Tanong
Ano ang ibig sabihin na kahit ang mga demonyo ay sumasampalataya (Santiago 2:19)?
Sagot
Sinasabi sa Santiago 2:19 “Sumasampalataya ka na ang Diyos ay iisa, di ba? Mabuti naman! Ang mga demonyo man ay sumasampalataya rin, at nanginginig pa.” Ipinapakita ni Santiago ang pagkakaiba sa pagitan ng pagsang-ayon sa isip at isang tunay na pananampalatayang nagliligtas. Tila inaangkin ng mga taong tinutukoy ni Santiago na dahil naniniwala sila sa Diyos ni Moises at kaya nilang sambitin ang Deuteronomio 6:4, kung saan sinasabi, “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh!” ay tama na sila sa harapan ng Diyos. Binasag ni Santiago ang ganitong huwad na pag-asa sa pagkukumpara sa ganitong uri ng paniniwala sa kaalamang taglay ni Satanas at ng kanyang mga demonyo tungkol sa Diyos. Higit na marami ang alam ng mga alagad ni Satanas tungkol sa katotohanan ng Diyos kaysa nakakaraming mga tao, ngunit hindi sila tama sa harapan ng Diyos. Pinaniniwalaan ng mga demonyo ang ilang mga bagay na totoo tungkol sa Diyos—alam nila na totoo ang Diyos, Siya ay makapangyarihan, at iba pa tungkol sa Kanya—ngunit ang kanilang “tamang teolohiya” ay hindi maaaring tawaging pananampalataya. Walang kaligtasan para sa mga demonyo bagama’t sumasang-ayon sila sa katotohanan na may iisang Diyos.
Kaya, ano ang pagkakaiba sa pagitan ng paniniwala ng mga demonyo at sa pananampalatayang kinakailangan para sa walang hanggang kaligtasan? Sa kabutihang palad, hindi tayo iniwan ni Santiago na nagiisip. Ipinaliwanag niya sa mga natitirang talata ng kabanata 2 na ang pananampalatayang walang makadiyos na bunga ay walang kabuluhan (Santiago 2:20). Ang uri ng pananampalatayang taglay ng mga demonyo ay dahilan para nila katakutan ang kanilang tiyak na kapahamakan. Ang ating pananampalatayang nagliligtas ay nagbibigay sa atin ng mapagpakumbabang pagtitiwala sa ating kaligtasan at bumabago ito sa atin at nagbubunga ito sa banal na mga gawain. Mas mauunawaan natin na kinakailangan ang gawa sa pananampalataya sa pamamagitan ng isang ilustrasyon:
Kunwari ay nakatayo ka sa gilid ng isang bangin. Isang makipot na tulay ang nagdudugtong sa tigkabilang gilid ng bangin. Mababa ito sa gitna, bahagyang idinuduyan ng hangin, at may ilang tuntungan ang nawawala. Nakatayong kasama mo sa gilid ng bangin ang arkitekto ng tulay na iyon. Siya ay kilala sa buong mundo dahil sa kanyang mga disenyo, at hawak niya ang plano sa kanyang kamay. Tinanong ka niya kung may pananampalataya ka sa kanyang tulay. Agad kang sumagot ng “Oo!” Naniniwala ako sa iyo. Naniniwala ako na kaya akong dalhin ng tulay.” Ngunit ang tunay na pananampalataya ay hindi nananatili sa gilid ng bangin. Iyon ay pag-asa lamang. Ang pananampalataya ay nagaganap kung tutuntong ka sa tulay at maguumpisang lumakad sa tulay papunta sa kabila.
Ganito rin sa kaligtasan. Mas maraming alam ang mga demonyo tungkol sa malaking kapangyarihan ng Diyos. Alam nila noong pumunta si Jesu Cristo sa mundo para mabuhay bilang tao, at pagkatapos ay ipinako sa krus (Mateo 20:28). Nanginig sila sa takot ng bumangon mula sa mga patay at lumabas sa libingan ang tunay na Diyos at tunay na Tao (1 Corinto 15:3–8). Nakita nilang umakyat Siya sa langit, at alam nila na si Jesus ang Anak ng Diyos (tingnan ang Markos 1:24). Naniniwala ang mga demonyo na ang lahat ng ito ay totoo, ngunit tiyak ang kanilang kapahamakan. Itinuturo ni Santiago na ang paniniwala sa kasaysayan at mga katotohanan tungkol kay Jesus ay hindi makakapagligtas sa isang tao. Ang pananampalatayang nagliligtas ay resulta ng pagiging isang bagong nilalang na nagbubunga ng mga mabubuting gawa.
Hindi sapat na maniwala sa Diyos o kahit pa maniwala na ang Diyos ng Bibliya ay nagiisang tunay na Diyos. Ang paniniwalang ito na walang pagbabago ng puso ay katulad lamang sa paniniwala ng mga demonyo. Sa kasamaang palad, maraming tao ang maaaring hindi nalalaman na ang kanilang tinatawag na “pananampalataya” ay walang iba kundi kapareho lamang ng paniniwalang taglay ng mga demonyo. Maaaring sumabay sila sa isang panalangin, nabawtismuhan, o pumupunta sa iglesya para sumamba, ngunit hindi nagbabago ang direksyon ng kanilang mga buhay. Hindi sila isinilang na muli (tingnan ang Juan 3:3).
Ang totoo, hindi tayo naligtas sa pamamagitan ng paniniwala sa isang kapahayagan ng pananampalataya; naligtas tayo sa pamamagitan ng pagtitiwala sa isang Persona. At ang pagtitiwala kay Jesus ay nagreresulta sa pag-ibig sa Diyos, pag-ibig sa kanyang mga anak, at pagsisikap sa kabanalan sa lahat ng ating mga ginagawa (1 Pedro 1:8, 15, 22b 23).
English
Ano ang ibig sabihin na kahit ang mga demonyo ay sumasampalataya (Santiago 2:19)?