Tanong
Ano ang kahalagahan ng pagiging kaanib sa isang iglesya?
Sagot
Ano ang kahalagahan ng pagiging tulad sa isang kapamilya ng mga kapwa mananampalataya? Maituturing ang Gawa 2:42 na isang pangunahing pahayag tungkol sa gawain ng Iglesya: “At sila'y nagsipanatiling matibay sa turo ng mga apostol at sa pagsasamasama, sa pagpuputolputol ng tinapay at sa mga pananalangin.”
Binibigyang diin ng Bibliya ang kahalagahan ng pagiging kaanib sa Iglesya bilang isang pamilya dahil sa mga sumusunod na kadahilanan:
Nagaaral tayo ng Salita ng Diyos na magkakasama — Nagbibigay ang Iglesya ng pagkakataon na makapagaral ng Bibliya. Nagaganap ito tuwina sa mga maliliit na grupo, sa pagaaral ng Bibliya sa bahay-bahay, sa pagtuturo ng pastor, sa paaralang lingguhan at iba pang mga gawain. Tinawag ang Iglesya upang lumago sa espiritwal na magkakasama at upang magpalakasan sa isa’t isa. Sinasabi sa 2 Timoteo 3:16, “Ang lahat ng mga kasulatan na kinasihan ng Dios ay mapapakinabangan din naman sa pagtuturo, sa pagsansala, sa pagsaway, sa ikatututo na nasa katuwiran.”
Pinararangalan natin ang Diyos ng magkakasama sa pamamagitan ng pagsamba — Nagkakaisa ang mga mananampalataya kung sumasamba silang magkakasama, sa pamamagitan ng musika, pakikinig sa pangangaral at sa paglilingkod. Binibigyang diin sa Awit 34:3 ang tawag sa sama-samang pagsamba: “Oh dakilain ninyo na kasama ko ang Panginoon, at tayo'y mangagbunyi na magkakasama ng kaniyang pangalan.”
Nagkakaroon tayo ng pananagutan sa isa’t isa—Nagbibigay ang Iglesya ng isang praktikal na oportunidad sa pagkakaroon ng pananagutan sa isa’t isa. Sa tuwing lumalago ang relasyon at nabubuo ang pagkakaibigan ng magkakapatid sa Panginoon, may mga taong nagpapalakas ng ating loob, nagtutuwid sa atin kung kinakailangan, at nakikiramay sa atin sa lahat ng kalagayan sa buhay. Sinasabi sa Kawikaan 27:17, “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal; gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan.” Ang pananagutan sa isa’t isa ay napakahalaga sa pakikibaka laban sa kasalanan, at ang Iglesya ay isang napakagandang lugar upang magkaroon ng isang makakausap, mananalangin at mapagtatapatan ng mga kabigatan sa buhay.
Nagkakaroon tayo ng suporta sa panahon ng mga pagsubok— Sa tuwing dumarating ang mga pagsubok, napakahalaga ng suporta ng kapwa mananampalataya. Sa mga ganitong pagkakataon, maaari kang ipanalangin ng mga kapatid sa pananampalataya o maaari ka nilang tulungan sa mga pangangailangan gaya ng pagbibigay ng payo, pagkain,pera, pagaalaga sa mga anak at iba pa. Hinihimok tayo sa Galacia 6:2 na “mangagdalahan ng mga pasanin ng isa't isa, at tuparin ang kautusan ni Cristo.”
Nagkakaroon tayo ng oportunidad para sa paglilingkod — Hindi lamang tayo tumatanggap ng tulong sa Iglesya; nagbibigay din tayo ng tulong sa iba. Ang tawag sa iyo sa Iglesya ay makapag-ambag hindi lamang tumanggap. Kung malapit ang ating kaugnayan sa ibang mananampalataya, alam natin kung kailangan nila ang ating tulong at panalangin. Dapat tayong kumilos sa abot ng ating makakaya at tumulong sa kanila sa mga praktikal na kaparaanan. Sinasabi sa Efeso 6:7, “Maglingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng sa Panginoon, at hindi sa mga tao.”
Nakagagawa tayo ng mga alagad— May mga pagkakataon na kailangan din nating magpakain sa iba hindi lamang kumain ng espiritwal na pagkain (Hebreo 5:12). Maaari tayong magpahayag ng Ebanghelyo, magturo, magpalakas ng loob at gumawa ng mga “alagad” mula sa mga kapwa natin miyembro ng Iglesya. “At lumapit si Jesus sa kanila at sila'y kaniyang kinausap, na sinasabi, Ang lahat ng kapamahalaan sa langit at sa ibabaw ng lupa ay naibigay na sa akin. Dahil dito magsiyaon nga kayo, at gawin ninyong mga alagad ang lahat ng mga bansa, na sila'y inyong bautismuhan sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo: Na ituro ninyo sa kanila na kanilang ganapin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo: at narito, ako'y sumasa inyong palagi, hanggang sa katapusan ng sanglibutan” (Mateo 28:18–20).
Sa panahong ito na nagiging makamundo na ang ating kultura, isang napakalaking pribilehiyo ang makabilang sa pamilya ng mga kapwa mananampalataya na kaisa natin sa pagiisip at naisin. Maaaring mapalakas ang ating loob ng ating mga kapatid sa pananampalataya at matulungan tayo sa ating paglalakbay sa pananampalataya, masagot ang ating mga katanungan tungkol sa mga isyung espiritwal, at umalalay sa atin sa panahon ng mga pagsubok at kahirapan. Binibigyan din tayo ng Iglesya ng oportunidad na maglingkod sa iba at gumawa ng mga alagad. “At tayo'y mangagtinginan upang tayo'y mangaudyok sa pagiibigan at mabubuting gawa; Na huwag nating pabayaan ang ating pagkakatipon, na gaya ng ugali ng iba, kundi mangagaralan sa isa't isa; at lalo na kung inyong namamalas na nalalapit na ang araw” (Hebreo 10:24-25).
English
Ano ang kahalagahan ng pagiging kaanib sa isang iglesya?