Tanong
Ano ang kahalayan? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalayan?
Sagot
Ang pakahulugan ng diksyunaryo sa kahalayan ay 1) “masidhi at walang kontrol na pagnanasang sekswal o 2) hindi mapaglabanang pagnanais o pagkagusto.” Ipinaliwanag sa Bibliya ang kahalayan sa iba’t ibang paraan. Exodus 20:14, 17, “Huwag kang mangangalunya. . . Huwag mong iimbutin ang bahay ng iyong kapuwa, huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapuwa, ni ang kaniyang aliping lalake o babae, ni ang kaniyang baka, ni ang kaniyang asno, ni anomang bagay ng iyong kapuwa,” o sa Mateo 5:28, “Datapuwa't sinasabi ko sa inyo, na ang bawa't tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso.” At Job 31:9-11: “Kung ang aking puso ay napadaya sa babae, at ako'y bumakay sa pintuan ng aking kapuwa: Kung magkagayo'y iba ang ipaggiling ng aking asawa, at iba ang yumuko sa kaniya. Sapagka't iya'y isang mabigat na sala; Oo, isang kasamaan na parurusahan ng mga hukom.”
Ang kahalayan ay nakasentro sa pagbibigay kasiyahan sa sarili, at lagi itong nagbubunga sa hindi kanais- nais na aksyon upang pagbigyan ang pansariling kasiyahan ng hindi isinasaalang-alang ang mga konsekwensya. Ang kahalayan ay tungkol sa pag-ibig sa sarili at kasakiman. Ang Kristiyanong pananampalataya ay tungkol sa pagsasakripisyo para sa iba at kinakikitaan ng banal na pamumuhay (Roma 6:19, 12:1-2; 1 Corino 1:2, 30, 6:19-20; Efeso 1:4, 4:24; Colosas 3:12; 1 Tesalonica 4:3-8,5:23; 2 Timoteo 1:9; Hebreo 12:14; 1 Pedro 1:15-16). Ang layunin ng bawat taong naglagak ng pananampalataya kay Hesus ay maging kawangis Niya sa bawat araw. Nangangahulugan ito ng pagtanggi sa mga dating nakagawian mula sa dating pamumuhay na nasa ilalim ng kontrol ng kasalanan at ng pagbabago ng isip at gawa ayon sa pamantayan na itinakda ng Kasulatan. Salungat ang kahalayan sa pamantayang ito.
Walang sinuman ang maaaring maging perpekto o maging ganap na banal habang naririto sa lupa, ngunit ito ang layunin na ating nais na marating. May matibay na pamantayan ang Bibliya tungkol sa bagay na ito sa 1 Tesalonica 4:7-8, “Sapagka't tayo'y tinawag ng Dios hindi sa ikarurumi, kundi sa pagpapakabanal. Kaya't ang nagtatakuwil, hindi ang tao ang itinatakuwil, kundi ang Dios, na nagbibigay sa inyo ng kaniyang Espiritu Santo.” Kung hindi pa naaapektuhan ng kahalayan ang iyong isip at puso, ihanda mo ang iyong sarili na mamuhay ng walang dapat ikahiya upang mabantayan ang tukso ng kahalayan. Kung kasalukuyan kang nakikipaglaban ngayon sa kahalayan, ito ang oras upang ipahayag sa Diyos ang iyong kasalanan at hilingin ang Kanyang pagkilos sa iyong buhay upang ang iyong buhay ay kakitaan ng kabanalan.
English
Ano ang kahalayan? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kahalayan?