Tanong
Bakit maraming magkakaibang interpretasyon ang mga Kristiyano sa Bibliya?
Sagot
Sinasabi ng Bibliya, "May isa lamang Panginoon, isang pananampalataya, at isang bautismo" (Efeso 4:5). Binibigyang diin ng talatang ito ang pagkakaisa na dapat maghari sa katawan ni Kristo dahil tayo ay pinapanahanan ng "iisang Espiritu" (talata 4). Sa talata 3, umapela si Pablo para sa kapakumbabaan, kaamuan, katiyagaan, at pag-ibig - ang lahat ng ito ay kailangan para pangalagaan ang pagkakaisa. Ayon sa 1 Corinto 2:10-13, alam ng Banal na Espiritu ang iniisip ng Diyos (talata 11) na Kanyang inihahayag (talata 10) at itinuturo (talata 13) sa Kanyang mga pinananahanan. Ang gawaing ito ng Banal na Espiritu ay tinatawag na iluminasyon.
Sa isang perpektong mundo, ang bawat mananampalataya ay buong sikap na pagaaralan ang Bibliya (2 Timoteo 2:15) sa pamamagitan ng pananalangin at pagtitiwala sa iluminasyon ng Banal na Espiritu. Ngunit malinaw na nakikita natin, hindi ito perpektong mundo. hindi lahat ng pinananahanan ng Banal na Espiritu ay totoong "nakikinig" sa Banal na Espiritu. May mga kristiyano na pinipighati ang Banal na Espiritu (Efeso 4:30). Kapag tinanong mo ang isang titser, kahit ang isang pinakamagaling na titser ay may kuwento tungkol sa mga estudyante na nilalabanan ang pagkatuto kahit na anong gawin ng guro. Kaya ang isang dahilan kung bakit ang maraming tao ay may iba't ibang interpretasyon sa Bibliya ay sa simpleng dahilan na may iba na ayaw magpaturo sa kanilang guro - Ang Banal na Espiritu. Ang mga sumusunod ang ilan pang mga kadahilanan kung bakit may pagkakaiba-iba ng interpretasyon at paniniwala ang maraming nagtuturo ng Bibliya kahit na pare-parehong Kristiyano.
1. Hindi paniniwala. Ang totoo, maraming nagaangkin na sila ay Kristiyano ngunti hindi totoong isnilang na muli at naligtas. Sila ay tinaguriang "Kristiyano" ngunit ang kanilang puso ay hindi totoong binago ng Espiritu. Maraming tao ang hindi pa nga naniniwala sa sa Bibliya ngunit nagkukunwari na nagtuturo ng Bibliya. Inaangkin nila na nagsasalita sila para sa Diyos ngunit namumuhay sila sa hindi pananampalataya. Maraming mga maling interpretasyon sa katuruan ng Bibliya ang nanggagaling sa mga ganitong uri ng tao.
Napakaimposible para sa isang hindi mananampalataya na maunawaan ng tama ang Bibliya. Sinasabi sa 1 Corinto 2:14, "Sapagkat ang taong di nagtataglay ng Espiritu ay ayaw tumanggap ng mga kaloob mula sa Espiritu ng Diyos. Para sa kanila, kahangalan ang mga iyon at di nila nauunawaan, sapagkat ang mga bagay na espirituwal ay mauunawaan lamang sa paraang espirituwal." Ang isang taong hindi ligtas ay hindi makakaunawa ng katotohanan ng Bibliya. Wala siyang iluminasyon ng Espiritu. Bukod dito, kahit na ang pagiging isang pastor o teologo ay hindi garantiya na ang isang tao ay ligtas o tunay na Kristiyano.
Ang isang halimbawa ng kaguluhan sa interpretasyon dahil sa hindi paniniwala ay matatagpuan sa Juan 12:28-29. Nanalangin si Hesus sa Ama na sinasabi, "Ama luwalhatiin mo ang Iyong pangalan." Sumagot ang Ama sa pamamagitan ng malakas na tinig mula sa langit na narinig ng lahat. Gayunman, pansinin ang pagkakaiba ng interpretasyon: "Narinig ito ng mga taong naroon at ang sabi nila, "Kumulog!" Sabi naman ng iba, "Nagsalita sa kanya ang isang anghel!" Narinig ng lahat ang parehong tinig - isang naiintindihang salita mula sa langit - ngunit narinig ng bawat isa ang gusto nilang maring.
2. Kakulangan ng Pagsasanay. Nagbabala si Pedro sa mga taong binabago ang kahulugan ng Bibliya. Ipinaparatang ni Pedro ang mga maling interpretasyon sa kanilang "kamangmangan" (2 Pedro 3:16). Sinabihan ni Pablo si Timoteo na "Pagsikapan mong maging karapat-dapat sa Diyos, manggagawang walang dapat ikahiya at tapat na nagtuturo ng katotohanan" (2 Timoteo 2:15). Walang maiksing tulay para sa tamang interpretasyon ng Bibliya; tayo ay kinakailangang mag-aral.
3. Hindi paggamit ng tamang pamamaraan sa pag-unawa sa Bibliya. Maraming kamalian ang naituturo dahil sa simpleng kabiguan na gumamit ng tamang pamamaraan sa pag-unawa sa Bibliya (good hermeneutics - ang siyensya sa pag-unawa sa Bibliya). Ang paggamit ng isang talata at paginitndi dito na hiwalay sa konteksto ay nakasisira sa orihinal na intensyon o kahulugan ng talata. Ang hindi pagsasa alang-alang sa mas malawak na konteksto ng isang kabanata o ng aklat, ang kabiguan sa pag-unawa sa kasaysayan at kultura ay nagbubunga din ng maraming maling interpretasyon.
4. Kamangmangan sa Salita ng Diyos. Si Apolos ay isang matapang at mahusay na tagapagsalita ngunit ang alam lamang niya ay ang tungkol sa bawtismo ni Juan. Wala siyang alam tungkol kay Hesus at sa Kanyang probisyon ng kaligtasan kayat kulang ang kanyang mensahe. Isinama siya nina Priscilla at Aquila at "ipinaliwanag na mabuti ang mga bagay na hindi pa niya alam tungkol sa Daan ng Diyos" (Mga Gawa 18:24-28). Pagkatapos noon, ipinangaral na ni Apolos si Hesu Kristo. May ilang grupo at mga indibidwal na may hindi kumpletong mensahe dahil nakatuon lamang sila sa ilang mga talata ng Bibliya habang hindi pinagtutuunan ng pansin ang iba. Nabigo silang ikumpara ang Kasulatan sa Kasulatan.
5. Pagkamakasarili at pagmamataas. Malungkot mang sabihin, maraming interpretasyon sa Bibliya ay base sa sariling pananaw lamang at sa mga "iniingatang doktrina." May ilang mangangaral na ginagamit ang maling katuruan para sa personal na kapakinabangan at pagunlad sa pamamagitan ng pagtuturo ng mga "bagong pananaw o perspektibo" sa Kasulatan. (Tingnan ang mga pagkakakilanlan sa mga bulaang guro sa aklat ni Judas).
6. Kabiguan sa paglagong Kristiyano. Kung ang mga Kristiyano ay hindi lumalago sa pananampalataya gaya ng nararapat, ang pangunawa nila sa Salita ng Diyos ay naaapektuhan. "Binigyan ko kayo ng gatas, hindi matigas na pagkain, sapagkat ito'y hindi pa ninyo kaya. At hindi pa ninyo kaya hanggang ngayon sapagkat nananaig pa sa inyo ang laman" (1 Corinto 3:2-3). Ang isang sanggol sa pananampalataya ay hindi pa handa upang kumain ng "karne" ng Salita ng Diyos. Pansinin na ang bunga ng pagiging makalaman ng mga taga Corinto ay ang pagkakabaha-bahagi sa iglesia (talata 4).
7. Labis na pagpapahalaga sa tradisyon. May mga iglesia na nag-aangkin na naniniwala sila sa Bibliya ngunit ang kanilang interpretasyon ay laging sinasala ayon sa mga tradisyon ng kanilang iglesia at kung magkasalungatan ang turo ng Bibliya at ang kanilang tradisyon, laging pinapaboran ang kanilang tradisyon ng higit sa Salita ng Diyos. Tinatanggihan ng ganitong uri ng interpretasyon ang Bibliya at binibigyan ng mas mataas na awtoridad ang mga nagtatag o ang mga namumuno sa kanilang iglesia.
Sa mga pangunahing katuruan, ang Bibliya ay napakalinaw. Walang malabo sa pagka Diyos ni Kristo, sa katotohanan ng langit at impiyerno at sa kaligtasan sa biyaya ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa mga isyung hindi masyadong mahalaga, ang Bibliya ay hindi gaanong malinaw at natural na ito ang nagiging dahilan ng pagkakaiba-iba sa interpretasyon. Halimbawa, walang direktang utos sa Bibliya patungkol sa uri ng musika na gagamitin sa iglesia at kung gaano kadalas gagawin ang kumunyon. Ang mga tapat na Kristiyano ay maaaring magkaroon ng magkakaibang interpretasyon sa mga talata na tumutukoy sa mga hindi pangunahing isyu o katuruan.
Ang mahalaga ay dapat tayong manindigan sa turo ng Bibliya kung ang isang katuruan ay dogmatikong itinuturo sa Bibliya at iwasang ipagpilitan ang isang turo kung hindi naman dogmatiko patungkol dito ang Bibliya. Nararapat na sundan ng mga iglesia sa panahon ngayon ang halimbawa ng unang iglesia sa Jerusalem: "Nanatili sila sa itinuro ng mga apostol, sa pagsasama-sama bilang magkakapatid, sa pagpipira-piraso ng tinapay, at sa pananalangin" (Mga Gawa 2:42). May pagkakaisa sa kanilang iglesia dahil nanatili silang tapat sa turo ng mga apostol. Magkakaroon ng pagkakaisa sa iglesia kung babalik tayo sa doktrina ng mga apostol at isusuko ang mga uso, gimik at mga maling katuruan na unti-unting nakapasok sa iglesia sa ating panahon.
English
Bakit maraming magkakaibang interpretasyon ang mga Kristiyano sa Bibliya?