settings icon
share icon
Tanong

Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa istruktura ng iglesya?

Sagot


May apat na pangunahing anyo ng pamunuan sa iglesya na umiiral sa kasalukuyan. May episcopal, presbyterian, congregational at non-governmental, ngunit dapat tandaan na ang mga teminolohiyang ito ay hindi nalilimitahan ng pangalan ng kanilang denominasyon (halimbawa: may ilang iglesyang Baptist ang gumagamit ng istruktura ng mga Presbyterian) bagama’t ang mga anyong ito ay hindi partikular na binanggit sa Bibliya, may mga alituntunin na maaari nating sundin.

Istruktura ng Iglesya – Pinuno ng Iglesya

Kung gagawa tayo ng tsart ng organisasyon, si Jesu Cristo ang dapat na may posisyon bilang tagapagtatag/presidente, CEO, CFO, at Chairman ng Board. Kung sa lengguwahe ng Bibliya ay si Cristo ang “ulo ng lahat ng bagay para sa iglesya” (Efeso 1:22; cf. Colosas 1:18). Ang iglesya ang “Kanyang katawan, “at siya ang Tagapagligtas nito” (Efeso 5:23). Napakalapit ng relasyon ni Jesus sa Kanyang iglesya dahil “inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya” (Efeso 5:25). Ninanais Niya na “ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan” (Efeso 5:27).

Istruktura ng Iglesya – Mga Opisina sa Iglesya

Ang pastor (literal na “pastol ng kawan”) ang “taong” ulo ng iglesya. Sa pinakaunang iglesya, tila marami ang mga matatanda o pastor na tinatawag ding mga “obispo” o mga “tagapangasiwa.” Ang matatanda ang nangunguna sa iglesya at responsable sa pagtuturo ng salita at paggabay, pagpapaalala, at pagpapayo sa mga anak ng Diyos (tingnan ang 1 Timoteo 3:1-7 at Gawa 14:23.) Ang lalaki na may katungkulan bilang pastor ay aktwal na isa sa matatanda ng iglesya.

Ang iba pang opisina ng iglesya ay ang diyakono. Ang mga diyakono ay mga lalaki na humahawak sa mga praktikal na gawain ng iglesya, gaya ng pagaalaga sa mga may-sakit, matatanda, o mga babaeng balo at sa pagmimintina ng gusali o iba pang pagaari ng iglesya (Tingnan ang Gawa 6:1-6 at 1 Timoteo 3:8-12.)

Istruktura ng Iglesya – Kaugnayan sa Bawat Opisina

Ang mga diyakono ay unang pinili ng iglesya sa Jerusalem (tingnan ang Gawa 6). Ang mga apostol, na kumikilos bilang matatanda sa iglesya ang nagtalaga ng mga diyakono at nagbigay ng kanilang mga gawain. Kaya nga, ang mga diyakono ay laging nasa ilalim ng awtoridad ng matatanda sa iglesya.

Habang ang nagtuturong pastor ay nakikibahagi sa responsibilidad para sa espiritwal na pangangasiwa kasama ng iba pang matatanda sa iglesya, ipinahiwatig ni Pablo na ang posisyon ay may kasamang dagdag na obligasyon. “Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos” (1 Timoteo 5:17). Kaya nga, ang pastor at ang iba pang matatanda sa iglesya ay may pantay na awtoridad bagama’t hindi magkakapareho ang gawain.

Istruktura ng Iglesya – Kaugnayan sa pagitan ng ibang mga Iglesya

Inalala ni Pablo kung paano susuportahan ng iba’t ibang iglesya ang isa’t isa, lalo na dahil ang bawat iglesya ay “ay bahagi nito” (1 Corinto 12:27). Pinuri ni Pablo ang mga taga Filipos sa pakikibahagi sa kanya sa kanyang “mga pangangailangan” noong siya’y “nagsisimula pa lamang sa pangangaral ng Magandang Balita” (Filipos 4:15), na nangangahulugan na sinuportahan nila si Pablo sa pinansyal para mapalakas niya ang ibang mga iglesya. Si Pablo din ang nagpasimula ng koleksyon para sa tulong pinansyal sa iglesya sa Jerusalem na noon ay dumadaan sa mga pagsubok (Gawa 24:17; Roma 15:26-27; 1 Corinto 16:3; 2 Corinto 8-9). Sa buong Bagong Tipan, nagbatian ang mga iglesya sa isa’t isa (1 Corinto 16:19), nagpadala ng mga miyembro para bisitahin at tulungan ang ibang mga iglesya (Gawa 11:22, 25-26; 14:27), at nakipagtulungan sa isa’t isa para magkaroon ng pagkakasundo sa tamang doktrina (Gawa 15:1-35).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa istruktura ng iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries