayo na gaya sa mga taong karnal.
Ito ang susi sa pang-unawa sa mga talatang nabanggit: Habang ang isang Kristyano ay maaaring maging karnal sa ilang panahon ng kanyang buhay, ang isang tunay na Kristiyano ay hindi maaaring manatiling karnal habambuhay. May ilan na inaabuso ang ideya ng ‘karnal na Kristiyano’ at ipinapalagay na posible para sa isang tao na manampalataya kay Kristo at pagkatapos ay mamuhay bilang mga taong makalaman habampanahon na walang anumang ebidensya ng pagkasilang na muli o ng pagiging isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang ganitong konsepto ay hindi sinasang-ayunan ng Bibliya. Malinaw na sinasabi ni Santiago na ang tunay na mananampalataya ay laging magbubunga ng mabubuting gawa. Idineklara sa Efeso 2:8-10 na habang ang Kristiyano ay naligtas sa biyaya sa pamamagitan lamang ng pananampalataya, ang kaligtasan ay laging nagbubunga ng mabubuting gawa. Maaari bang ang isang Kristiyano, sa panahon ng kabiguan o pagkakasala ay maging tulad sa isang karnal? Oo. Maaari bang ang isang Kristiyano ay manatiling karnal o makalaman habang buhay? Hindi.
Dahil ang katiyakan ng kaligtasan ay isang katotohanan ng Kasulatan, kahit ang isang Kristiyanong nagkasala sa ilang panahon ng kanyang buhay ay nananatiling ligtas. Hindi nawawala ang kaligtasan dahil ang kaligtasan ay regalo ng Diyos na walang sinuman ang makapagaalis sa Kristiyano (tingnan ang Juan 10:28; Roma 8:37-39; 1 Juan 5:13). Sinasabi sa 1 Corinto 3:15, kahit na ang isang karnal na Kristiyano ay nakatitiyak pa rin ng kaligtasan: "Ngunit kung masunog, mawawalan siya ng gantimpala; gayunman, maliligtas siya, lamang ay parang nagdaan sa apoy." Ang tanong ay hindi nawala ba ang kaligtasan ng isang tao ba na nagaangkin na siya ay Kristiyano kung hindi ang tao ba na nagaangking siya ay Kristiyano ay tunay talagang naligtas mula sa umpisa (1 Juan 2:19).
Ang mga Kristiyanong nagiging karnal sa kanilang gawa at paguugali ay tiyak na didisiplinahin ng Diyos sa diwa ng pag-ibig (Hebreo 12:5-11) upang ibalik sila sa kanilang malapit na kaugnayan sa Kanya at upang turuan silang sumunod. Nang iligtas tayo ng Diyos, nais Niya na patuloy tayong lumago sa pagkakilala kay Hesu Kristo at maging kagaya Niya sa Kanyang kabanalan (Roma 12:1-2), at patuloy na lumago sa ating buhay espiritwal sa pamamagitan ng isang proseso na tinatawag na pagpapaging banal (sanctification). Hanggat hindi napapalaya ang ating espiritu sa ating mga makasalanang katawan, may mga pagkakataon na tayo ay magiging karnal. Ngunit para sa isang tunay na mananampalataya, ang pagiging karnal ay eksepsyon hindi isang batas.
English
Ano ang isang karnal na Kristiyano?