Tanong
Ano ang kahulugan ng ekklesia / iglesia?
Sagot
Ang tamang pangunawa sa kahulugan ng salitang ekklesia (at ang kahaliling baybay nito na “iglesia” sa salitang tagalog) ay isang mahalagang sangkap para maunawaan ang iglesia (o simbahan sa karaniwang pangunawa ng mga Filipino). Ang salitang ekklesia ay isang salitang Griyego na ang kahulugan ay “isang kalipunan ng mga tao o kongregasyon na tinawag mula sa.” Ang salitang ekklesia ay karaniwang isinasalin sa salitang English na “church” at salitang “iglesya” sa saling Tagalog ng Bagong Tipan. Halimbawa, sinasabi sa Gawa 11:26, “Isang taon silang nanatili roon na kasa-kasama ng iglesya (ekklesia), at nagtuturo sa maraming tao. Doon sa Antioquia unang tinawag na Cristiano ang mga tagasunod ni Jesus.” At sa 1 Corinto 15:9 sinabi ni Pablo na pinagusig niya ang iglesya ng Diyos. Ang “kalipunan ng mga tao na tinawag mula sa,” ay ang kongregasyon ng mga mananampalataya na tinawag ng Diyos mula sa sanlibutan patungo sa Kanyang “kagilagilalas na kaliwanagan” (1 Pedro 2:9).
Ang salitang ito ay ginamit din sa Bagong Tipan para tukuyin ang anumang pagtitipon ng mga tao. Sa kanyang talumpati sa Sanedrin, tinawag ni Esteban ang bayang Israel na “kapulungan ng mga Israelita sa ilang” (Gawa 7:38). At sa Gawa 19:39, ang ekklesia / iglesya ay tumutukoy sa mga nagtitipong mamamayan para talakayin ang mga legal na usapin. Gayunman, sa nakararaming konteksto, ang salitang ekklesia o iglesya ay ginamit para tukuyin ang mga mananampalatayang bumubuo sa iglesya sa Bagong Tipan.
Mahalagang maunawaan ng iglesya sa kasalukuyan ang kahulugan ng salitang ekklesia / iglesya. Dapat na makita ng iglesya ang kanyang sarili bilang mga “tinawag” ng Diyos. Kung nais ng iglesya na maging kakaiba sa mundo, dapat na naiiba ito mula sa mundo. Ang asin ay kakaiba sa pagkain na binibigyan nito ng lasa. Tinawag ng Diyos ang iglesya para humiwalay sa kasalanan (1 Pedro 1:16), at para yakapin ang pakikisama sa kapwa mananampalataya (Mateo 5:14). Mabiyayang tinawag tayo ng Diyos sa Kanyang sarili: “‘Kaya't lumayo kayo sa kanila, humiwalay kayo sa kanila,” sabi ng Panginoon. “Iwasan ninyo ang anumang marumi, at tatanggapin ko kayo” (2 Corinto 6:17).
English
Ano ang kahulugan ng ekklesia / iglesia?