settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng ingatan ang iyong puso?

Sagot


Itinuturo sa Kawikaan 4:23-26: "Ang puso mo'y ingatang mabuti at alagaan, pagkat iyan ang siyang bukal ng buhay mong tinataglay. Ilayo mo sa iyong bibig ang salitang mahahalay, ilayo ang mga labi sa kasinungalingan. Palaging sa hinaharap ang pukol ng iyong tanaw, ituon ang iyong pansin sa iyong patutunguhan. Siyasatin mong mabuti ang landas na lalakaran, sa gayon ang lakad mo ay laging matiwasay." Nang sinabi ni Solomon ang patungkol sa pag-iingat sa puso, sadyang tinutukoy niya ang mga panloob na katangian ng isang tao, ang kanyang mga saloobin, damdamin, hangarin, kalooban, at mga kagustuhan na siyang bumubuo sa kanyang pagkatao. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang ating mga saloobin ang madalas na nagdidikta sa ating pagkatao (Kawikaan 23:7; 27:19). Ang isip ng tao ay sumasalamin sa kanyang pagkatao, hindi lamang sa kanyang mga ginagawa o mga salita. Ito ang dahilan kung bakit sinusuri ng Panginoon ang puso ng isang tao, hindi lang sa panlabas na anyo at kung ano ang nakikita na mayroon sa kanya (1 Samuel 16:7).

Tulad ng mga iba't-ibang karamdaman at sakit na maaaring makaapekto sa pisikal na puso ng tao, may maraming karamdamang espiritwal sa puso na maaaring makasira sa paglago at pag-unlad ng isang mananampalataya. Ang atherosclerosis ay isang karamdaman na pagtigas ng mga arteries dahil sa naipong kolesterol na bumabara sa daanan ng mga arteries na bahagi ng puso. Ang katigasan sa espiritwal na puso ay maaari ding mangyari. Nangyayari ito dahil sa patuloy na pagtanggi sa katotohanan ng Salita ng Diyos.

Bagama't pinarusahan ang bansang Ehipto ng maraming mga kalamidad ng tumanggi ang Paraon na palabasin ang mga Israelita mula sa pagkaalipin, pinagmatigas niya ang kanyang puso laban sa plano ng Diyos na Makapangyarihan sa lahat na palayain ang Kanyang mga tao mula sa pagkaalipin (Exodo 7:22; 8:32; 9:34). Sa Awit 95:7-8, nagsumamo si Haring David sa kanyang mga tao na huwag nilang pagmatigasin ang kanilang puso sa paghihimagsik laban sa Diyos tulad ng kanilang ginawa sa ilang noong unang panahon. Maraming mga bagay ang maaaring maging dahilan ng katigasan ng puso na humahantong sa pagtanggi laban sa kalooban ng Panginoong Diyos; at tulad sa kolesterol na bumabara sa daanan ng dugo sa puso, humahadlang ito sa pagkakaroon ng kapayapaan at mga pagpapalang galing sa Panginoon na maaaring matanggap ng isang mananampalataya. Samakatwid, ang pag-iingat laban sa pagiging suwail at pananatiling mapagkumbaba sa pagsunod ng Salita ng Diyos ang unang hakbang sa pag-iingat sa ating mga puso.

Ang paglagaslas ng puso ay isang abnormal na kalagayan ng pagdaloy ng dugo dahil sa hindi maayos na pagtrabaho ng mga barbula sa puso. Ang mga barbula sa puso ang siyang nagsisilbing pinto at harang sa pagpapabalik-balik ng daloy ng dugo sa puso. Nangyayari ang espiritwal na paglagaslas ng puso kung nakikiisa ang mga mananampalataya sa mga mareklamo, tsismisa, mga alitan, at pagtatalo. Laging pinapaalalahanan ang mga mananampalataya na iwasan ang pagmamaktol, at pagrereklamo (Juan 6:43; Filipos 2:14). Ang pakikiisa sa mga gawaing ito ang siyang naglalayo sa mga mananampalataya sa mga plano, layunin, at mga biyaya ng Diyos na laban sa mga makamundong bagay. Ito ay kawalan ng pananampalataya sa Panginoon, at ang mga walang pananampalataya ay hindi kalugod-lugod sa Panginoong Diyos (Hebreo 11:6). Sa halip, ang mga Kristiyano ay tinuturuan na makuntento sa lahat ng bagay, at magtiwala sa Panginoong Diyos na Siyang nagbibigay ng ating kinakailangan sa kanyang nakatakdang panahon (Hebreo 13:5). Ang ikalawang hakbang sa pag-iingat sa ating puso ay pagbabantay laban sa espiritu ng pagrereklamo at paglinang sa espiritu ng pasasalamat at pagtitiwala .

Ang pagsisikip at pagiging mahina ng puso ay isang karamdaman na nagiging dahilan sa pagpalya ng pagdaloy ng dugo patungo sa mga bahagi ng ating katawan. Maaaring magdulot ito ng (mataas na presyon ng dugo, atake sa puso, at abnormal na paglaki ng puso. Ang espiritwal na katumbas nito ay galit, pagkahulog sa tukso, at pagmamataas. Ang galit ay katulad ng isang lason sa katawan, sa parehong pisikal at espiritwal na paraan, na kumikilos sa isang mananampalataya upang mahulog sa tukso at maging dahilan ng pananakit laban sa kapwa sa pamamagitan ng mga salita at gawa. Itinuturo ng Efeso 4:31-32, "Alisin na ninyo ang lahat ng sama ng loob, poot at galit; huwag na kayong mambubulyaw, manlalait at mananakit ng damdamin ng kapwa. Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Kristo."

Ang bawat Kristiyano ay nasa ilalim ng matinding digmaan laban sa mga gawain ng diyablo. Marami sa atin ang nakatuon ang pakikipagbaka laban sa mga panlabas na espiritwal na digmaan at nakakaligtaan natin na hindi lamang sa panlabas ang labanan kundi sa ating mga sarili mismo, sa ating sariling isipan at kagustuhan. Ipinaalala sa atin sa Santiago 1:14-16, "Natutukso ang tao kapag siya'y naaakit at nagpapatangay sa kanyang sariling nasa. Kapag ang nasa ay tumubo at nag-ugat sa kanyang puso, magbubunga ito ng pagkakasala. Kapag ang kasalanan ay lumala, ito'y hahantong sa kamatayan. Huwag kayong padaya, mga kapatid kong minamahal." Palaging nagsisimula sa isipan ang kasalanan. Magsisimulang mag-isip ng kasalanan ang isang tao bago niya iyon tuluyang gawin sa aktwal. Samakatuwid, ang unang linya ng depensa ay ang pagtanggi sa anumang makasalanang iniisip. Sinasabi ni Apostol Pablo na bihagin natin ang ating kaisipan ayon sa kalooban ng ating Panginoong Hesu Kristo (2 Corinto 10:3-5).

Sinasabi sa Kawikaan 16:18 na humahantong sa pagkawasak ang pagmamataas. "Kinamumuhian ni Yahweh ang lahat ng mayayabang, at sila'y tiyak na paparusahan" (Kawikaan 16:5). Pagmamataas sa sarili ang unang naging kasalanan ni Satanas, nang hinangad niya na pantayan ang Panginoong Diyos at inudyukan ang ikatlong bahagi ng mga anghel sa isang paghihimagsik sa langit (Ezekiel 28:17). Dahil dito, pinatalsik si Satanas mula sa langit. Tinukso ni Satanas si Eba sa Hardin ng Eden sa pamamagitan ng pagtataas ng sarili. Sinabi niya, "Sapagkat nalalaman ng Diyos na kapag kumain ka mula sa [ang ipinagbabawal na puno] ang iyong mga mata ay mabubuksan, at ikaw ay magiging parang kagaya ng Diyos, na nakakakilala ng mabuti at masama" (Genesis 3:5). Hinangad ni Eba na maging kasing talino ng Diyos, kaya siya sumunod sa payo ni Satanas na kumain ng bunga ng puno. Ang pagmamataas, samakatuwid, ang naging dahilan ng pagbagsak ng tao. Ayaw ni Satanas na sundin ng tao ang Panginoong Diyos sa halip ay sundin ang sarili niyang kagustuhan at gawin niyang Diyos ang kanyang sarili at pamahalaan ang kanyang sariling buhay. Ito ang satanismong pilosopiya, ang pamantayan ng pilosopiya ni Satanas: ang pangkukulam, sekular na pagkamakatao, at bagong sistemang mistisismo.

Ang pag-iwas sa galit, pagmamataas, at tukso ay isang kritikal na elemento ng pag-iingat sa ating puso. Ito ang tagubilin sa atin ni Apostol Pablo: "Bilang pagtatapos, mga kapatid, dapat maging laman ng inyong isip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang" (Filipos 4:8). Ang pananatili sa mga bagay na ito ang makakatulong upang magtayo ng bakod na pangdepensa sa ating mga puso.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng ingatan ang iyong puso?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries