Tanong
Kung tayo ay ipinanganak sa kasalanan, paanong makatarungan para sa Diyos na hatulan tayo para sa ating kasalanan?
Sagot
Ang isang karaniwang akusasyon laban sa Kristiyanismo ay ang hindi patas na paghatol nito sa mga tao. Sa partikular, sinasabi ng ilang tao na itinakda tayo ng Diyos para sa kabiguan at pagkatapos ay pinarurusahan tayo sa kabiguan na Kanyang idinulot. Kung iyon ay totoo, ito ay talagang isang hindi patas na sitwasyon. Ganyan ba ang paraan ng Kristiyanismo? Hinahatulan ba tayo ng Diyos nang hindi patas para sa isang bagay na hindi natin kontrolado? Ang mga sagot ay matatagpuan sa Bibliya.
Sa pagsisimula, dapat nating alamin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating pagsilang sa kasalanan. Si David, isang taong ayon sa puso ng Diyos ay sumulat sa Awit 51:5, “Ako'y masama na buhat nang isilang, makasalanan na nang ako'y iluwal.” Isinulat ni apostol Pablo na lahat tayo ay nagbibigay-kasiyahan sa “mga pagnanasa ng ating makasalanang kalikasan” (Taga-Efeso 2:3). Nangangahulugan iyon na mayroong natural na bagay sa loob natin na nagtutulak sa atin patungo sa kasalanan.
Kaya, tiyak na itinuturo ng Bibliya na tayo ay ipinanganak sa kasalanan. Nagpasya ba ang Diyos na ang mga tao ay ipanganak na makasalanan? Ang sagot ay may kaugnayan sa unang taong si Adan. Nang si Adan ay nilikha (na walang kasalanan) ng Diyos at inilagay sa halamanan ng Eden, binigyan din siya ng isang simpleng utos (Genesis 2:16–17). Sinuway ni Adan ang utos ng Diyos at pinarusahan siya ng Diyos at hinatulan siya ng kamatayan. Ang pagpili ni Adan na sumuway ang dahilan kung bakit siya nagkasala sa harap ng Diyos. Siya ang ama ng sangkatauhan, at ang kanyang mga katangian ay ipinasa sa kanyang mga anak. Sinasabi sa Roma 5:12 na ang kasalanan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ni Adan, at ang kamatayan ay dumating sa pamamagitan ng kasalanan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. Bilang mga inapo ni Adan, natanggap natin ang likas na kasalanan na ipinasa mula sa ating mga ninuno. Iyan ang dahilan kung bakit tayo ipinanganak sa kasalanan, na may likas na hilig na gumawa ng kasamaan.
Maaaring magtalo ang ilan na hindi natin mapipili ang ating pamilya, kaya hindi tayo papanagutin ng Diyos sa kabayaran ng kasalanan. Bagama't maaaring wala tayong pagpipilian kung paano tayo isisilang, malinaw sa Bibliya na mayroon tayong pagpipilian tungkol sa ating mga kasalanan. Sinasabi sa Efeso 2:3, na binibigyang-kasiyahan natin ang pagnanasa ng ating makasalanang kalikasan. Iyon ay isang pagpipilian. Sinasabi sa Roma 5:12 na “ang lahat ay nagkasala.” Tayo ay makasalanan sa pamamagitan ng gawa gayundin sa kalikasan. Ang ating sariling kasalanan ay hinahatulan tayo, hindi lamang kay Adan. Ipinanganak tayo sa kasalanan, ngunit patuloy tayong nagkakasala sa pamamagitan ng ating sariling pagpapasya. Kapag pinili natin ang kasalanan, tayo ay nagkasala sa harap ng Diyos, at ang Kanyang paghatol ay makatarungan.
Ang Diyos ay hindi lamang patas, kundi mahabagin din naman. Ang turo ng Bibliya tungkol sa personal na kasalanan ay hindi nagtatapos sa pagpapahayag ng pagkakasala ng tao. Ang Roma 5, na nagsasabi sa atin na ang kasalanan at kamatayan ay pumasok sa mundo sa pamamagitan ng isang tao, ay nagsasabi rin sa atin ng pinakadakilang pagpapala na dumating sa pamamagitan ng isang tao. Ang biyaya ng Diyos ay dumating sa pamamagitan ni Jesu-Cristo (Roma 5:15) at nagumapaw sa marami. Sinasabi ng talata 19, "Sapagkat kung naging makasalanan ang marami dahil sa pagsuway ng isang tao, marami rin ang mapapawalang-sala dahil sa pagsunod ng isang tao". Ang Diyos ay makatarungan sa paglalapat ng kasalanan ni Adan sa buong sangkatauhan, at Siya ay makatarungan sa paglalapat ng kamatayan ni Jesu-Cristo sa lahat ng tatanggap sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya. Namatay si Jesu Cristo para sa mga kasalanan ng sanlibutan, upang ang mundo ay magkaroon ng buhay sa pamamagitan ng pananampalataya sa Kanyang hain. Iyan ay hindi “makatarungan”—iyan ay biyaya!
English
Kung tayo ay ipinanganak sa kasalanan, paanong makatarungan para sa Diyos na hatulan tayo para sa ating kasalanan?