Tanong
Gaano kalaking pagpapahalaga ang dapat na ibigay ng Iglesya sa gawain ng pagsamba?
Sagot
Kung may nagligtas ng ating buhay, ang nararapat lamang na tugon ay pasasalamat. Kung binigyan tayo ng isang regalo na hindi natin kayang bilhin o bayaran, ipinapaabot natin ang ating taus-pusong pasasalamat sa nagbigay. Ang pagsamba ay ekspresyon ng ating pasasalamat at pagkilala sa Diyos. Iniligtas tayo ni Hesus. Inibig tayo ng Diyos ng walang kundisyon. Sa ating pagsamba, kinikilala natin ang kapangyarihan ng Diyos bilang manlilikha ng lahat ng bagay gayundin bilang Tagapagligtas ng ating mga kaluluwa. Kaya nga, ang pagsamba ang isa sa pinakamataas na tungkulin at pribelihiyo para sa indibidwal na mananampalataya at para sa Iglesya.
Ang Kristiyanismo ay natatangi sa lahat ng relihiyon dahil ito ay nakasalalay sa isang personal na relasyon sa Diyos. Sinabi ng Diyos sa Exodo 34:14, "Huwag kayong sasamba sa ibang diyos sapagkat akong si Yahweh ay Diyos na mapanibughuin; ang pangalan ko'y Mapanibughuin." Ang ating personal na relasyon sa ating Manlilikha ang pundasyon ng ating pananampalataya.
Ang pagsamba ay isang gawain ng pagdiriwang sa personal na relasyong ito. Sa pamamagitan ng pagsamba, nakikipag-ugnayan tayo sa Diyos. Sa pamamagitan ng pagsamba, kinikilala natin ang Kanyang pagiging Panginoon at ang Kanyang pagkaDiyos. Sa anumang kaparaanan, sa pagawit, pagsigaw, pananalangin o iba pang aksyon, sa puso ng pagsamba ay ang ekspresyon ng isang malapit na kaugnayan sa Diyos. Dapat tayong mamuhay sa pagsunod sa mga utos ng Diyos, ngunit hindi Niya ninanais ang isang malamig at hindi pinag-isipang pagsunod. Sinasabi sa Deuteronomio 6:5, "At iyong iibigin ang Panginoon mong Dios ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas."
Ang Iglesya ay isang kalipunan ng lahat ng mga taong tumatawag sa pangalan ng Diyos, at nakikinabang sa biyayang Kanyang ipinagkakaloob sa pamamagitan ng kamatayan ni Hesus sa krus. Inutusan tayo ni Hesus na gumawa ng mga alagad at sumunod sa Kanyang mga utos. Sinasabi sa 1 Juan 3:24, "At ang tumutupad ng kaniyang mga utos ay mananahan sa kaniya, at siya ay sa kaniya. At dito'y nakikilala natin na siya'y nananahan sa atin, sa pamamagitan ng Espiritu na kaniyang ibinigay sa atin." Dapat na maglaan ng panahon ang bawat isa sa atin sa pananalangin at magpaabot tayo sa Diyos ng nilalaman ng ating mga puso. Dapat tayong magbasa ng Kanyang Salita at pagbulay-bulayan ang mga iyon. Ang mga pribadong oras ng pagsamba ay kinakailangan para sa personal na paglago sa pananampalataya. Bilang isang kalipunan ng mananampalataya, dapat na palagian tayong sumamba sa pamamagitan ng pagawit, pagaaral ng salita ng Diyos, pakikisama sa bawat isa at sa pamamagitan ng paggamit sa mga espiritwal na kaloob na makatutulong sa paglago ng Iglesya. Ang pagsamba ang pinakamataas na prayoridad para sa Iglesya at para sa lahat ng tunay na mananampalataya.
English
Gaano kalaking pagpapahalaga ang dapat na ibigay ng Iglesya sa gawain ng pagsamba?