Tanong
Bumagsak bang kasama ni Lucifer ang ikatlong bahagi (1/3) ng bilang ng mga anghel?
Sagot
Habang wala kahit isang talata na direktang nagsasabi na “ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel ang bumagsak mula sa langit,” may ilang mga talata naman na kung pagsasama-samahin ang magbibigay sa atin ng ganitong konklusyon. May isang panahon pagkatapos ng paglikha, at tiyak na pagkatapos ng ikaanim na araw ng ideklara ng Diyos ang lahat ng Kanyang nilikha na “mabuti” (Genesis 1:31) na nagrebelde si Satanas laban sa Diyos at pinatalsik mula sa langit. “Ano't nahulog ka mula sa langit, Oh tala sa umaga, anak ng umaga! paanong ikaw ay lumagpak sa lupa, ikaw na siyang nagpahina sa mga bansa!” (Isaias 14:12). Sinabi ni Kristo, “Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik (kidlat), mula sa langit” (Lukas 10:18), at sa aklat ng Pahayag, sinabi na si Satanas ay “isang bituin na nahulog sa lupa mula sa langit” (Pahayag 9:1).
Sinasabi sa atin na ikatlong bahagi ng “di mabilang na hukbo ng mga anghel” (Hebreo 12:22) ang piniling magrebelde kasama ni Satanas. Nakita ni Juan sa isang pangitain ang kamangha-manghang kaganapang ito sa langit, “…ang isang malaking dragong mapula, na may pitong ulo at sangpung sungay…At kinaladkad ng kaniyang buntot ang ikatlong bahagi ng mga bituin sa langit, at ipinaghagis sa lupa…ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya'y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya” (Pahayag 12:3–9).
Dahil tinutukoy si Satanas bilang isang bituin na nahulog o itinapon sa lupa, at sinasabi sa Pahayag 12:4 na ikatlong bahagi ng bilang ng mga bituin ang itinapong kasama niya, masasabi na ang mga bituin sa Pahayag 12 ay tumutukoy sa mga anghel na nagkasala, ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel sa langit. Kung eksakto ang ikatlong bahagi ng bilang ng mga anghel, anong laking katiyakan ang mayroon tayo! Ang nakararaming anghel ay kakampi pa rin ng Diyos, at para sa atin na mga tagasunod ni Kristo, kakampi din naman natin sila.
English
Bumagsak bang kasama ni Lucifer ang ikatlong bahagi (1/3) ng bilang ng mga anghel?