Tanong
Paano ako matututong kamuhian ang sarili kong kasalanan?
Sagot
Sinasabi sa Roma 12:9 "Kasuklaman ninyo ang masama at pakaibigin ang mabuti." Ang dalawang pagkilos na ito ay komplementaryo sa isa't isa at kumakatawan sa dalawang magkaibang aspeto ng parehong bagay. Magkakaroon tayo ng napakakaunting panghahawakan sa kung ano ang mabuti kung hindi tayo lalago sa pagkapoot sa kasamaan.
Madali para sa atin ang kamuhian ang kasalanan ng ibang tao. Bagama't kasinlaki ng troso ang puwing sa ating mga mata, tayo ay bihasa sa pagpuna sa maliit na puwing sa mata ng ating kapwa (Lucas 6:42). Karamihan sa mga tao ay kayang tiisin at patawarin pa nga ang ilang mga pagkakasala. Ang pagkapoot sa kasalanan sa ating sariling puso ay hindi laging madali. Ang ating laman ay kaibigan ng kasalanan, samakatuwid sa ating pagsisikap na "maging banal sa lahat," nakikipaglaban tayo sa ating sariling likas na hilig (Galacia 5:17; 1 Pedro 1:15).
Ang unang hakbang sa pagkapoot sa ating sariling kasalanan ay ang pagkilala na tayo ay nagkasala. “Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan” (1 Juan 1:8). Dapat tayong maging bukas at tapat sa harap ng Panginoon. Ang panalangin ni David ay dapat maging huwaran para sa atin: “O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip, subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais; kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid, sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid (Awit 139:23-24). Kapag tayo ay may paggalang sa Diyos (Kawikaan 8:13) at mapagkumbabang kinikilala ang ating kasalanan, maari nating matanggap kapayapayaan mula sa Kanya (Isaias 57:15).
Kung mas kilala natin ang Diyos, mas kapopootan natin ang ating kasalanan. Inilarawan ng salmista ang kabanalan ng Diyos ng may "kaningningan" (Awit 29:2). Kung higit na kitang-kita sa atin ang kadakilaan na iyon, mas maiiwasan natin ang anumang bagay na maaaring magpalabo o makasira sa ningning na iyon. Likas sa isang maibigin sa liwanag ang kapootan ang kadiliman. Habang lumalapit tayo sa kagandahan ng Diyos, ang ating sariling kasalanan ay nagiging mas kasuklam-suklam dahil ang pagiging perpekto at di-kasakdalan ay palaging napakalinaw na nawawala kung paghahambingin (Isaias 6:5). Upang higit na makilala ang Diyos, kailangan nating gumugol ng panahon sa Kanyang Banal na Salita, ang Bibliya (Awit 119:11, 163). At dapat tayong makipag-usap sa Kanya sa panalangin. Hindi tayo maaaring manalangin nang taimtim at hindi kumbinsido sa ating sariling kasalanan. Ang pagdarasal ay nagdaragdag sa atin ng pagkapoot sa kasalanan at nagpapatibay sa ating relasyon sa Diyos.
Kung mas nauunawaan natin ang mga kahihinatnan ng kasalanan, mas kapopootan natin ang kasalanan sa ating sariling buhay. Ang kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Diyos. Inaalipin tayo ng kasalanan (Juan 8:34). Ang kasalanan ang nagdala ng sakit, kalungkutan, kahihiyan, at kamatayan sa mundo (Genesis 2:17). Ang kasalanan ang ugat ng lahat ng digmaan, labanan, sakit, at kawalan ng katarungan. Ang kasalanan ang dahilan kung bakit umiiral ang impiyerno. Kapag isinasaalang-alang natin ang kakila-kilabot na epekto ng kasalanan sa buong mundo, nalulungkot tayo na matuklasan ang parehong kasalanan na nakakubli sa ating sariling mga puso. Nakalulungkot isipin dahil isa tayo sa nagdadagdag ng kapighatian sa mundong ito.
Kapag mas nauunawaan natin ang pinagmumulan ng kasalanan, mas kapopootan natin ito sa ating sarili. Si Satanas ang nagpasimula ng kasalanan (Ezekiel 28:15). Bago ang kaligtasan, tayo ay mga anak ng diyablo (Juan 8:44). Bilang mga mananampalataya, nahaharap pa rin tayo sa mga tukso ni Satanas at nakikipagpunyagi sa “dating pagkatao, na sinisira ng mapanlinlang na pagnanasa” (Efeso 4:22). Kapag tayo ay “nagbibigay-kasiyahan sa mga pagnanasa ng makasalanang kalikasan” (Roma 13:14), muli tayong nakikisawsaw sa karumihan at katiwalian ng diyablo.
Kung mas mahal natin ang Diyos, mas kapopootan natin ang ating kasalanan. Ang Diyos ang may-ari sa atin, hindi ang ating sarili (1 Corinto 6:20). Ang ating kasalanan ay nagpapadalamhati sa Panginoon, na nagbigay sa atin ng buhay (Efeso 4:30). Bakit natin titiisin ang anumang bagay na nagpapalungkot sa ating minamahal? Kung paanong ang isang ina ay napopoot sa sakit na nagpaparalisa sa kanyang anak, gayundin dapat nating kapootan ang kasalanan na nagpapalungkot sa Panginoon.
Mas maiiwasan natin ang paggawa ng kasalanan kung alam natin ang ating sariling kakayahan. Halimbawa, bilang tao, ang layunin natin sa buhay ay mahalin, sundin, at dakilain ang ating Lumikha. Tayo ay idinisenyo upang gumawa ng mabubuting bagay sa ating kapwa. Napakaganda, dakila, at sagradong layunin ang pagkadisenyo sa atin! Ang kasalanan ang bumabaluktot at sumisira sa kakayahan na ibinigay sa atin ng Diyos. Natural lang na iwasan ang kasalanan kung naiintindihan natin ang orihinal na layunin ng Diyos para sa atin.
Mas lalo nating kamumuhian ang ating kasalanan habang mas pinapahalagahan natin ang ating mga kaibigan at kamag-anak na naririto pa sa mundo. Pinararangalan ng mga tao ang ating Ama sa langit kapag nasasaksihan nila ang ating mabubuting gawa (Mateo 5:16). Ngunit sisiraan tayo ng mga kaaway ng Diyos kung napapansin nila ang ating mga pagsalangsang (2 Samuel 12:14). Lalo nating kinasusuklaman ito dahil ang ating personal na kasalanan ay sumisira sa ating patotoo. Ayon sa Mateo 5:15, ang ating liwanag ay hindi dapat itago sa ilalim ng isang takalan. Ang kasalanan ay nagkukubli sa liwanag na ang layunin ay sumikat.
Habang mas nauunawaan natin ang sakripisyo ni Kristo, lalo nating kinasusuklaman ang ating kasalanan. Si Hesus, ang tanging taong walang kasalanan, ay nagbuhos ng Kanyang dugo upang iligtas tayo sa ating mga kasalanan. Sa tunay na kahulugan, ang ating kasalanan ang naging sanhi ng Kanyang kamatayan. Ang ating kasalanan ang naging dahilan kung bakit siya hinampas, binugbog, ininsulto, at kalaunan ay ipinako sa krus. At "binale-wala natin siya, na parang walang kabuluhan" (Isaias 53:3). Kapag nauunawaan natin ang halagang binayaran ni Jesus para sa ating kaligtasan, mas mamahalin natin Siya at hahamakin ang naging sanhi ng Kanyang pagdurusa.
Lalago ang pagkamuhi natin sa ating kasalanan habang iniisip natin kung ano ang magiging kahihinatnan natin sa kabilang buhay. "Ang tao ay inilaan upang mamatay nang minsan, at pagkatapos ay humarap sa paglilitis" (Hebreo 9:27). Kapag namatay ang kasalanan, wala nang magmamahal sa kanya muli. Hamakin natin ang ating sariling mga kasalanan sa lalong madaling panahon at isaalang-alang natin ang kasalanan hindi bilang pinagmumulan ng kasiyahan kundi bilang pundasyon ng nalalapit na paghuhukom.
Ang mga Kristiyano ay nagkakasala pa rin kahit na naligtas na. Ang kaibahan ay hindi na natin mahal ang ating kasalanan; sa katunayan, kinasusuklaman natin ang karumihan sa loob natin at nakikibahagi sa isang espiritwal na labanan upang talunin ito. Purihin ang Panginoon, mayroon tayong tagumpay kay Kristo: “Ang salita ng Diyos ay nananatili sa inyo, at inyong dinaig ang masama” (1 Juan 2:14).
English
Paano ako matututong kamuhian ang sarili kong kasalanan?