Tanong
Kailan nagsimula ang iglesya?
Sagot
Nagsimula ang iglesya noong araw ng Pentecostes, limampung araw pagkatapos ng Paskuwa ng mamatay si Hesus at mabuhay na mag-uli. Ang salitang tagalog na “iglesya” ay nagmula sa dalawang salitang Griyego na pinagsama na nangangahulugang “tinawag mula sa mundo para sa Diyos.” Ang salita ay ginagamit sa buong Bibliya at tumutukoy sa mga taong isinilang na muli (Juan 3:3) sa pamamagitan ng pananampalataya sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo (Roma 10:9–10). Ang salitang iglesya, sa tuwing ginagamit upang tukuyin ang mga mananampalataya sa lahat ng dako, ay kasingkahulugan ng salitang “Katawan ni Kristo” (Efeso 1:22–23; Colosas 1:18).
Ang salitang iglesya ay unang mababasa sa Mateo 16 ng sabihin ng Panginoong Hesus kay Pedro, “At sinasabi ko naman sa iyo, na ikaw ay Pedro, at sa ibabaw ng batong ito ay itatayo ko ang aking iglesia; at ang mga pintuan ng Hades ay hindi magsisipanaig laban sa kaniya” (talata 18). Ang “bato” sa talatang ito ay ang pangungusap na sinambit ni Pedro, “Ikaw ang Kristo, ang Anak ng Diyos na buhay” (talata 16). Ang katotohanang ito tungkol kay Hesu Kristo bilang saligang bato ng iglesya ang dahilan kung bakit namayagpag ang iglesya sa loob ng halos dalawang libong taon. Ang bawat isang naniniwala sa katotohanang ito bilang pundasyon ng kanyang sariling pananampalataya ay miyembro o kabahagi ng iglesya ni Kristo (Gawa 16:31).
Ang sinabi ni Hesus na “itatayo Ko ang Aking iglesya,” ay hula tungkol sa mga magaganap ng Kanyang ipadala ang Banal na Espiritu upang manahan sa mga mananampalataya (Juan 15:26–27; 16:13). Kinailangan pa rin na magdusa si Hesus sa krus at mabuhay na mag-uli. Bagama’t naunawaan ng mga alagad ang ilang bahagi ng Kanyang plano, ang kaganapan ng lahat ng plano ng Panginoong Hesu Kristo ay hindi pa noon nagaganap. Pagkatapos ng Kanyang pagkabuhay na mag-uli, ipinaubaya ng Panginoong Hesu Kristo sa Kanyang mga tagasunod ang paguumpisa ng gawain na Kanyang ibinigay sa kanila, ang gawing alagad ang lahat ng mga bansa (Mateo 28:19–20), hanggang sa dumating ang Banal na Espiritu (Gawa 1:4–5).
Idinetalye sa aklat ng mga Gawa ang pagsisimula ng iglesya at ang mahimalang paglaganap nto sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. Sampung araw pagkatapos na umakyat si Hesus sa langit, (Gawa 1:9), ibinigay ang Banal na Espiritu sa 120 tagasunod ni Hesus na naghihintay at nananalangin sa Jerusalem (Gawa 1:15; 2:1–4). Ang mga tagasunod ding ito na dating nagtatago dahil sa takot na makilala bilang mga tagasunod ni Kristo (Markos 14:30, 50) ay biglang nagkaroon ng tapang at lakas ng loob na ipangaral ang Ebanghelyo ng nabuhay na Tagapagligtas, at pinatunayan ng Diyos ang kanilang mensahe sa pamamagitan ng mga tanda at himala (Gawa 2:4, 38–41; 3:6–7; 8:7). Libu libong mga Hudyo mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang nasa Jerusalem noon para sa pagdiriwang ng pista ng Pentecostes. Narinig nila ang mensahe ng mga alagad sa kani-kanilang wika (Gawa 2:5–8), at marami sa kanila ang sumampalataya (Gawa 2:41; 4:4). Ang mga naligtas ay nagpabawtismo, at araw-araw, idinagdag ng Diyos sa iglesya ang mga inililigtas. Nang magumpisa ang paguusig sa mga mananampalataya, nangalat sila at saanman sila makarating, ipinangaral nila ang Ebanghelyo at mabilis na kumalat ang iglesya sa lahat ng panig ng mundo ng panahong iyon (Gawa 8:4; 11:19–21).
Kabilang ang mga Hudyo sa pagsisimula ng iglesya sa Jerusalem, ngunit mabilis na kumalat ang iglesya sa ibang grupo ng mga tao. Ibinahagi ni Felipe ang Ebanghelyo sa Samaria sa Gawa 8. Sa Gawa 10, binigyan ng Diyos si Pedro ng isang pangitain na nakatulong sa kanya upang kanyang maunawaan na ang mensahe ng kaligtasan ay hindi lamang para sa mga Hudyo kundi para din sa sinumang sasampalataya (Gawa 10:34–35, 45). Ang kaligtasan ng Etiopeng eunuko (Gawa 8:26–39) at ng italyanong senturyon na nagngangalang Cornelio (Gawa 10) ang kumumbinse sa mga Hudyong mananampalataya na ang iglesya ay higit na malawak kaysa sa kanilang inaakala. Ang mahimalang pagtawag kay Pablo sa daan patungong Damasco (Gawa 9:1–19) ang umpisa ng mas malawakang pagkalat ng Ebanghelyo sa mga Hentil (Roma 15:16; 1 Timoteo 2:7).
Ang hula ni Hesus kay Pedro bago ang pagpapapako sa Kanya sa Krus ay napatunayang totoo. Bagama’t nakipaglaban ang mga mananampalataya sa mga paguusig at sa “mga pintuan ng Hades,” lalo pang lumago at lumakas ang iglesya. Inilarawan sa Pahayag 7:9 ang isang sulyap sa desinyo ng iglesya at kung paano ito magtatagumpay sa huli: “Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas.” Ang iglesya na sinimulan ng Panginoong Hesu Kristo ay magpapatuloy hanggang sa araw na Siya ay dumating para sa atin (Juan 14:3; 1 Tesalonica 4:16–17) at makikipagisa tayo sa Kanya magpakailanman bilang Kanyang kasintahan (Efeso 5:27; 2 Corinto 11:2; Pahayag 19:7).
English
Kailan nagsimula ang iglesya?