Tanong
Dapat ba tayong gumamit ng mga instrumentong pangmusika sa Iglesya?
Sagot
Ang mga instrumentong pangmusika ay ginamit ng mga Israelita sa kanilang mga pagsamba sa Lumang Tipan (1 Cronica 15:16; 16:42; 23:5; 2 Cronica 7:6; 23:13; 29:26-27; 30:21; 34:12; Nehemias 12:36; Awit 4:1; 6:1; 54:1; 55:1; 61:1; 67:1; 76:1; Isaias 38:20; Amos 6:5; Habakuk 3:19). Ang katotohanan na hindi ipinagbawal saanman sa Bagong Tipan ang mga instrumentong pangmusika ay nangangahulugan na ang paggamit ng mga instrumento sa pagtugtog sa Lumang Tipan ay ipinagpatuloy ng Iglesya sa Bagong Tipan. Halos lahat ng mga unang iglesya ay binubuo ng mga Hudyo. Malamang na ipinagpatuloy nila ang paggamit ng mga instrumentong pangmusika sa Iglesya, gaya ng kanilang ginagawa sa kanilang pagsamba sa Lumang Tipan.
Kaya nga, kahit na walang tiyak na banggit sa Bagong Tipan, masasabing maaaring gumamit ang Iglesya ng mga instrumentong pangmusika sa pagsamba. Gayunman, may isang talata sa Bagong Tipan na posibleng tumutukoy sa mga instrumentong pangmusika. Sinabi sa Efeso 5:19, "Sama-samang ipahayag ang inyong damdamin sa pamamagitan ng mga salmo, mga imno at mga awiting espirituwal. Buong puso kayong umawit at magpuri sa Panginoon." Ang salitang "buong puso kayong umawit" ay salin sa Tagalog ng salitang Griyegong psallontes, na nangangahulugan na "hipuin o ipahid" o "kalabitin o patunugin." Karaniwang ginagamit ang salitang Griyegong ito sa pagtugtog ng mga instrumentong may kwerdas gaya ng gitara. Anuman ang tinutukoy ng salitang ito, hindi ipinagbabawal saanman sa Bibliya ang paggamit ng mga instrumentong pangmusika sa Iglesya. Kaya nga, ang paggamit o hindi ng mga instrumentong pangmusika ay ayon sa malayang pagpapasya ng Iglesya at ayon sa kumbiksyon ng mga tagapanguna nito.
English
Dapat ba tayong gumamit ng mga instrumentong pangmusika sa Iglesya?