settings icon
share icon
Tanong

Paano ko mararanasan ang tunay na kalayaan kay Kristo?

Sagot


Naghahangad ang bawat isa sa atin ng kalayaan. Lalo na sa Kanluran, kung saan ang kalayaan ang pinahahalagahan ng higit sa lahat at hinahangad ng lahat ng nagaakala na inaagawan sila ng kalayaan. Ngunit ang kalayaan kay Kristo ay kakaiba sa kalayaang pampulitika o pang ekonomiya. Ang totoo, ilan sa mga marahas na pinagusig na mga tao sa kasaysayan ay mga taong may ganap na kalayaan kay Kristo. Sinasabi sa atin ng Bibliya sa isang espiritwal na pakahulugan na walang sinuman ang malaya. Sa Roma 6, ipinaliwanag ni Pablo na alipin tayong lahat. Alinman sa dalawa, alipin tayo ng kasalanan o alipin tayo ng katuwiran. Hindi kayang palayain ng mga alipin ng kasalanan ang kanilang sarili, ngunit sa oras na mapalaya tayo sa kaparusahan at kapangyarihan ng kasalanan sa pamamagitan ng krus ni Kristo, nagiging ibang uri tayo na alipin, at sa pagkaaliping iyon tayo nakakatagpo ng ganap na kapayapaan at tunay na kalayaan.

Bagama’t tila isa itong pagkakasalungatan, ang tanging tunay na kalayaan ay dumarating lamang sa mga alipin ni Kristo. Nangangahulugan ang salitang pagkaalipin ng pagiging mababa, kahirapan at kawalan ng pagkakapantay-pantay. Ngunit ang kahulugan ng kalayaan sa Bibliya ay ang tunay na kalayaan ng isang alipin ni Kristo na nakakaranas ng kagalakan at kapayapaan na resulta ng tanging tunay na kalayaan na ating matatagpuan sa buhay na ito. May 124 beses na binanggit sa Bagong Tipan ang salitang doulos, na nangangahulugan ng “isang taong pagaari ng isa pa” o isang “alipin na walang anumang pagaari sa ganang kanyang sarili.” Ang problema, isinalin ng karamihan sa makabagong salin ng Bibliya, maging ng saling King James ang salitang doulos bilang “manggagawa” or “katulong.” Sa makabagong pananaw, ang isang alipin ay isang tao na gumagawa para siya kumita o makinabang, at isang tao na ang dahilan sa kanyang paggawa ay dahil may makukuha mula sa kanyang amo. Sa isang banda, walang anumang maipagkakaloob ang isang Kristiyano sa Panginoon bilang pambayad para sa Kanyang kapatawaran at buong-buo siyang pagaari ng Kanyang Panginoon na bumili sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang dugo na nabuhos sa krus. Binili sa pamamagitan ng dugo ni Kristo ang mga Kristiyano at pagaari sila ng kanilang Panginoon at Tagapagligtas. Hindi tayo upahan ni Kristo; pagaari Niya tayo (Roma 8:9). Kaya ang salitang “alipin” ang tanging tamang salin para sa salitang doulos.

Hindi kailanman inaapi, ang isang alipin ni Kristo ay tunay na malaya. Pinalaya tayo mula sa kasalanan ng Anak ng Diyos na nagsabi, “Sapagka't ang kautusan ng Espiritu ng buhay na kay Kristo Jesus ay pinalaya ako sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan” (Roma 8:2). Alam na natin ngayon ang katotohanan at ang katotohanan ang nagpalaya sa atin (Juan 8:32). Tila kabaliktaran, sa pamamagtan ng ating pagiging alipin ni Kristo, tayo rin ay naging mga anak at tagapagmana ng Katas-taasang Diyos (Galacia 4:1–7). Bilang mga tagapagmana, kasama tayong magmamana ng buhay na walang hanggan na ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng Kanyang mga anak. Ito ay isang pribilehiyo na higit sa lahat ng kayamanan sa lupa na maaari nating manahin sa ating mga magulang, habang ang mga alipin naman ng kasalanan ay magmamana lamang ng espiritwal na kamatayan at walang hanggang pagdurusa sa apoy ng impiyerno.

Ngunit bakit maraming mga Kristiyano ang namumuhay na tila alipin pa rin ng kasalanan? Unang dahilan, lagi tayong nagrerebelde sa ating Panginoon at tumatanggi na sumunod sa Kanya at patuloy tayong bumabalik sa ating dating pamumuhay. Hindi natin maiwaksi ang mga kasalanan na minsang gumapos sa atin kay Satanas bilang ating panginoon. Dahil nabubuhay pa rin ang ating bagong pagkatao sa ating makasalanang katawan, naaakit pa rin tayo ng kasalanan. Sinabi ni Pablo sa mga taga Efeso na “itakwil” nila ang kanilang dating pagkatao kasama ang kasamaan nito at “ibihis” ang bagong pagkatao at ang katuwiran nito. “Kaya nga, pagkatakwil ng kasinungalingan, ay magsasalita ang bawa't isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa: sapagka't tayo'y mga sangkap sa isa't isa sa atin (Efeso 4:22–32). Pinalaya na tayo mula sa pagkaalipin sa kasalanan, ngunit patuloy nating isinusuot ang tanikala sa ating sarili dahil may bahagi sa ating pagkatao na umiibig sa ating dating buhay.

Bilang karagdagan, hindi natin nauunawaan sa tuwina na ipinako na tayong kasama ni Kristo (Galacia 2:20) at isinilang na tayong muli bilang mga ganap na bagong nilalang (2 Corinto 5:17). Ang buhay Kristiyano ay isang buhay na namamatay sa sarili at nabubuhay sa isang “bagong buhay” (Roma 6:4), at ang bagong buhay na ito ay kinakikitaan ng pagiisip tungkol sa Kanya na nagligtas sa atin, hindi ng mga pagiisip tungkol sa ating sarili o tungkol sa ating patay na laman na ipinakong kasama ni Kristo. Kung patuloy tayong magiisip tungkol sa ating sarili at mamumuhay ayon sa laman at kasalanan kung saan tayo pinalaya, sa esensya ay yumayakap tayo sa isang bangkay na puno ng kabulukan at kamatayan. Ang tanging paraan upang mailibing ito ay ang pagpapasakop sa Banal na Espiritu na Siyang tanging pinanggagalingan ng ating lakas. Pinalalakas natin ang ating bagong kalikasan sa pamamagitan ng patuloy na pagaaral ng Salita ng Diyos at sa pamamagitan ng pananalangin. Nakakamit natin ang kapangyarihan na ating kinakailangan upang takasan ang ating kagustuahn na bumalik sa dating buhay ng pagkakasala. Sa ganitong paraan, makakapamuhay tayo sa ating bagong kalagayan bilang mga alipin ni Kristo na may tunay na kalayaan, at sa Kanyang kapangyarihan. “Huwag ngang maghari ang kasalanan sa ating katawang may kamatayan, upang tayo'y magsisunod sa kaniyang mga pita” (Roma 6:12).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko mararanasan ang tunay na kalayaan kay Kristo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries