settings icon
share icon
Tanong

Paano ko ilalagak ang aking mga pagaalala at suliranin sa Diyos?

Sagot


Ito ang nakakalungkot na katotohanan minsan sa maraming Kristiyano na bagaman tayo ay nauukol na sa Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo, ay waring nararanasan pa rin natin ang mga suliraning nagpahirap sa atin noong hindi pa tayo ligtas. Madalas tayong masiraan ng loob at manghina dahil sa mga kabalisahan sa buhay. Ang katotohanan na mayroong mga ganitong kinakaharap na suliranin sa Luma at Bagong Tipan ay nagpapahiwatig na alam ng Diyos na ang mga problema at mga alalahanin ay hindi maiiwasan sa buhay na ito. Mabuti na lang, binigyan Niya tayo ng solusyon sa pamamagitan ng Awit at ng sulat ni Pedro. “Ilagak kay Yahweh iyong suliranin, aalalayan ka't ipagtatanggol rin; ang taong matuwid, di niya bibiguin” (Awit 55:22), at “Ipagkatiwala ninyo sa kanya ang inyong mga alalahanin sa buhay sapagkat siya ay nagmamalasakit sa inyo” (1 Pedro 5:7).

Nakapaloob sa mga talatang ito ang ilang nakamamanghang katotohanan: Aalalayan tayo ng Diyos, hindi Niya tayo hahayaang mabigo, at Siya ay nagmamalasakit sa atin. Unang makikita natin na ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang kakayahan at ang Kanyang pagnanais na maging ating lakas at alalay-sa isip, damdamin at espirituwal. Makakaya Niya (at higit sa lahat, handa!) Siyang kunin ang lahat ng mga nagbabantang dumaig sa atin at gamitin ito para sa ating kapakinabangan. Nangako Siya na “ang lahat ng bagay ay gumagawa para sa ikabubuti ng mga nagmamahal sa Kanya, na Kanyang tinawag ayon sa Kanyang layunin.” Kahit sa mga panahon na tayo ay nag aalinlangan sa Kanya, patuloy pa rin Siyang gumagawa para sa ating ikabubuti at para sa Kanyang kaluwalhatian. Ipinangako rin niya na wala Siyang pahihintulutang pagsubok na hindi natin kaya sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Cristo at bibigyan Niya tayo ng paraan upang malampasan ito (1 Corinto 10:13). Dahil sa mga ito, ipinapaalala Niya sa atin na hindi Niya hahayaang tayo ay mabigo, tulad ng Kanyang pangako sa Awit 55:22.

Ang ikatlong pangungusap na, “nagmamalasakit Siya sa 'yo ay nagbibigay sa atin ng pagganyak sa likod ng iba pa Niyang mga pangako. Ang ating Diyos ay hindi manhid, walang damdamin o pabagu-bago. Kundi Siya ay ating mapagmahal na Amang nasa langit na may pusong magiliw sa kanyang mga anak. Ipinapaalala sa atin ni Jesus na kung paanong hindi pwedeng ikaila ng isang makalupang ama ang kanyang mga anak gayon ipinangako ng Diyos na bibigyan niya tayo ng “mabubuting kaloob” sa tuwing magsisihingi tayo sa Kanya (Mateo 7:11).

Sa diwa ng paghingi ng mabuting mga kaloob, una sa lahat ay kailangang manalangin tayo at sabihin sa Panginoon na naririnig natin ang kanyang sinasabi sa Juan 16:33, kung saan sinabi ni Jesus na, “Sinabi ko ito sa inyo upang sa inyong pakikipag-isa sa akin ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Magdaranas kayo ng kapighatian sa sanlibutang ito, ngunit tibayan ninyo ang inyong loob! Napagtagumpayan ko na ang sanlibutan!”

Ang Panginoon ay nagpapahayag sa atin sa pamamagitan ng Kanyang Salita, ang Bibliya, na tayo ay “makapagsasaya,” at:

1) May kagalakan sa ating mga suliranin sapagkat ang mga ito ay ginagamit ng Diyos para sa ating kapakinabangan. “dahil alam nating ito'y nagbubunga ng pagtitiyaga. At ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng mabuting pagkatao, at ang mabuting pagkatao ay nagbubunga ng pag-asa” (Roma 5:3-4);
2) makikita natin ang ating mga “pag-aalala” bilang pagkakataon upang magawa natin ang sinasabi sa Kawikaan 3:5-6 na, “Kay Yahweh ka magtiwala, buong puso at lubusan, at huwag kang mananangan sa sariling karunungan Sa lahat ng iyong gawain siya nga'y alalahanin, upang ika'y patnubayan sa iyong mga tatahakin.”
3)malalabanan ang ating galit sa pamamagitan ng pagsunod sa nakasaad sa Efeso 4:32 na, “Sa halip, maging mabait kayo at maawain; magpatawad kayo sa isa't isa tulad ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos dahil kay Cristo”; at:
4) magagawa nating harapin ang anomang makasalanang damdamin sa pamamagitan ng pananampalataya at pagkilos ayon sa katotohanan ng 1 Juan 1:9, “Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid.” Ang lahat nang ating suliranin ay kayang pagtagumpayan sa pamamagitan ng simpleng pagsampalataya sa Salita ng Diyos.

Ang Diyos ay higit na malaki kaysa ating pinagsamang alalahanin at mga problema, dapat nating mapagtanto ang bagay na ito kung nais nating magkaroon ng anumang tagumpay sa ating buhay. Lahat ay nagdurusa o nakararanas ng tukso, sapagkat itinuturo ng Bibliya na ang tukso ay “pangkaraniwan” na sa mga tao (1 Corinto 10:13). Huwag tayong padaya kay Satanas sa pagiisip na ang lahat nating mga suliranin ay ating kasalanan, lahat ng ating pagkabahala ay magkakatotoo, lahat ng ating galit ay hahatol sa atin, o ng pag iisip na lahat ng ating sala ay galing sa Diyos. Kung tayo man ay magkasala at magsisi, patatawarin at lilinisin tayo ng Diyos. Hindi natin kailangang mahiya, sa halip angkinin natin na ang Diyos ayon sa kanyang Salita ay nagpapatawad at nililinis Niya tayo. Walang kasalanan sa atin na lubhang mabigat at hindi kayang alisin ng Diyos upang itapon sa kalaliman ng dagat (tingnan ang Awit 103:11-12).

Sa totoo lang, ang damdamin ay nagmumula sa isip, kaya, kahit hindi natin kayang baguhin ang ating nararamdaman, maaari naman nating baguhin ang ating pag iisip. At ito ang nais ng Diyos na gawin natin. Halimbawa, sa Filipos 2:5 ay sinabihan ang mga Kristiyano na, “Nawa'y magkaroon kayo ng kaisipan na tulad ng kay Cristo Jesus.” Sa Filipos 4:8 naman ay iniutos sa mga Kristiyano na, “laging isaisip ang mga bagay na karapat-dapat at kapuri-puri: mga bagay na totoo, marangal, matuwid, malinis, kaibig-ibig, at kagalang-galang.” Sa Colosas 3:2 ay sinasabi rin sa atin na, “Ang mga bagay na panlangit ang isaisip ninyo, hindi ang mga bagay na panlupa.” Ibig sabihin, mababawasan ang pakiramdam natin ng mali, kapag ginawa natin ang mga bagay na ito.

Kaya't sa bawat araw ay idalangin natin na ang Salita ng Diyos ang maging gabay natin, pakinggan at pagbulay-bulayan natin ang mga ito lalo na kapag dumarating ang mga suliranin at kabalisahan sa buhay. Ang sekreto kung paano natin ipapaubaya kay Cristo ang anumang bagay ay hindi naman talaga lihim- sapagkat ito'y nangangahulugan lang ng pagsasabi kay Jesus na alisin ang pahirap ng “orihinal na kasalanan” at Siya ay maging Tagapagligtas natin (Juan 3:16), at magpasakop tayo sa Kanya bilang Panginoon sa ating pang araw-araw na buhay.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ko ilalagak ang aking mga pagaalala at suliranin sa Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries