Tanong
Ano ang kahulugan ng kasalanan
Sagot
Ang kasalanan ay inilarawan sa Biblia na "paglabag sa kautusan ng Dios" (1 Juan 3:4) at "pagsuway sa Dios" (Deuteronomio 9:7; Josue 1:18). Ang kasalanan ay nagmula kay Lucifer, na pinaniniwalaan na dating pinakamaganda at pinakamakapangyarihang anghel ng Diyos. Dahil hindi siya nasiyahan sa kanyang katayuan, ninais niyang maging higit na mataas kaysa sa Dios at iyon ang naging dahilan ng kanyang pagbagsak at ang pasimula ng kasalanan (Isaias 14:12-15). Pinangalanan siyang Satanas at dinala niya ang kasalanan sa sangkatauhan sa hardin ng Eden kung saan tinukso niya sina Adan at si Eva sa pamamagitan ng pangako na "kayo ay magiging tulad ng Dios." Ang Genesis 3 ay naglalarawan ng pagsuway nina Adan at Eva laban sa Dios at sa Kanyang kautusan. Simula noon, ang kasalanan ay nagpasalin-salin na sa lahat ng henerasyon ng sangkatauhan at dahil lahat ng tao ay nagmula sa lahi ni Adan, minana ng lahat ng tao ang kasalanan mula sa kanya. Ang Roma 5:12 at nagpapahayag na sa pamamagitan ni Adan, pumasok ang kasalanan sa mundo at ang kamatayan ay naipasa rin sa lahat ng tao at "ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan" (Roma 6: 23).
Sa pamamagitan ni Adan, ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at ang lahat ng tao ay naging likas na makasalanan. Nang magkasala si Adan, ang kanyang kalikasan ay nabago dahil sa kanyang paghihimagsik sa Diyos. Si Adan ay namatay sa espiritwal at ang kasalanan ay naipasa sa lahat ng mga taong nagmula sa kanya. Tayo ay makasalanan hindi dahil tayo ay nagkakasala kundi, tayo ay nagkakasala dahil tayo ay makasalanan. Ang ipinasang masamang kalikasan ay tinatawag na minanang kasalanan. Kung ating namamana ang likas na katangian na pangkatawan mula sa ating mga magulang, minana rin natin ang ating makasalanang kalikasan mula kay Adan. Nanaghoy si Haring David matapos siyang malugmok sa pagkakasala dahil kay Batsheba. Sinabi niya sa Awit 51:5, "Ako'y masama na buhat nang iluwal, Makasalanan na nang ako'y isilang."
Ang isa uri pa ng kasalanan ay ang tinatawag na "ipinaratang" na kasalanan. Ito ay ginagamit sa mga usaping legal at nauukol sa pananalapi. Sa salitang Griyego ang "paratang" ay nangangahulugang "ang pagkuha ng isang bagay na pag-aari ng ibang tao at ipinatala sa kanyang pangalan." Bago ibinigay ang Kautusan ni Moises, ang kasalanan ay hindi ipinaratang sa tao, kahit na nagkakasala ang mga tao dahil sa minanang kasalanan. Nang maibigay ang Kautusan, ang mga kasalanang nagawa bilang paglabag sa Kautusan ay ipinaratang (ipinasagot) sa kanila (Roma 5:13). Ang lahat ng tao, mula kay Adan hanggang kay Moises ay sakop ng kamatayan, hindi dahil sa mga kasalanang kanilang ginawa laban sa Kautusan ni Moises (na hindi pa nila nalalaman), subalit dahil sa kanilang minanang makasalanang kalikasan. Mula kay Moises, ang mga tao ay sakop ng kamatayan dahil sa makasalanang kalikasan na kanilang minana kay Adan at ang ipinaratang na kasalanan dahil sa paglabag sa mga kautusan ng Dios.
Ginamit ng Dios ang patakaran ng pagpaparatang sa kapakinabangan ng sangkatauhan noong ipinataw ng Dios ang kasalanan ng mga mananampalataya kay Jesu-Cristo, na siyang nagbayad ng kaparusahan ng kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan sa krus. Sa pagpataw ng ating kasalanan kay Jesus, ibinilang Siya ng Dios bilang isang makasalanan kahit hindi Siya nagkasala ng anuman, at hinayaan Siyang mamatay para sa kasalanan ng lahat ng tao (1 Juan 2:2). Mahalagang maunawaan na ang kasalanan ay ipinaratang sa Kanya, subalit hindi niya ito minana mula kay Adan. Dinala niya ang kabayaran ng kasalanan subalit hindi siya naging makasalanan. Ang kanyang banal at walang kapintasang kalikasan ay hindi nabahiran ng kasalanan. Itinuring Siya bilang salarin ng lahat ng kasalanang ginawa ng sangkatauhan kahit wala siyang nagawang anumang kasalanan. Bilang kapalit, ibinigay ng Dios ang kabanalan ni Kristo sa mga mananampalataya at binayaran ang ating pagkakautang sa Kanya, tulad din noong ibinilang ang ating mga kasalanan kay Kristo.
Ang pangatlong uri ng kasalanan ay ang pansariling kasalanan, ang mga kasalanang nagagawa sa araw-araw ng bawat tao. Dahil minana natin ang makasalanang kalikasan mula kay Adan, ang bawat tao ay nakagagawa ng mga pansariling kasalanan, lahat ng uri ng kasalanan mula sa pagsisinungaling hanggang sa pagpatay. Ang lahat nang hindi naglagak ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo ay kinakailangang magbayad ng kaparusahan para sa kanilang pansariling kasalanan at sa minana at ipinaratang na kasalanan. Gayon pa man, ang mga mananampalataya ay pinalaya na mula sa walang hanggang kaparusahan ng kasalanan - ang impiyerno at sa kamatayang espiritwal dahil mayroon na tayong kapangyarihang lumaban sa kasalanan. Ngayon, maaari na tayong mamili kung gagawa o hindi ng pansariling kasalanan dahil mayroon na tayong kapangyarihan na lumaban sa kasalanan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na nananahan sa atin, nagpapabanal at nagpapa-alala sa ating mga nagagawang kasalanan (Roma 8:9-11). Kung ating ipapahayag ang ating mga pansariling kasalanan sa Dios at hihingi ng kapatawaran, tayo ay ibabalik sa ganap na kaugnayan at pakikipagrelasyon sa Kanya. "Kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, maasahan nating ipatatawad sa atin ng Dios ang mga ito at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasamaan sapagkat siya'y matuwid” (1 Juan 1:9).
Tayong lahat ay tatlong beses na nahatulan dahil sa ating minanang kasalanan, ipinaratang na kasalanan at pansariling kasalanan. Ang tanging makatwirang kaparusahan ay kamatayan (Roma 6:23), hindi lamang kamatayang pisikal kundi kamatayang espiritwal at walang hanggang kamatayan sa impyerno (Pahayag 20:11-15). Salamat dahil ang ating minanang kasalanan, ipinaratang na kasalanan at mga pansariling kasalanan ay kasama ng ipinako ni Hesus doon sa krus at ngayon, sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo bilang Tagapagligtas "tinubos tayo ni Cristo sa pamamagitan ng kanyang kamatayan at sa gayo'y pinatawad na ang ating mga kasalanan. Gayon kadakila ang pag-ibig na ipinadama niya sa atin!" (Efeso 1:7).
English
Ano ang kahulugan ng kasalanan