settings icon
share icon
Tanong

Ano ang institusyonal na iglesya?

Sagot


Ang isang institusyon ay isang naitatag na organisasyong pampubliko. Ang salitang institusyonal na iglesya ay tumutukoy sa mga organisadong grupo ng mga nagpapakilalang Kristiyano na nagkikita-kita sa mga itinalagang gusali at sumusunod sa mga pinagkasunduang iskedyul para sa lingguhang pagsamba at pagtuturo. Ang mga institusyonal na iglesya ay laging pinagbubukod ang mga miyembro sa edad, gaya ng mga grupo ng mga batang hindi pa nagaaral at mga gawain para sa mga bata at kabataan. Kabilang sa mga tipikal na gawain linggo-linggo ang sama-samang pagsamba sa pamamagitan ng pagaawitan, pagbibigay ng mga kaloob, at pakikinig sa pagtuturo mula sa isang pastor. Maraming institusyonal na iglesya ang nagaalok din ng mga pagaaral ng Bibliya o iba pang mga klase sa buong sanlinggo. May ilan din na hinihimok ang pagpupulong linggo linggo ng maliliit na grupo (grupo sa komunidad) sa mga bahay-bahay. Ang isang institusyonal na iglesya ay maaaring kabilang sa isang denominasyon gaya ng Baptist, Lutheran, o Methodist, o maaaring hindi kabilang sa isang denominasyon pero ang lahat ng institusyonal na iglesya ay “itinatag” at sumusunod sa isang pangkalahatang modelo para sa organisasyon at pagsamba.

Ang salitang iglesya sa Bagong TIpan ay nagmula sa salitang Griyegong ekklésia, na nangangahulugang “isang grupo ng mga tinawag mula sa.” Ginamit ito sa buong Bagong Tipan para tukuyin ang pagsasama-sama ng mga mananampalatayang Kristiyano. May ilang nagrereklamo na hindi katulad ang institusyonal na iglesya ng ekklesia na nasa isipan ni Jesus noong sabihin Niya na itatayo Niya ang Kanyang iglesya (Mateo 16:18). Ayon sa kanila, hindi nagsasama-sama ang tradisyonal at institusyonal na iglesya para katagpuin ang pangangailangan ng malapit na pagsasama-sama sa isa’t isa gaya ng inilarawan sa aklat ng mga Gawa (Gawa 2:42–46). Binabanggit nila ang maraming pagtukoy sa mga “iglesya sa bahay-bahay” sa mga sulat ni Pablo at naniniwala na ang malilit at personal na pagpupulong ay mas malapit sa modelo ng Bibliya para sa iglesya (Roma 16:5; Felimon 1:2; Colosas 4:15; 1 Corinto 16:19). Sa maiksing salita, tinitingnan nila ang institusyonal na iglesya bilang isang organisasyon na gawa lamang ng tao na hindi ginaganap ang mga layunin na itinalaga ni Jesus para sa ekklésia.

May ilang Kristiyano na umaalis sa mga institusyonal na iglesya dahil sa pagkabigo sa ilang mga aspeto na nakita nilang hindi maganda sa kanilang panlasa; ang iba naman ay tinatanggihan ang mismong konsepto ng institusyonal na iglesya. Ang mga ritwal at tradisyon na naipon sa iba’t ibang institusyonal na iglesya ang tila humahadlang sa tunay na gawain ng Banal na Espiritu. Maraming umaalis sa institusyonal na iglesya ang tunay na may pagkauhaw para sa Diyos at hindi napupunuan ang pangangailangang ito sa tradisyonal na pamamaraan. Ang mga Kristiyanong ito ay hindi umaalis sa iglesya para tuluyang hindi na sumamba at maglingkod sa Diyos.

Sinasabi ng ilang hindi nagugustuhan ang institusyonal na iglesya na sa maraming kaso, ang ginagawang paraan ng pagsamba ay isang malamig na pormalidad na malayong malayo sa maalab na pagsamba na makikita sa Bagong Tipan. Totoo na marami sa mga institusyonal na iglesya ang ipinagpalit ang relihiyon para sa pagsamba at isiningit ang mga elementong gawa ng tao na nakakahadlang sa intensyon ng puso na katagpuin ang Diyos; gayunman, totoo din na maraming tradisyonal na iglesya ang nagsasanay ng tapat at buong pusong pagsamba sa Diyos.

Kung bahagi man ang isang tao ng isang institusyonal na iglesya o dumadalo sa isang iglesya sa isang bahay, ang modelo ng Bibliya para sa iglesya ay dapat na sundin. Kabilang sa modelong ito ang mga susmusunod:

1. Pastor at/o matatanda sa iglesya. Ang pagkakaroon ng mga tagapanguna ay bahagi na ng pagtitipon ng iglesya mula pa sa pasimula. Nagumpisa ang pangunguna sa mga apostol na nagtalaga ng mga kwalipikadong lalaki para maging mga pastor habang lumalago ang iglesya. Hindi itinalaga ng mga tagapangunang ito ang kanilang sarili o pinili ng walang pagkakilala. Ang pagiging pastor o tagapanguna ay hindi lamang simpleng kagustuhan ng isang tao. Kailangang makapasa ang sinumang nagnanais na maging isang tagapanguna o diyakono sa mga istriktong kwalipikasyon. Idinetalye sa 1 Timoteo 3:1–15 ang mga katangiang kinakailangang taglayin ng mga nagnanais na maging tagapanguna sa espiritwal. Sa Gawa 20:28, tinuruan ni Pablo ang mga tagapanguna sa Efeso na “Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan, na inilagay ng Espiritu Santo sa inyong pangangasiwa. Pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos na kanyang tinubos sa pamamagitan ng dugo ng kanyang Anak.” Inuutusan ang mga Kristiyano sa Hebreo 13:17 na igalang ang mga tagapanguna sa espiritwal dahil “mananagot sila sa Diyos sa gawaing ito.” At sa 1 Timoteo 5:17 sinasabi na ang mga tapat na pastor/matatanda sa iglesya ay “karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran.”

2. Sama-samang pagsamba. Sa buong Lumang Tipan, tinawag ng Diyos ang Kanyang bayan na lumapit sa Kanya bilang isang grupo (Exodo 33:10; 2 Hari 10:18; Deuteronomio 31:12). Ninanais pa rin ng Diyos na lumapit sa Kanya ng sama-sama ang Kanyang bayan at may iisang tinig na magpuri at taos-pusong tumawag sa Kanyang pangalan. Walang ebidensya sa Bagong Tipan na ang mga masunuring Kristiyano ay nagdesisyon na “hindi nila gusto ang iglesya” at tumangging makilahok dito.

3. Pangangasiwa. Ilang taon pagkatapos na magumpisa ang iglesya, ang mga iglesya sa isang siyudad ay nakikipagugnayan sa ibang iglesya at nagpapadala ng tulong sa ibang iglesya (2 Corinto 8—9; Gawa 11:30). Sa tuwing bumibisita si Pablo o ang kanyang mga kinatawan sa isang iglesya, nagbibigay ang kongregasyon ng pondo na kanilang nakolekta para katagpuin ang pangangailangan ng mga kapatid sa pananampalataya sa ibang rehiyon. Sa pamamagitan ng pagtitipon ng pinansyal at kakayahan, kaya ng mga iglesya na gumawa ng maraming kabutihan sa mundo.

Dapat tiyakin ng mga miyembro ng isang institusyonal na iglesya na sumusunod sila sa isang biblikal na pastor, magkakasamang sumasamba sa espiritu at katotohanan, at nagsasanay ng mabuting pangangasiwa ng mga tinatangkilik ng iglesya. Dapat silang maging mga aktibong kalahok sa ministeryo ng iglesya, sa ibang mga miyembro ng iglesya, gayundin sa mga hindi mananampalataya na kanilang inaabot. Ganito rin dapat ang ginagawa ng mga miyembro ng isang maliit na iglesya sa isang bahay. Ang hindi natin dapat gawin ay umalis sa isang iglesya o lumayo mula sa Katawan ni Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang institusyonal na iglesya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries