settings icon
share icon
Tanong

May kapangyarihan ba ang mga Kristiyano na magpalayas ng demonyo?

Sagot


May mga Kristiyano na hindi lamang naniniwala na may kapangyarihan sila na magpalayas ng demonyo kundi naniniwala rin na gawain ng Kristiyano na patuloy na magpalayas ng mga demonyo. Walang basehan mula sa Bibliya ang ganitong paniniwala. Si Satanas ay hindi gaya ng Diyos na nasa lahat ng dako sa lahat ng panahon. Maaari lamang siyang mapasa isang dako sa isang panahon at ang posibilidad na manggulo siya sa bawat Kristiyano ng sabay sabay ay hindi kapani-paniwala kahit na totoo na mayroon siyang lehiyon ng mga demonyo na sumusunod sa kanyang ipinaguutos na nakakalat sa iba’t ibang lugar upang sirain ang patotoo ng mga mananampalataya. Dapat na maunawaan na hindi na maaaring sapian pa ng demonyo ang mga Kristiyano gaya ng pagsapi niya sa mga tao sa panahon ng Bibliya.

Bilang mga Kristiyano, dapat na nalalaman natin ang katotohanan tungkol sa pagkakaroon ng Diyablo. Habang nagpupunyagi tayo na makatayo sa ating panananampalataya, dapat nating maunawaan na ang ating kaaway ay hindi lamang kathang isip ng tao, kundi mga tunay na pwersa ng hukbo ng kasamaan. Sinasabi sa atin ng Bibliya, “Sapagkat ang kalaban nati'y hindi mga tao, kundi mga pinuno, mga maykapangyarihan, at mga tagapamahala ng kadilimang namamayani sa sanlibutang ito---ang mga hukbong espirituwal ng kasamaan sa himpapawid” (Efeso 6:12).

Malinaw na pinahihintulutan ng Diyos si Satanas na magkaroon ng ilang antas ng kapangyarihan at impluwensya sa mundo, kahit sa pansumandaling panahon, ngunit lagi siyang nasa ilaim ng kapamahalaan at kapangyarihan ng Diyos. Sinasabi sa atin ng Bibliya na si Satanas ay gaya sa isang leong umaatungal na naghahanap ng masisila (1 Pedro 5:8). Si Satanas ang gumagawa sa puso ng mga taong sumusuway sa Diyos (Efeso 2:2). Ang sinumang sumasalungat sa kalooban ng Diyos ay nasa ilalim ng kontrol ng demonyo (Gawa 26:18; 2 Corinto 4:4). Ang mga taong isinilang na muli ay malaya na sa pangaalipin ni Satanas at ng kasalanan (Roma 6:6-7), bagama’t hindi ito nangangahulugan na hindi na tayo mahuhulog sa mga tukso na inilalagay ni Satanas sa ating harapan.

Hindi binigyan ng Diyos ang mga Kristiyano ng kapangyarihan na magpalayas ng demonyo sa halip pinahihintulutan Niya tayo na labanan ang Diyablo. Sinasabi sa Santiago 4:7, “Kaya nga, pasakop kayo sa Diyos. Labanan ninyo ang diyablo at lalayuan niya kayo.” Sinasabi sa Zacarias 3:2 na ang Diyos ang nagpapalayas kay Satanas. Kahit na si Arkanghel Miguel na isa sa pinakamakapangyarihan sa mga anghel ay hindi nagtangkang akusahan si Satanas, sa halip ay kanyang sinabi, “Parusahan ka ng Panginoon!” (Judas 1:9). Bilang tugon sa mga pagatake ni Satanas, ang isang Kristiyano ay dapat humingi ng tulong kay Hesu Kristo. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang pagpapalayas kay Satanas, dapat na ang ating pinagtutuunan ng pansin ay ang pagsunod kay Kristo (Hebreo 12:2) at magtiwala tayo na Kanyang gagapiin ang puwersa ng Diyablo.

Hindi kinakailangan para sa mga Kristiyano na palayasin si Satanas dahil binigyan tayo ng Diyos ng kumpletong baluti upang makatayong matatag laban sa kanyang kasamaan (tingnan ang Efeso 6:10-18). Ang pinakamabisang sandata laban sa Diyablo ay ang ating pananampalataya, karunungan at kaalaman tungkol sa Diyos at sa Kanyang salita. Noong tuksuhin ng Diyablo si Kristo, sinagot Niya ito sa pamamagitan ng pagbigkas sa ng mga talata sa Kasulatan (tingnan ang Mateo 4:1-11).Upang magtagumpay sa espiritwal na pakikibaka, dapat nating panatilihin ang malinis na konsensya at pag-aralang kontrolin ang ating isip. “Kung nabubuhay man ako bilang karaniwang tao, hindi ako nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng sanlibutan. Ang sandata ko'y may kapangyarihan ng Diyos at nakapagpapaguho ng mga kuta, at hindi sandatang makasanlibutan. Sinisira ko ang mga maling pangangatwiran. Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo” (2 Corinto 10:3-5).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

May kapangyarihan ba ang mga Kristiyano na magpalayas ng demonyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries