Tanong
Ano ang ibig sabihin ng kamatayan ang kabayaran ng kasalanan?
Sagot
Sinasabi sa Roma 6:23, "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin." Sa puso nito, ang kasalanan ay rebelyon o paglaban sa Diyos. Ang ating kasalanan ang naghihiwalay sa atin sa Diyos na ating Manlilikha at nagpapanatili sa ating buhay. Sinabi ni Hesus, "Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay" (Juan 14:6). Ang Diyos ay kilala bilang ang dakilang "AKO NGA." Ang buhay ay nasa Diyos. Kaya, sa tuwing nagkakasala tayo at nahihiwalay sa Diyos, nahihiwalay tayo mula sa tunay na buhay. Kaya nga, hindi natin matatakasan ang kamatayan at tiyak na mararanasan natin ito. Tatlong puntos ang kinakailangang ipaliwanag patungkol sa isyung ito.
Una, hindi nangangahulugan na magreresulta agad-agad ang kasalanan sa pisikal na kamatayan. Hindi sa atin sinasabi sa Roma 6 na mamamatay tayo agad sa pisikal kung tayo'y magkakasala. Sa halip, ito ay tumutukoy sa espiritwal na kamatayan.
Ikalawa, nang maranasan natin ang kaligtasan kay Kristo, iniligtas tayo mula sa espiritwal na kamatayan at pinagkalooban ng espiritwal na buhay. Sinabi ni Pablo sa mga taga Roma, "Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin" (Roma 6:23).
Ikatlo, kahit pa sa mga mananampalataya, nagreresulta ang pagkakasala sa isang uri ng espiritwal na "kamatayan". Bagama't iniligtas na tayo sa ultimong kabayaran ng kasalanan (walang hanggang pagkahiwalay sa Diyos), hindi tayo ligtas sa mga natural na konsekwensya ng sirang relasyon sa ating Ama. Sa tuwing magkakasala tayo, mararanasan natin ang mga sintomas ng espiritwal na kamatayan. Maaari tayong makaranas ng paguusig ng budhi, kahungkagan, kalituhan, at pagkawalay sa Diyos. Kumikilos tayo na gaya ng mga hindi mananampalataya sa halip na maging mga makatuwirang anak ng Diyos. Ang ating kasalanan, kahit na bilang mga mananampalataya, ang nagdudulot ng sakit sa "puso" ng Diyos at pumipighati sa Kanyang Espiritu na nananahan sa atin (Efeso 4:30). Bagama't hindi pinuputol ng kasalanan ang ating relasyon sa Diyos, ang ating kasalanan ang nagiging hadlang sa pagitan natin at ng Diyos.
Isipin natin ang relasyon sa pagitan ng isang anak at ng kanyang magulang. Kung susuway ang anak, nasisira ang relasyon niya sa kanyang magulang. Iniibig pa rin ng magulang ang kanyang anak at patuloy na ang ikabubuti ng kanyang anak ang nasa ng kanyang puso. Hindi tumigil ang bata sa pagiging anak sa kanyang magulang. Gayunman, maaaring makaranas ang bata ng mga konsekwensya: hindi pagtitiwala ng kanyang magulang, pagdidisiplina, pakiramdam ng paguusig ng budhi, at mga katulad nito. Sa huli, muling manunumbalik ang relasyon ngunit sa pangkalahatan, sakit ang unang mararanasan.
Ganito rin ang ating relasyon sa Diyos. Kung lalaban tayo sa Diyos at hindi tayo susunod sa Kanyang kalooban para sa ating buhay, nagrerebelde tayo laban sa Buhay, at dahil dito mararanasan natin ang "kamatayan" (pagkasira ng relasyon na nagreresulta sa sakit ng kalooban at mga problema sa buhay). Kung magbabalik loob tayo sa Diyos, muling manunumbalik ang ating espiritwal na buhay — ang pakikipagisa natin sa Diyos, muling magkakaroon ng layunin sa buhay, katuwiran, kalayaan at iba pa. Ang sinabi ng ama sa talinghaga ng Alibughang anak ang pinakamainam na paglalarawan: "Sapagka't patay na ang anak kong ito, at muling nabuhay" (Lukas 15:24).
English
Ano ang ibig sabihin ng kamatayan ang kabayaran ng kasalanan?