Tanong
Ilan lahat ang mga anghel?
Sagot
Tatlong anghel lamang ang pinangalanan sa Bibliya: si Gabriel, (Daniel 8:16), Miguel Arkanghel (Daniel 10:13), at Lucifer, ang nagkasalang anghel (Isaias 14:12). Pero binanggit ang mga anghel ng may 273 beses sa 34 apat na mga aklat ng Bibliya. Habang hindi natin alam ang eksaktong bilang ng mga anghel, alam natin na may napakaraming bilang ng mga anghel.
Inilalarawan sa Aklat ng Hebreo ang hukbo ng mga anghel na hindi mabilang sa dami: “Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon” (Hebreo 12:22). Ang kahanga-hangang larawang ito ay pinalawak sa aklat ng Pahayag: “Nakita ko at narinig ang tinig ng maraming mga anghel sa palibot ng trono at ng mga nilalang na buháy at ng matatanda; at ang bilang nila ay milyun-milyon at libu-libo” (Pahayag 5:11).
Habang hindi sinasabi sa Bibliya ang eksaktong bilang ng mga anghel, may naniniwala na mas marami ang bilang ng mga anghel kaysa sa kabuuang bilang ng tao sa buong kasaysayan. Ang teoryang ito ay ayon sa Mateo 18:10, “Pag-ingatan ninyong huwag hamakin ang isa man sa maliliit na ito, sapagkat sinasabi ko sa inyo, ang kanilang mga anghel sa langit ay patuloy na nakikita ang mukha ng aking Ama na nasa langit.” Tila ipinapahiwatig ng talata na ang bawat tao, o mga bata ay mga anghel na tagapagbantay. Bagama’t posible na ang pananalitang ito ni Jesus ay tungkol sa pangkalahatang gawain ng mga anghel bilang tagapagingat ng mga bata. Anuman ang kaso, malinaw ang sinasabi ng Kasulatan na nagbabantay at nagiingat ang mga anghel sa mga tao (Awit 34:7; 91:11–12; Mateo 18:10; Gawa 12:9–15).
Inilalarawan ng Bibliya ang iba’t ibang uri ng mga anghel. May ilang anghel na gaya ng kerubin at serapim na inilarawan na mga nilalang na may pakpak. Ang pangunahing gawain ng mga kerubin ay magbantay sa trono ng Diyos habang tila ang gawain ng mga serapim ay sumamba at magpuri sa Diyos (Ezekiel 1:4–28; 10:1–22; Isaias 6:2–6). Inilalarawan ng Bibliya ang mga anghel bilang mga anghel ng kaliwanagan (2 Corinto 11:14) at mga anghel na nagkasala (2 Pedro 2:4; Judas 1:6).
May iba’t ibang gawain ang mga anghel sa Bibliya. May ilang anghel na tagapaghatid ng mensahe ng Diyos (Daniel 4:13). Ang ibang mga anghel ay mga alipin ng Diyos (Awit 103:20; Hebreo 1:7; Awit 104:4). Ang mga “bantay na anghel” ay binanggit sa aklat ni Daniel (Daniel 4:13, 17, 23). Laging inilalarawan ang mga anghel bilang mga hukbo ng kalangitan (Jeremias 5:14; 38:17; 44:7; Oseas 12:5). Sa ibang pagkakataon, ang mga anghel ay tinatawag na “mga anak ng makapangyarihan” (Awit 89:6) o “mga anak ng Diyos” (Job 2:1).
May ilang talata sa kasulatan na inilalarawan ang mga anghel bilang mga bituin (Pahayag 9:1; 12:4; Job 38:7–8; Daniel 8:10; Hukom 5:20). Ang salitang bituin ay nagbibigay sa atin ng pinakamagandang ideya kung ilan ang bilang ng mga anghel. Kung ang mga anghel ay gaya ng mga bituin sa langit, napakarami nila para bilangin. Sinasabi ni Moises sa Deuteronomio 33:2 na nakipag-usap sa Kanya ang Panginoon sa bundok ng Sinai kasama ang “laksa-laksang mga banal,” o mga anghel. Ilan ang laksa-laksa? Ang pangunahing kahulugan ng laksa-laksa ay “hindi mabilang” o “hindi kayang bilangin.” Sinasabi sa Awit 68:17 na sila ay “libu-libo.” Malinaw na nahihirapan ang manunulat na ilarawan ang bilang ng mga anghel.
English
Ilan lahat ang mga anghel?