settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba nating ipagtapat ang ating mga kasalanan kung kanino tayo nagkasala?

Sagot


Alam natin na dapat nating ipagtapat ang ating mga kasalanan sa Diyos, ngunit maraming Kristiyano ang nagtatanong kung kailangan ba nating ipagtapat ang ating kasalanan sa ating kapwa kung kanino tayo nagkasala. Dapat ba nating sabihin sa ating pinagkasalahan na nagsisisi tayo sa ating ginawa sa kanya? ‘Ang paglakad sa liwanag’ (1 Juan 1:7) ay nangangahulugan na namumuhay tayo sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Sa parehong talata, binanggit ang kapatawaran sa pamamagitan ni Kristo at ang ating ‘pakikisama sa isa’t isa.’ Kaya, may koneksyon ang ating pagiging ‘malinis’ sa harapan ng Diyos sa ating relasyon sa ating kapwa tao.

Ang bawat kasalanan na ating nagagawa ay ginagawa natin laban sa Diyos (Awit 51:4). Binibigyang diin ng Bibliya ang pangangailangan ng pagsisisi sa ating mga kasalanan (Awit 41:4; 130:4; Gawa 8:22; 1 Juan 1:9). Tungkol sa pagtatapat ng ating kasalanan sa ibang tao, hindi tayo binibigyan ng utos ng Bibliya na gawin ito. Sinabihan tayo ng maraming beses na ipagtapat natin ang ating mga kasalanan sa Panginoon, ngunit ang isa lamang direktang utos tungkol sa pagtatapat ng kasalanan sa ibang tao ay sa konteksto ng maysakit na ipinanalangin ng matatanda sa Iglesya (Santiago 5:16).

Hindi ito nangangahulugan na hindi tayo dapat humingi ng kapatawaran sa mga taong ating pinagkasalahan. Nagbibigay ang Bibliya ng mga halimbawa tungkol sa pagtatapat ng isang tao ng kanyang nagawang kasalanan sa kanyang kapwa tao. Ang isang halimbawa ay ang mga kapatid ni Jose ng humingi ang mga ito na kapatawaran sa kanilang mga ginawa sa kanya sa Genesis 50:17-18. Ang paghingi din ng tawad sa kapwa ay ipinahiwatig sa mga talatang gaya ng Lukas 17:3-4; Efeso 4:32; at Colosas 3:13.

Masasabing ang prinsipyo ng Bibliya tungkol sa bagay na ito ay ang mga sumusunod: 1) dapat tayong humingi ng tawad sa Panginoon sa bawat kasalanang ating nagagawa. Ninanais Niya sa atin ang isang ‘pusong tapat’ (Awit 51:6). 2) Kung tama ang ating relasyon sa Panginoon, magiging tama din ang ating relasyon sa ating kapwa tao. Tatratuhin natin ang iba sa tamang paraan dapat gawin ng isang tunay na Kristiyano. 3) Ang lalim ng paghingi ng tawad sa isang kasalanan ay kasing lalim ng implikasyon nito sa ating buhay. Sa ibang salita, dapat tayong humingi ng tawad sa Diyos para sa ating mga kasalanan sa ibang tao sinuman sila para sa ikapapayapa ng ating konsensya.

Halimbawa, kung nakapagnasa ang isang lalaki sa isang babae, dapat na agad niyang ihingi ng tawad sa Diyos ang kasalanang iyon. Hindi kinakailangan at hindi tama na ipagtapat niya ang kasalanang iyon sa babaeng kanyang pinagnasaan. Ang kasalanang ito ay sa pagitan lamang ng lalaki at ng Panginoon. Gayunman, kung sumira ang lalaki sa kanyang pangako sa Panginoon na hindi na muling magkakasala sa babaeng iyon at nakagawa siya ng isang bagay na nakaapekto sa buhay ng babae, dapat siyang humingi ng tawad sa kanya. Kung nasangkot ang maraming tao sa kasalanan ng lalaki, halimbawa ang Iglesya, dapat siyang humingi ng tawad sa buong Iglesya. Kaya ang pagtatapat ng kasalanan at ang paghingi ng tawad ay depende sa laki ng epekto nito sa ibang tao. Dapat na marinig ng mga naapektuhan ng kasalanan ang paghingi ng tawad ng nagkasala.

Habang hindi nakasalalay ang pagpapatawad ng Diyos sa ating mga kasalanan sa pagpapatawad sa atin ng ibang tao, tinatawag tayo ng Diyos na maging tapat at bukas sa iba tungkol sa ating mga pagkakasala lalo na kung sangkot sila sa resulta ng ating kasalanan. Kung nakasakit tayo o nagkasala sa ibang tao, dapat tayong magtapat at humingi ng tawad para sa ating mga pagkakasala. Nasa kanila kung patatawarin nila tayo o hindi. Ang ating responsibilidad ay ang magtapat ng ating mga kasalanan, magsisi at humingi ng kapatawaran at magsikap na hindi na muling ulitin pa ang ating mga pagkakasala.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba nating ipagtapat ang ating mga kasalanan kung kanino tayo nagkasala?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries